Crisanto Evangelista
Ang artikulong ito ay nangangailangan pa ng mga link sa ibang mga artikulo upang makatulong isama ito sa ensiklopedya. (Hunyo 2017) |
Crisanto Evangelista | |
---|---|
Kapanganakan | 1 Nobyembre 1888
|
Kamatayan | 25 Enero 1942 |
Mamamayan | Pilipinas |
Trabaho | politiko, trade unionist |
Si Crisanto Evangelista (1 Nobyembre 1888 – 2 Hunyo 1942) ay isang Pilipinong komunista ng unang bahagi ng ika-20 siglo. Siya ang pangunahing tagapagtatag at namuno ng (lumang) Partido Komunista ng Pilipinas noong 7 Nobyembre 1930, sa araw ng 13 taon ng Rebolusyong Oktubre ng Russia. Kinulong siya sa bandang huli ng dekada ngunit pinalaya ng gobyerno para lumaban sa mananakop na Hapon. Tinanggap niya ang malupit na kamatayan sa duguang mga kamay ng pasistang Hapones noong 2 Hunyo 1942.
Kabataan at Pag-aasawa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Si Crisanto Evangelista ay isnilang noong 1 Nobyembre 1888 sa maliit na nayon ng Malhacan, Meycauayan, Bulacan. Sina Florencio Evangelista at Feliciana Abano ang kanyang mga magulang. May kapatid sa ina, si Mamerta Abano, na mas matanda kay Crisanto; at tanging kapatid na babae na sumunod sa kanya. Ang kanyang ama ay isang magsasaka sa asyenda; ang kanyang ina, isang maybahay, ay sinasabing nag-aangkin ng matalinong pag-iisip. Ang murang kabataan ni Crisanto ay nagdaan sa dalawang malalaking sigwang panlipunan sa kasaysayan ng Pilipinas: ang rebolusyong matagumpay laban sa mga Kastila at ang madugong Pilipino-Amerikano. Sa huling digmaang nabanggit, nagbuwis ng kulang-kulang sa 300,000 buhay ang mga Pilipino upang ipagtanggol ang Unang Republika at ang kanilang pambansang kasarinlan at karangalan.
Lumaki at nagkaisip si Crisanto sa isang bayang kolonyal, na unti-unting nilalagom ng kapangyarihan ng imperyalismong Amerikano na katulong ang mga komprador, asendero at mga katutubong politiko sa paghuthot at pang-aapi sa sambayanang Pilipino. Bunga ng kahirapan at pagdarahop, tulak ng kanilang pagnanais na magkaroon ng kalayaan at mas mabuting pamumuhay, at inspirado ng dakilang tradisyong rebolusyonaryo sa maluwalhating pambansang kasaysayan ang pananakop ng ito ng imperyalistang Amerikano ay di kailanman lubos na pinatahimik ng patuloy na protesta ng taumbayang naghihirap. Ang mga pangmasang demonstrasyon at mga petisyon, at ang mga puta-putakting pag-aalsang armado ng mga Kolorum nuong 1923–1924, ng mahihirap sa Kabisayaan nuong 1927, ng mga magsasaka sa Tayug at ng Tanggulan nuong 1931, at ng Sakdal nuong 1935 halimbawa ay sumabog na patuloy sa ilalim ng rehimeng kolonyal. Ang mga puwersa ng pagbabago mula't sapul ay tila masamang panaginip na ayaw patulugin ang imperyalismo at mga katutubong galamay nito.
