Pumunta sa nilalaman

Bundok Dulang-dulang

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Bundok Dulang-dulang, kilala rin sa tawag na “D2” ng mga Pilipinong namumundok, ay isa sa may matataas na taluktok sa bulubundukin ng Kitanglad na matatagpuan sa gitnang hilagang bahagi ng lalawigan ng Bukidnon sa pulo ng Mindanao. Ito ang ikalawang pinakamataas na bundok sa Pilipinas na 2,941 metro (9,649 talampakan) sa taas ng antas ng dagat, pumapangalawa lamang ito sa Bundok Apo ng Davao na may sukat na 2,956 metro (9,698 talampakan) at bahagyang mas mataas sa Bundok Pulag ng Luzon, ikatlong pinakamataas na may tayog na 2,922 metro (9,567 talampakan).

Itinuturing ng tribo Talaandig ng Lantapan ang bundok bilang isang sagradong pook. Pagmamay-ari ito ng tribo na nagmula pa sa kanilang ninuno.

Ang bundok Dulang-dulang, katulad din ng iba pang taluktok o matataas na bahagi ng bulubundukin ng Kitanglad, ay pinapalibutan ng kagubatan at tahanan ng iba’t ibang uri ng halaman. Ito ay nagsisilbing kanlungan ng 58 uri ng mamalya kabilang na ang mga paniki, ardilya, baboy-ramo, lumilipad na lemur, shrew at usa. Matatagpuan din sa paligid ng bundok ang Haribon o Banoy.