Pumunta sa nilalaman

Persentahe

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Bahagdan)
Ang karaniwang sagisag ng bahagdan.

Sa aritmetika, ang persentahe, porsiyento, o bahagdan[1][2][3] (Wikang Ingles:Percentage) ay isang paraan ng pagpapahayag ng isang bilang bilang isang bahaging-hati (hating-bilang, praksiyon o pingki) ng 100 (ang per sent o per cent [Ingles], na nangangahulugang "sa bawa't sandaan", "kada isandaan", o "sang-ayon sa bawa't sangdaan"[4]). Karaniwang itong kinakatawanan ng sagisag ng porsiyento, ang "%". Halimbawa, 45% (binabasa bilang "apatnapu't limang bahagdan" o "apatnapu't limang porsiyento") na katumbas ng 45 / 100, o 0.45.

Ginagamit ang persentahe sa pagpapaliwanag kung gaano kalaki ang halaga ng isang bilang kaugnay ng isa pang bilang. Kalimitang kumakatawan ang unang bilang sa isang bahagi ng o isang pagbabago sa ikalawang bilang, na nararapat na mas mataas kaysa wala o sero (0). Halimbawa, ang pagdagdag ng P 0.15 sa halaga o presyon ng P 2.50 ay isang pagtaas ng isang bahaging-hati ng 0.15 / 2.50 = 0.06. Kung ipapahayag bilang isang persentahe, kung gayon isa itong pagtaas ng may 6%.

Bagaman kadalasang ginagamit ang mga persentahe o kabahagdanan sa pagpapahayag ng mga numero o bilang na nasa pagitan ng sero at isa, maaari ring ipaliwanag ang anumang proporsyonalidad na walang dimensiyon bilang isang persentahe. Bilang halimbawa, ang 111% ay 1.11 at ang −0.35% ay −0.0035.

Terminolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kung minsan, binabaybay din ang porsiyento bilang prosiyento. Tumutukoy din ang porsiyento sa kahating-halaga o komisyon na natatanggap ng isang tao mula sa pakikipagkasunduang pangkalakal o mula sa paglalaro ng sugal. Maaari din itong tumukoy sa tong o suhol na ibinibigay sa isang taong may-katungkulan; at maging sa halaga ng interes, patong o tubong halaga na idinadagdag sa orihinal na halaga ng salaping hiniram o inutang.[1][4]

Ebolusyon ng sagisag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinasabing nagmula ang pangkasalukuyang sagisag ng porsiyento mula sa isang kahawig na sagisag na may nakalatag na linya (c. 1650), sa halip na nakahilig, na nagmula naman sa daglat para sa "P cento" (c. 1425, ng Italyano, o per cento "para sa isangdaan").[5]

Makikita sa mga larawang ito ang ebolusyon ng "%":

Naglalahad rin ang isa pang sanggunian[6] ng kahalintulad na salaysayin. Mayroong ilang iba't ibang mga daglat ang pariralang "per cento" (iyan ang "per 100", "p 100", "p cento", atbp). Sa isang punto o pagkakataon, may isang tagasulat o tagatitik ang gumamit na lamang ng "pc" na may maliit na silo o ikot (ginagamit sa numerasyon o pagsusulat ng bilang para sa primo [pang-una], secondo [ikalawa], atbp.). Sa kalaunan, nagkaroon ng pahabang guhit na pang-pingki (fraction) ang "pc" na may silo, at nawala ang "per". Sa makabagong panahon, ginagamit natin ang solidus sa halip na isang pahabang-nakahigang guhit na bara o linyang pangharang.

  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "Porsiyento". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. De Guzman, Maria Odulio (1968). "Percent". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Percent and Interest". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 "Percentage" Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., Tagalog English Dictionary, Bansa.org
  5. Weaver, Douglas. "The History of Mathematical Symbols". Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-08-21. Nakuha noong 2006-07-18.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "U+0025 PERCENT SIGN".