Nakatapos si Crisanto ng paaralang primarya sa Meycauyan. Nang dakong huli, nagtungo siya sa Maynila para dito ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Sa pamamagitan ng pagsisikap habang nagtatara-baho ay natapos niya ang Intermediya. Nang dakong huli si Crisanto ay nakapagtapos ng katumbas ng primera anyo sa mataas na paaralan. Hindi siya makapagpatuloy pa sa kanyang pag-aaral dahil sa pagkamatay ng kanyang ama at iba pang mga kagipitan, laluna sa kabuhayan. Ang daigdig ng edukasyon, gayunpaman, para sa kanya ay nabuksan na ng mga panahong iyon, at naengganyo si Crisanto sa mga hiwaga at pangako nito. Udyok ng marubdob na hangaring matuto pa at ng katutubong katalinuhan, sa pamamagitan ng walang tigil na sariling pag-aaral a nagkaroon siya ng kakayahang bumasa sa Kastila at Ingles. Ang kanyang kahusayan sa Tagalog na katutubo niyang wika ay mas maagang natamo kaysa dalawang nabanggit sa una, at nanatili hanggang sa mga huling taon ng kanyang buhay bilang prinsipal na lengguahe sa pagsasalita at pagsulat.
Ang pakikibakang ito para magkaroon ng edukasyon sa pamama-gitan lamang ng sariling pagpupunyagi ay mahigpit na nakakawil sa kanyang katauhan. Namasukan siya sa murang gulang pa lamang sa palimbagan at dahil sa pagsusumikap ay umasenso siya bilang linotypist. Binabasa ang mga materyales habang inaayos ang mga tipo at isinasa-tumpak sa pamamagitan ng 'proofreading', ang kanyang gawain ito ay nakatulong sa kanyang masidhing paghahangad na matuto. Naging maibigin din siya sa pagbabasa ng mga aklat—isang damdaming inalagaan niya habangbuhay na tumulong sa pagpapayaman at paghubog ng kanyang isipan. Ang trabaho niya sa palimbagan ay siya ring nagsangkot sa kanya di nagtagal sa kilusang manggagawa.
Samantala, ang mga radikal na ideya gaya ng anarkismo, demokrasya, sosyalismo, atpb., ay dumating mula sa Kanluran kasabay ng komersiyo at industriya. Taglay ng mga diskontentong tao, ang mga ito ay nakatagpo ng matabang lupa sa sinapupunan ng mga ilustrado at mga manggagawa. Ang ilustradong si Isabelo delos Reyes, gumugol ng panahon bilang isang bilanggong pampolitika sa piitan ng Kastilyong Montjuich sa Espanya dahil sa paratang na kasangkot sa Rebolusyon ng Pilipinas, ay nagbalik sa bansa noong Hulyo 1901. Nag-uwi siya ng mga literaturang sinulat ng mga anarkista at mga sosyalistang tulad nina Bakunin, Malatesta, Proudhon, at mga librong gaya ng Vida y Obra de Carlos Marx ni Federico Engels, Dos Campesinos at ipa pa na tumatalakay sa mga aral nina Marx, Engels, at Proudhon.
Noong 2 Pebrero 1902 si Isabelo delos Reyes, sa tulong ni Herminigildo Cruz—ang pundador ng UNION DE LITOGRAFOS Y IMPRESORES DE FILIPINAS noong nagtatapos ang 1890-1902—ay itinatag ang UNION OBRERA DEMOCRATICA (UOD) sa Maynila. Ito ang pinakamaagang pederasyon ng mga manggagawa na may katuturan sa buong bansa.
Kaagad ang UOD ay nag-organisa sa mga manggagawa. Makaraan ang kanilang ikatlong pag-aaklas noong Abril sa Malabon, Rizal, si Delos Reyes ay dinakip at isinalya sa bilangguan dahil sa paggambala raw ng katahimikan. Nang dakong huli sa pagkikipagharap sa Gobernador Heneral, binalaan nito si Delos Reyes at iba pang mga lider manggagawa na "Kung may 10 tao na binabayaran ang gobyerno para bantayan ang bawat isang manggagawa, sa kabilang banda ay mayroon 20 para bantayan si Isabelo delos Reyes!"
