Cecilio Apostol
Cecilio Apostol | |
---|---|
Kapanganakan | 22 Nobyembre 1877
|
Kamatayan | 8 Setyembre 1938
|
Mamamayan | Pilipinas Espanya |
Nagtapos | Unibersidad ng Santo Tomas Pamantasang Ateneo de Manila |
Trabaho | makatà, manunulat |
Si Cecilio Apostol ay isang manananggol subalit di matatawaran ang kanyang kakayahan bilang makata sa wikang Kastila at Tagalog. Hindi lamang dito kinikilala si Cecilio Apostol sa pagiging makata, sa Espanya at Latin Amerika ay sinasabing lalong kilala siya bilang "the greatest Filipino epic poet in Spanish."
Tubong Santa Cruz, Maynila, isinilang siya noong 22 Nobyembre 1877. Anim silang magkakapatid at siya ang pangatlo mula sa panganay. Ang kanyang mga magulang ay sina Jose Pablo Apostol at Marcelina delos Reyes.
Mula pa sa pagkabata ay nakita na sa kanya ang pagkahilig sa tula. Nasa ikatlong baitang pa lamang siya ng mababang paaralan ay sumusulat na siya ng mga tula. Sa mga palatuntunang pampaaralan ay lagi siyang tumutula at sariling mga tula ang kanyang binibigkas. Bukod sa tula, mahilig din siya sa sining. Sa bahay nagpipinta siya at ang kanyang karaniwang ipinipinta ay kalikasan, mga bulaklak, ibon at mga tao.
Simpleng tao lamang si Cecilio. Tahimik siya, simpleng manamit at umiiwas sa publisidad. Nang matapos sa mababang paaralan, si Apostol ay pinagaral ng kanyang ninong sa Ateneo de Manila, kung saan naipagpatuloy niya ang kanyang hilig sa pagsusulat ng mga tula at pagguhit ng mga larawan.
Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan tinapos niya ang Bachiller en Artes. Kumuha din siya ng Law at naging kaklase niya sina Sergio Osmeña at Manuel L. Quezon. Nabalam ang pag-aaral niya ng Law nang maganap ang Unang Sigaw sa Balintawak noong 26 Agosto 1896. Nakisama siya sa mga gawain nina Andres Bonifacio bilang mga rebolusyonaryo. Hindi man siya gumamit ng sandata at sumasama sa pakikipaglaban sa mga kaaway, ginamit naman niya ang kanyang panulat. Miyembro siya ng editorial staff ng pahayagan ni Heneral Antonio Luna na La Independencia. Kasama niya sina Rafael Palma, Epifanio delos Santos, Fernando Ma. Guerrero at iba pang mga manunulat na makabayan.
Sa panahon ng rebolusyon niya nakilala ang babaing kanyang nakaisang-dibdib, si Margarita San Jose na taga-Paco, Maynila. Nagkaroon siya ng 6 na anak, 3 lalaki (Redentor, Jose, Horacio) at 3 babae (Lourdes, Ofelia at Eden).
Bilang manananggol, naglilingkod siya sa tanggapan ng Piskal ng Maynila. Kinagiliwan niya ang kanyang gawain sa tanggapang ito at dahil sa kanyang katapatan, kasipagan at kaalaman sa batas ay inalok siya ng promosyon at dagdag na sweldo. Iyon ay kanyang tinanggihan at sinabing ibigay na lang sa ibang kasama niyang bata pa sa gawain at dapat din namang makatanggap ng promosyon. Higit daw na mahalaga sa kanya ang masaya siya sa kahyang ginagawa. Ayon sa kanya, ang pagiging masaya niya sa kanyang ginagawa ay isa nang gantimpala.
Sa kabila ng pagiging abala sa tanggapan ng Piskal, hindi rin niya nalilimutan ang pagsulat ng tula. Bilang dalubwika, maliban sa Tagalog at Kastila, nakapagsulat siya sa iba pang mga wika tulad ng Latin, Griego, Aleman at Italyano. Natutuhan niya ang mga wikang ito sa pamamagitan ng sariling pag-aaral. Ayon kay Don Jaime C. de Veyra, si Apostol ay kontento na at masaya sa karangalang ibinigay sa kanya bilang pinakamahusay na tagapagsalin mula sa wikang Ingles sa wikang Kastila.
Ang mga tula ni Apostol ay tinipon ni De Veyra na may kasamang panimulang salita ni Claro M. Recto na may pamagat na Pentelecas na nalimbag at nalathala noong taong 1941. Ang ilang tulang kasama sa katipunang ito ay Al Herse Nacional, Mi Raza, A La Bandera, La Siesta, Sobre El Plinto, Paisaje Filipino, at iba pa. Naging manunulat siya ng mga pahayagang La Patria, La Fraternidad, La Democracia, at El Renacimiento. Ang kanyang mga tula, kasama ng kanyang talambuhay ay lumabas sa World Anthology of Spanish Poetry ni Monsenyor Carl Kjersmeir (manunulat na Danish) at sa Encyclopedia España (kilala sa buong daigdig). Ang dalawa niyang tulang nagbigay sa kanya ng karangalan ay Los Martires Anonimos de la Patria (The Nameless Martyrs of the Country) at Al Yankee. Siva ang tanging makatang Pilipinong tumanggap ng napakaraming parangal at mga papuri.
Namatay siya sa sakit na Cerebral Hemorrhage noong 17 Setyembre 1938 sa kanilang tahanan sa Caloocan sa gulang na 61.