Bataan Nuclear Power Plant

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search
Bataan Nuclear Power Plant

Ang Bataan Nuclear Power Plant ay isang nuclear power plant na matatagpuan sa Bataan, may 100 km sa kanluran ng Maynila sa Pilipinas. Ito'y natápos itayô noong 1984, ngunit hindi kailan man pinagana. Matatagpuan ang naturang planta sa 3.57 km² lupang laan ng pamahalaan sa Napot Point, Barangay Nagbalayong sa bayan ng Morong. Ito ang kaisa-isang pagtatangka ng Pilipinas na makapagtayô ng plantang nuklear. Isinantabi ang pagpapatakbo sa planta dahil sa pangamba sa kaligtasan nitó, dalá ng nangyari sa Chernobyl sa dating Unyong Sobyet noong 1986,[1][2][3][4] at mga isyu ng katiwaliang bumabálot sa pagpapatayô nitó.[5][6][7] Hanggang matápos ang nakatakdang itayông plantang nuklear sa Vietnam sa 2021, mananatiling tanging plantang nuklear sa Timog-silangang Asya ang Bataan Nuclear Power Plant.[8]

Kaligiran[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong mga 1950, binigyan ng Estados Unidos ang Pilipinas ng isang nuclear fission reactor.[9] Sinundan ito ng pagtatatag ng Philippine Atomic Energy Commission (PAEC) sa bisà ng Batas Republika Blg. 2067[10] noong 1958 upang mailatag ang programang nuklear ng bansa. Ipinanukala naman ang pagtatayô ng Bataan Nuclear Power Plant noong mga 1960 na pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos sa isang pahayag noong Hulyo 1973.[11] Isang pampanguluhang lupon at binuô upang makakuha ng pondo para sa dalawang 620 megawatt na nuclear reactor para sa pangangailangan sa enerhiya ng Luzon.[12]

Ito ang naging tugon ng pamahalaan sa krisis sa langis noong 1973 nang magkaroon ng embargo sa langis ang Gitnang Silangan na nagpahirap sa ekonomiya ng bansa. Ani ni Marcos, ang enerhiyang nuklear ang magiging solusyon upang matugunan ng bansa ang pangangailangan nitó sa enerhiya at nang mabawasan ang pag-aangkat nitó ng langis.[13]

Kontrobersiya[baguhin | baguhin ang batayan]

Dalawang panukala ang inihain ng mga respetadong kompanya ng enerhiya—ang General Electric at Westinghouse Electric. Naghain ng panukalang naglalaman ng detalyadong ispesipikasyon ng plantang nuklear ang General Electric na tinatayang magkakahalaga ng US$700 milyon. Samantala, naghain ang Westinghouse ng higit na mababang halaga na tinatayang US$500 milyon, ngunit hindi ito naglalaman ng kahit anong detalye o ispesipikasyon.[9][12]

Pinili ng lupong inatasang mamanihala sa proyekto ang panukala ng General Electric, ngunit binaligtad ito ni Marcos noong Hunyo 1974 nang lagdaan niya ang letter of intent na naggagawad ng proyekto sa Westinghouse. Pagdating ng Marso 1975, lumobo ang tinatayang halaga ng proyekto sa US$1.2 bilyon nang wala man lang paliwanag. Kalaunan, naitayo ng National Power Corporation ang isa lamang na nuclear reactor plant na nagkakahalagang US$2.3 bilyon.[12][14]

Isa pang kontrobersiya ang pagkakuha ng Westinghouse sa kontrata ng Bataan Nuclear Power Plant. Dokumentado ang pakikipagnegosasyon ng National Power Corporation sa General Electric bago pa sumulpot ang Westinghouse. Ngunit, nang mamagitan para sa Westinghouse si Herminio Disini, isang malapít na kaibigan ni Marcos, napaniwala pa ng mga ito na may laban pa ang General Electric para sa kontrata. May dokumentasyong makapagsasabi na may nangyayari nang negosasyon bago pa makapaghain ng detalyadong panukala ang General Electric.[9]

Pagpapatayô[baguhin | baguhin ang batayan]

Sinimulang ipatayô ang Bataan Nuclear Power Plant noong 1976. Ngunit pansamantala itong nahinto noong 1979, kasunod ang naganap na aksidente sa Three Mile Island sa Estados Unidos. Bunsod nitó, nagkaroon ng pagsusuri sa kaligtasan ng planta kung saan nakitaan ito ng 4,000 depekto.[11] Ilan sa mga ito ay ang sinasabing malapit na fault line at ang noo'y natutúlog na Bulkang Pinatubo.[12][13]

Pumalò ang halaga ng pagpapatayô nitó sa US$2.3 bilyon[12][14][15] na natápos naman noong 1984.[9][14] Taglay ang light water reactor mula sa Westinghouse, dinesenyo ito upang makalikha ng 621 megawatts ng elektrisidad.[13]

Kinahinatnan[baguhin | baguhin ang batayan]

Nang mapatalsik sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos noong Pebrero 1986 at pagkaraang maganap ang aksidenteng nuklear sa Chernobyl sa Unyong Sobyet, pinagpasyahan ng sumunod na administrasyon ni Corazon Aquino na hindi paganahin ang planta.[16] Isang hakbang na may halo na ring motibo dahil sa pagkakaugnay ng naturang planta kay Marcos.[11]