Bunga nito, ang huli ay humiwalay na sa kilusan ng mga manggagawa at tinanggap ang pagpapatawad ng pamahalaan; sa kalaunan, siya'y naging espiritista at politikong kolonyal. Makaraan ang dagok na ito, si Dr. Jose Maria Dominador Gomez, ilustradong miyembro ng dating kilusang repormista sa Espanya, ay inihalal upang pamunuan ang pederasyon. Upang bigyan ng direksiyong makabansa ang pamagat na UOD ay pinalitan ng UNION OBRERA DEMOCRATICA DE FILIPINAS (UODF). Nagpalabas sila ng isang pahayagan—ang LOS OBREROS—at nagplanong magbuo ng mga serbisyong legal at medikal, para sa mga kasapi ng pederasyon at gayundin ng mga kooperatiba.
Sa kabilang dako, ang mga konserbatibo sa sinapupunan ng mga manggagawa gaya nina Ramon Diokno, Lope K Santos, atbp., ay sumalungat sa lumalagong radikalisasyon ng mga lider ng mga manggagawa, laluna ang mga nagtatrabaho sa palimbagan. Tulad ng dapat asahan, ang nabuong mga partido ng Establisimyento ay nadomina ang Asembleya Nasyunal, sanayan ng mga katutubong politikong katulong sa dominasyon ng mga imperyalista, tulad nina Sergio Osmena at Manuel Quezon.
Sa magulong panahong ito na nangangapa sa organisasyon, politika at ideolohiya ang uring manggagawa, unti-unti namang nabubuo sa kamalayan ni Crisanto Evangelista ang tungkulin niya sa, at mga pangangailangan ng, kilusang anak-pawis.
Kaya sa kanyang pakikisangkot na ito, naghanap siya ng makakasama habambuhay. Hindi nagluwat ay natagpuan ng batang manggagawa ang bituin ng kanyang mga pangarap: si Lucia Guzman. Ito ay isang kaakit-akit na dalagang taga Paco, Maynila, anak ng mag-asawang Ignacio Guzman at Honoria Gonzales. Nagkaibigan sila matapos ang mahabang suyuan. Isang araw, matapos timbangin na maaari na niyang itaguyod ang ganitong pananagutan sa pamamagitan ng kanyang maliit mag sinasahod, hiningi ni Crisanto ang kamay ni Lucia sa kanyang mga magulang, upang pakasalan. Nang pumayag ang mga ito, inihatid niya si Lucia sa altar noong Enero 1912 sa Parroquia dela Iglesia Catolica Apostolica Independiente Filipina sa Tondo, Maynila.
Sa isang panahong itinuturing na mas mainam ang maraming anak, ang pagsasama nina Crisanto at Lucia ay tunay na masasabing napakainam. Magkakasunod na isinilang ang siyam nilang anak, apat na lalake at limang babae. Namatay ang ilan sa kanila na sanggol pa lamang, ang iba naman ay nuong malalaki na. Ang ilan ay nakapagtayo ng sariling pamilya.
