Pumunta sa nilalaman

Bulubundukin ng Gandise

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Bulubunduking Hedin)
Ang rehiyon na kinaroroonan ng Bundok ng Kailash sa Tibet.

Ang Bulubundukin ng Gandise o Bulubundukin ng Gangdise ay isang kapangkatan ng mga bundok sa Tibet. Ang Bundok ng Kailash ang pinakapangunahing tuktok nito.[1] Kilala rin ito bilang Gangdise Shan[2] kung saan nangangahulugan ang shan sa wikang Intsik bilang "bundok".

Nakahimlay ang nasasakupan ng Bulubunduking Gandise sa pagitan ng Yarlung Tsangpo (o Brahmaputra) at ng talampas ng Chang Tang. May lawak itong 2,000 mga kilometro mula sa silangan pakanluran at sumasakop sa mga 200 mga kilometrong silangan pahilaga. Nnasa likuran ito ng Bulubundukin ng Himalaya at inihihiwalay ng Lambak ng Tsangpo. Mayroong mga bangin patungo sa katimugan. Pumapatag-patag ito kung papunta naman sa hilaga. Sa may silangan, bumubuo ito sa magiging nasasakupan ng Bulubundukin ng Nyenchen Tanglha.[2]

Si Sven Anders Hedin ang unang eksplorador mula sa Kanlurang Mundo na nakapaglarawan sa Bulubundukin ng Gandise. Binanggit niya rin na mayroon itong tungkulin bilang isang katubigang kanlungan o "silong" sa pagitan ng mga Ilog ng Indus at ng Tsangpo, pati ng hilagang Tibet.[2]

Pagkaraan maglathala ni Sven Hedin ng kanyang mga ulat ukol sa Bulubundukin ng Gandise, unang nakilala ang rehiyon bilang nasasakupan ng Hedin (Hedin Range) o Bulubundukin ng Hedin, partikular na sa Kanlurang bahagi ng mundo. Dahil ito sa pagkakatuklas at paglalakbay dito ni Sven Hedin. Ganitong pangalan ang nakalimbag sa mga mapang nalathala noong unang hati ng ika-20 daantaon. Dahil nasa likod ito ng Bulubundukin ng Himalaya at inihihiwalay ng Lambak ng Tsangpo, nakilala rin ito bilang Transhimalaya.[2]

Ang Bundok ng Kailash (may 6714 mga metro) ang pinakakilalang bundok na sakop ng Bulubundukin ng Gandise. May taas na 7,095 metro naman ang Loinbo Kangri, ang pinakamataas na tuktok sa Gandise. Mayroon pang ibang mga tuktok sa bulubunduking ito na umaabot sa mahigit sa 6,000 mga metro ang bawat isa.[2]

Isang nomadikong Tibetano at ang kanyang asno.

May mga bulkan sa Bulubundukin ng Gandise na nagsimulang mabuo mula pa noong mga isandaang milyong mga taon na ang nakararaan. Sa diwang makaheolohiya, mas matanda ang bulubunduking ito kaysa Bulubundukin ng Himalaya. Sa ngayon, wala nang mga buhay na bulkan sa Bulubundukin ng Gandise, ngunit mayroon pa ring maiinit na mga bukal at pumupulandit na sibol ng tubig o geyser.[2]

Halaman at hayop

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa taas na 4,000 hanggang 4,000 mga metro, mayroong mga lupaing alpino o damuhang pangkabundukan. Ginagamit na pastulan ng mga katutubong taong nomadiko ang mga damuhang ito. Kapag mahigit na sa 6,000 mga metro, mayroon lamang mga niyebe at yelo ang bulubundukin.[2]

Mayaman sa mga ilang na hayop ang bulubundukin bagaman may mataas na altura at malupit na klima. Dumadalaw sa mga lawa nito ang mga gansa at iba pang mga ibong pantubig. Kaugnay ng mga ibon, ang pinakamalaking ibong maninilang nananahan dito ay ang buwitreng Lämmergeier. Mayroon ding mga Tibetanong antelopo, asno, pika, kuneho, at fox. May mga domestikado o napaamo nang mga tupa, kambing, at yak na pag-aari ng mga pastol na hindi tumitigil o naninirahan sa iisang pook.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gandise Mountains, What's the Highlights of Tibet?, Great Tibet Tour, nakuha noong Abril 20, 2009.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 Gangdise Shan, SummitPost.org