Noong Disyembre 1988, hinabla ng pamahalaan ng Pilipinas ang Westinghouse sa alegasyong panunuhol at pakikipagsabwatan nitó kay Marcos, at sa labis na pátong nitó sa halaga ng pagpapatayo ng planta. Bagay na ibinasura ng mga hukuman sa Estados Unidos noong Mayo 1993[11][17] at Switzerland noong Oktubre 1993.[14] Ito'y sa kabila ng “huling alok” ng Westinghouse sa pamahalaan sa ilalim ni Fidel Ramos noong Disyembre 1992 na makipag-ayos na lámang at magbabayad ang Westinghouse ng US$100 milyong halaga ng salapi at kredito, pag-upgrade nitó sa planta, at pagpapatakbo ng planta sa halagang US$40 milyon taon-taon kapalit ng pag-uurong ng pamahalaan ng mga kasong isinampa nitó.[14]

Noong 2012, ipinag-utos ng Sandiganbayan na magbayad sa pamahalaan ng Pilipinas ang negosyante at crony ni Marcos na si Herminio Disini ng halagang aabot sa US$50 milyong dahil sa kaniyang naging papel sa panunuhol at pandurugas sa pamahalaan upang maipatayô ang Bataan Nuclear Power Plant.[18]

Pagbabayad utang[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang pagbabayad utang ng bansa para sa naturang planta ang naging nag-iisang pinakamalaking obligasyon nitó. Mula 1986, aábot sa ₱64.7 bilyon—₱43.5 bilyon para sa principal amortization at ₱21.2 bilyon sa interes—ang ginugol ng pamahalaan bilang kabayaran sa Bataan Nuclear Power Plant. Natápos lang itó mabayaran noong 2007.[14]

Talasanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. Orejas, Tonette (16 Nobyembre 2016). "Risk too high for Bataan nuke plant, says scientist". Philippine Daily Inquirer (sa Ingles). Hinango noong 12 Marso 2018.
  2. "Scientists, green group reject Bataan nuke plant reopening" (sa Ingles). ABS-CBN News. 26 Enero 2009. Hinango noong 12 Marso 2018.
  3. "The folly of BNPP and nuclear power" (sa Ingles). Davao Today. 5 Marso 2009. Hinango noong 25 Marso 2019.
  4. Cepeda, Mara (21 Setyembre 2016). "DOE: Nat'l consensus needed to reopen Bataan Nuclear Power Plant" (sa Ingles). Rappler. Hinango noong 12 Marso 2018.
  5. Cabato, Regine (4 Abril 2018). "Russian ambassador: Bataan nuclear power plant revival 'not possible at all'" (sa Ingles). CNN. Hinango noong 22 Hunyo 2018.
  6. Olea, Ronalyn V. (31 Enero 2009). "Revival of Bataan Nuclear Power Plant a Source of Corruption?" (sa Ingles). Bulatlat. Hinango noong 21 Hunyo 2018.
  7. Ellao, Janess Ann J. (29 Hunyo 2009). "Reliving and Reviving '85 Welgang Bayan: Move to Open Bataan Nuclear Plant Opposed" (sa Ingles). Bulatlat. Hinango noong 22 Hunyo 2018.
  8. "Southeast Asia's only nuclear plant is a tourist site. That may change as Philippines weighs using it decades after it was built". South China Morning Post (sa Ingles). 23 Mayo 2018. Hinango noong 25 Marso 2019.
  9. 9.0 9.1 9.2 9.3 Camacho, Teo (24 May 2017). "The Controversy of the Bataan Nuclear Power Plant" (sa Ingles). Stanford University. Hinango noong 26 Marso 2019.
  10. "Science Act of 1958, §16" (sa Ingles). The LawPhil Project. Hinango noong 26 Marso 2019.
  11. 11.0 11.1 11.2 11.3 "The Bataan plant - The sequel" (sa Ingles). World Information Service on Energy. 3 Setyembre 1993. Hinango noong 30 Marso 2019.
  12. 12.0 12.1 12.2 12.3 12.4 Magno, Alex R. (1998). Kasaysayan: The Story of the Filipino People Vol. 9. Asia Publishing Co. pp. 204–205. ISBN 962-258-232-X.
  13. 13.0 13.1 13.2 Ong, Ghio; Flores, Helen (12 Disyembre 2007). "Bataan nuclear power plant safe for operation, says scientist". The Philippine Star (sa Ingles). Hinango noong 26 Marso 2019.
  14. 14.0 14.1 14.2 14.3 14.4 14.5 "Mothballed plant cost $2.3 billion". Philippine Daily Inquirer (sa Ingles). 17 Setyembre 2016. Hinango noong 30 Marso 2019.
  15. Pragacha, Romeo Jay C. (2 Hunyo 2011). "Financing nuclear power in the Philippines". Businessworld (sa Ingles). Hinango noong 30 Marso 2019.
  16. Lee, Yok-shiu F.; Jeff So; Alvin Y. (Oktubre 1999). Asia's Environmental Movements: Comparative Perspectives (Asia and the Pacific) (sa Ingles). M E Sharpe Inc. ISBN 978-1-56324-909-9.
  17. Goodno, James (24 Hulyo 1993). "Fossil fuel plans for nuclear station". New Scientist (sa Ingles). Hinango noong 21 Oktubre 2009.
  18. Salaverria, Leila B. (11 Mayo 2012). "Nuke plant bribery: PCGG wants Marcos, not just Disini, to pay". Philippine Daily Inquirer (sa Ingles). Hinango noong 21 Hunyo 2018.