Ang Manunulat na Manggagawa: Bagong Dugo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nuong kanyang kabataan si Crisanto ay nakapag-ukol din ng panahon sa paglikha ng panitikan. Nakikita at nadarama niya ang mga kahirapan at suliraning ipinapataw ng imperyalismong Amerikano at ng mga asendero sa naghihirap na masang Pilipino at pinagsumikapan niyang mabigyang anyo ito sa sanaysay at tulain. Noong 1913, sa isang programa ng pagdiriwang sa ikalawang taong kapisanang Damayang Mahihirap, binigkas ni Crisanto ang kanyang 16 na estropang tula na pinamagatang "Ang Sigaw ng Dukha". Ito ay isang kritikong tula na nagbubuga ng apoy at kamandag. Narito ang ilang mahahalagang mga talata:
Ikaw na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon. Kayong yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon, Akong lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool, Tayong lahat ngani, na binabagsakan ng pula't linggatong, Tayo ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon, Pagka't kundi tayo napa-aalipi'y walang panginoon. * * * * * Kung tayo'y natutong lumikha ng ating ipananandata, kung ikaw at ako'y natutong tumutol at di tumalima, Kung tayong mahirap, tayong manggagawa'y natutong kumita Ng punglong pangwasak, ng kanyon at saka, mga dinamita. Disin ay putol na ang pang-aalipin at ang panggagaga sa ating mahirap, niyang pinagpala ng masamang mana. * * * * * Maniwala kayong kung sa pasimula tayo'y nagpipisan bumuo tinatag ang lakas ng bisig at ng karapatan, Nagbango't yumari ng isang malaya at sariling bayan, Niyong bayang salat sa masamang masa at sa kasakiman maniwala kayong kahapon ma't nagyon, bukas at kailan man tatanghalin tayong may lakas na tao, may puri't dangal. * * * * * Maniwala kayong mga piling samang ang paghihikahos imbing pagkadusta at pagka-alipin ng lubos na lubos ay di gawa lamang ng mamumuhunang mga walang taros kundi pati tayo, tayong sugatan may di nagkakaloob na gumawa baga ng pagsasanggalang ng wagas at taos upang mapaanyo ang lakas ng lahat sa ikatutubos. * * * * * Ngayon mga kasama, tayo'y dumaraing sa lagay na dusta tayo'y nadadagi sa malaking buwis na sa ati'y likha ng Batas anilang kung kaya niyari, kung kaya nalagda ay sa kagalingan ng bayang mahirap at nagdaralita hindi baga ito katutubong hangad sa buktot na gawa? Kapag paggugugol, pantay pantay tayo! Mayaman ma't Dukha. * * * * * Tayo'y dumaraing, laging humihingi ng kandiling tapat, Sa Pamahalaan, sa Mamumuhunan, at sa lagdang batas ngunit masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag ng di kasiyahan natin sa pakana't masamang palakad: Ang mamumuhunan, ang pamahalaan at ang mga batas Ang ating kalaban, ang sumasansala, ng ganap na ganap. * * * * * Ginigipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat, sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat tayo'y inaapi ng mamumuhunan sa gawa ng pilak binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwas at pati pa halos niyong lalong imbi tayo'y hinahamak ngunit hindi mandin tayo gumagawa ng mga pang-wasak. * * * * * Kung may damdamin ka't dinaramdam mo ang lahat ng ito, kung may nababahid na kamunting dangal sa puso mo't noo, kung ikaw'y simpanan ng magandang gawa, gawang makatao Walang lingong-likod, kusa mong tunguhin ng taas ang ulo ng bukas ang dibdib, ang iyong kasama sa isang upisyo at isumpa roong makikisama ka nang di naglililo. * * * * * Isumpa mo roong magtataguyod ka ng ganap na layon na mamahalin mo, ang Palatuntunan at ang iyong Unyon gagawa ng lalong matapat sa lahat ng ikasusulong hindi magtatamad sa mga pagdalo na higit sa lasong nanatay sa mithi, na likha ng sama't pagniningas-kugon. * * * * * Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli'y makikita mo nang unti-unti namang ang lahat ng sakim, ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang nilahil, pawang napapawing usok na masangsang sa himpapawiriin at sa kasunod niya'y "Ang Sigaw ng Dukha" na sa sana'y lagim!
Habang patuloy ang pananalasa ng imperyalismong Amerikano—marahas o mapayapa man—sa sambayanang Pilipino, sa larangan naman ng paggawa ay isa si Crisanto sa patuloy na nagpupunyagi upang mabuo ang isang malaking konpederasyon ng mga Unyon ng mga manggagawa. Pinagmuntikanang matamo nila ang bagay na ito noong 1912. Sa sumunod na taon ay muli silang nagsikap, kaya't noong 1 Mayo 1913, tatlumpo't anim (36) na mga unyong may 40,000 kasapi sa Maynila at karatig at iba pang mga lalawigan ang nagsipagsugo ng kanilang mga kinatawan upang buklurin ang kanilang pagkakaisa. Ang mga kinatawan ay nagsipagtipon sa Sine Oriental sa Azcarraga, Maynila sa napakamakasaysayang araw na iyon. Inabot ng apat na araw (Mayo 1–4) ang nasabing pagpupulong, isang matibay na patotoo ng kanilang determinasyong magtagumpay. Si Crisanto ang opisyal na kinatawan ng Samahang Abuluyan sa Limbagan ng Pamahalaan. Ang mga Unyon kaanib sa CONGRESO OBRERO DE FILIPINAS (COF) o KATIPUNAN NG MGA MANGGAGAWA SA PILIPINAS (KMP) ay nagkaroon ng mga kinatawan sa Board of Directors. Sa naganap na halalan para sa pamunuan ay nagwagi si Herminigildo Cruz bilang Speaker at si Primitivo Cruz bilang Kalihim.
Mayaman ang pagtatalakayang naganap sa nabanggit na kapulungan at sa ika-apat na araw ay napagpasiyahan nila ang salalayang mga simulain ng KMP (COF). Ilan sa mahahalagang mga resolusyon ang mga sumusunod:
1. Lipunin sa iisang samahan ang lahat ng kapisanang manggagawang natatatag ngayon, at ang mga matatatag pa, sa ibabaw ng mga saligan ng 'Sindicalismo Obrero', na ang mga balangay na iba't ibang hanapbuhay at ang mga Kapisanang Manggagawa sa ibat ibang pook ang siyang bubuo ng nasabing Kalipunan, na ang pang-unang adhika niya'y ang ikasusulong ng pag-iisip at ng pamumuhay ng manggagawa at ang pagsasanggalang ng kanyang mga karapatan at kapakanan.
2. Ang mga manggagawa'y nagiging isang lakas sa pagyari at paggamit ng mga bagay-bagay, (kaya) pagsisikapan ng mga ito, sa pagsunod ng matuwid nilang adhika, na gumamit ng mga gawi at paraang katulad din ng karaniwang ginagamit ng puhunan na pangingibabaw sa Paggawa nila alinsunod sa hinihiling ng bawat pangyayari.
3. Di inaayunan ng Kapulungan ng mga Manggagawa ang ano mang marahas na kagagawang magbubuhat sa mga manggagawang walang matuwid na kadahilanan, sa pasusumakit sa kanilang ikatitimawa.
4. Habang di pa natatatag ang Kalipunan ng mga Manggagawa sa Pilipinas, ang kasalukuyang Kapulungan ay gaganap na parang isang lupong taga-pagbatas at tagapagpatupad.
5. Ang Pangulo ng Kapulungan ng mga Manggagawa. . . ay makagagawa ng anumang pamamaraang natutungo sa ika-pagtatamo ng mga layong nasasaysay sa kapasyahang ito.
6. Sa alinmang suliranin ng politika, sa pagsasamahan, sa pamumuhay at sa pananampalataya maging dito lamang o nahihinggil sa ibang lupa, na nalalahad o mapapalahad pa, ang manggagawang Pilipino'y gagawa ng tapat at lubusang pagka-manggagawa.
7. Ang mga kasapi ng Kapulungan ay 'magkakaroon ng lalong ganap na kalayaan.' a. Sa nahihinggil sa pagsasanggalang ng mga adhika't kapakanan ng bayang Pilipino. b. Sa nahihinggil sa mga suliranin sa politika at sa pananampalataya. k. Sa nahihinggil sa Kalayaan sa pag-iisip.
8. Ang KMP ay pinatitibayan ang 'kanyang kusa', tapat at mahigpit na pakikipag-ibigan sa mga Manggagawa sa Sangsinukob.
Sapagkat napaka-popular ang hangaring kasarinlang pambansa sa mga delegado, ang KMP (COF) ay nagpasa ng isang resolusyong tumutuligsa sa AMERICAN FEDERATION OF LABOR, dahil sa pagsalungat nito sa pagkakaloob ng kalayaan sa Pilipinas.
Nang sumunod na taon, ang Kawanihan ng Paggawa sa pamamagitan ng isang Lupon sa Araw ng Paggawa ay naglunsad ng pagligsahan sa pagsulat ng sanaysay para sa publiko upang mapasigla ang pag-iisip hinggil sa mga problema ng mga manggagawa. Nagpasok ng sariling sanaysay si Crisanto na pinamagatang "Kung Alin-Alin ang Mga Paraang Mabisa sa Ikalalaganap ng Unyonismo sa Pilipinas", sa ilalim ng alyas na LABOR OMNIA VINCIT. Napanalunan nito ang tanging gantimpalang nagkakahalaga ng P50.00 na malaking halaga ng panahong iyon. Ito ay importante hindi lamang sa pagkilala sa kanyang kakayahan bilang manunulat kundi ang pagpasok ng isang bagong dugo sa larangan ng pampolitika na pampanatikan—mabisang sandata ng isang uring nagbabangon upang makahulagpos sa kadena ng kahirapan at kaalipinang ipinataw ng imperyalismo.
Si Crisanto ay nagmasid, nagsanay, nag-aral at nagpatuloy.
Misyon sa Kasarinlan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa pagdaraan ng mga taon, ang mga ideyang pangkilusan at personalidad bilang lider manggagawa ni Crisanto ay lumalaki, at natural pati ng kanyang impluhensiya sa mga palimbagan. Kasunod nito, ang UIF na kaanib sa KMP (COF) ay nagbagong-tatag noong 31 Marso 1918. Nahalal na mga pinuno ang mga sumusunod: Crisanto Evangelista—Pangulo; Melanio de Jesus—Kalihim-Ingat-yaman; Arturo Soriano—Sgt. at Arms; at Felipe Mendoza, bilang Kalihim tagatitik: Sa pamamagitan ng pamamatnugot ni Crisanto, ang COLLECTIVE BARGAINING AGREEMENT (CBA) ay pinasimulan. Kaagad binuo niya ang isang Lupon na pinangungunahan niya mismo, kasama sina Herminigildo Cruz at Pablo Lucas upang pag-aralan ang mga kondisyon sa paggawa, mga suweldo at mga relasyon ng management at ng mga manggagawa. Matapos ang nasabing pag-aaral ay nagharap sila ng kolektibong petisyon sa lahat ng mga palimbagan at mga imprenta ng lunsod ng Maynila nang taon ding yaon. Sinagupa sila ng mahigpit na pagsalungat ng mga may-ari. Kaya nanawagan si Crisanto sa mga manggagawa para maglunsad ng pag-aaklas.
Isa-isang tumugon sa kanyang tawag ang mga Unyon ng mga manggagawa sa palimbagan. Sa harap ng matibay na determinasyon ng nagkakaisang mga manggagawa, napilitan ang mga management na sumang-ayon sa kanilang mga kahingiang magkaroon ng CBA. Noong panahong iyon ay wala pa ang Batas No. 213 na kumikilala sa karapatan ng mga Unyon na magkaroon ng pakikipag-CBA sa management. Dahil sa lumalaking puwersa ng mga unyon, maraming mga imprenta at palimbagan ang sumang-ayon sa mga kondisyong tulad ng mga sumusunod:
1. P3.00 ang pinakamababang pasahod para sa mga kahista at minerbista; mula sa P4.00 hanggang P6.00 ang para sa makinista; at P6.00 hanggang P10.00 para sa linotypist;
2. Karagdagang 50% para sa overtime na lampas sa 8 oras ng paggawa at 100% para sa araw ng Linggo at mga pista opisyal;
3. Sa ibang mga palimbagan ay naipatupad din ang 2 linggong bakasyon na tuloy ang suweldo sa bawat isang taon na serbisyo;
4. Isang aprentis ang inilalaan para sa limang bihasang mga manggagawa upang maiwasan ang kompetensiya sa pagitan ng mga aprentis, bihasa at matagal nang mga manggagawa;
5. Dapat magkaroon ng konsultasyon ang pamunuan ng Unyon at ang Management, bago nagpatalsik ng manggagawa upang malutas ito nang salig sa kahingian ng Katarungan.
Ang tagumpay na ito ng mga manggagawa sa palimbagan, dahil sa nagkakaisang pag-aaklas, ay nagbigay ng popularidad para sa mga miyembro ng Komite at bunga niyan ay makatuwirang naging pambungad ang UIF sa kilusan ng mga Unyong Manggagawa sa buong bansa. Ang Establisimyento ay nagpakana para panghinain ang kilusang manggagawa. Nang dakong huli, si Pablo Lucas ay ninumbrahang Direktor ng Palimbagan at si Herminigildo Cruz ay Direktor sa Paggawa.
Si Crisanto Evangelista ay di nakuha ng naghaharing uri pagkat nanatili sa piling ng mga kauri. Bilang pagkilala sa kanyang katapatan, inihalal siya sa Lupong Pamunuan ng KMP (COF). Dahil sa paglaki ng kanyang pangalan sa kilusan, nang taong 1919 ay naging kinatawan siya ng mga manggagawa sa Unang Misyon Ukol sa Kasarinlan na nagtungo sa Estados Unidos. Ang Misyon ay pakulo ng mga politiko at ilustradong nasa poder upang makiusap sa pamahalaang Amerikano na ibigay na ang kasarinlan ng Pilipinas.
Ginampanang papel sa misyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang kanyang tinungkol ay ang pakikipagkita sa mga manggagawang Pilipino at mga lider-manggagawang Amerikano upang makuha ang kanilang pagsuportang materyal at moral para sa mga layunin ng Misyon. Gayunman, nang sila ay nasa Washington napansin ni Crisanto na marami sa mga miyembro ng Misyon ay nagsisispaglimayon lamang at walang taros sa paggasta sa salapi ng bayan. Nang malaman ng isang opisyal ito ay nagalit at sa poot ay nagsabing: "Punyeta itong lakad nating ito. Si Anto at si Abad Santos lamang ang nangangampanya para marinig ng mga Amerikano ang nais nating kalayaan!"
Dahil sa nakita niyang kawalang malasakit at parang wala sa loob na inaasal ng ilang miyembro ng Misyon, na sa kanyang tingin ay ipinalalagay ng mga ito na ang kanilang pagpunta roon ay isang junket sa halip na pambansang pananagutan, si Crisanto ay walang pagod na pinaglalapitan ang mga unyon, grupo at klub ng mga manggagawa. Ipinaliwanag niya sa kanila ang kalayaan ng Pilipinas, at ang pangangailangan ng mga mamamayan ng kasarinlan. Kaya nagkaroon siya ng pagkakataong makipagpulong sa mga unyong manggagawa at makipagpalitang kuro-kuro sa mga lider manggagawang Amerikano tulad nina Samuel Goompers, William Green, Morrison at iba pa. Marami siyang nakumbinsi para suportahan ang pakikibaka ukol sa kasarinlan. Bunga nito, ang mga unyong manggagawa ay nagpasa ng mga resolusyong pumapabor sa nasabing kilusan na ipinadala nila sa Kongreso ng Estados Unidos.
Ito ay isang malaking tulong sa Misyon at karangalan para sa uring manggagawa ng Pilipinas. Sa kabilang dako ay natuto rin sa Crisanto sa kilusang manggagawa roon ng kanilang mga ideya at karanasan sa mga gawain ng unyong manggagawa laluna ng mga grupong progresibo, ang mas malalim na pagkaunawa sa Marxismo, ang tungkol sa himagsikang Sosyalista ng Oktubre at mga tagumpay nito, atbp.
Higit sa lahat, nakita niyang personal ang tunay na katauhan ng mga politiko at ilustradong kaalakbay ng mga naghaharing uri. Ang misyon ay naging isang mabisang paaralan para sa kanya na nagturo ng mga leksiyong magagamit para sa pakikibaka ng uring manggagawa.