Pumunta sa nilalaman

Dakilang Luksong Pasulong

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Dakilang Luksong Pasulong
"Malaking Luksong Pagsulong" sa Pinapayak (itaas) at Tradisyonal (ibaba) na titik Tsino
Pinapayak na Tsino大跃进
Tradisyunal na Tsino大躍進

Ang Malaking Luksong Pasulong (Pangalawang Limang-taong Plano) ng Republikang Popular ng Tsina (PRC) ay isang kampanyang pang-ekonomiya at panlipunan na pinamunuan ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) mula 1958 hanggang 1962. Inilunsad ang kampanya ni Tagapangulong Mao Zedong upang itayo muli ang bansa mula sa pansakahang ekonomiya patungo sa lipunang komunista sa pagbubuo ng mga komuna ng tao. Iniutos ni Mao ang karagdagang pagsisikap upang paramihin ang ani ng butil at dalhin ang industriya sa kabukiran. Natakot ang mga lokal na opisyales sa mga Kampanya Kontra sa Makakanan at nakipagkumpetensiya sa pag-aabot o pagsosobra sa kota batay sa mga kalabisang sabihin ni Mao, na nangolekta ng mga "sobra-sobra" na hindi talaga umiral sa katunayan anupat nagutom ang mga magsasaka. Hindi nangahas ang mga nakatataas na opisyales na iulat ang kapahamakan sa ekonomiya na naidulot ng mga patakarang ito, at halos walang aksyon ang mga pambansang opisyales, na nagsisi sa masamang panahon para sa pagbaba sa nagawang pagkain. Nagbunga ang Malaking Lukso ng sampu-sampung milyong nangamatay,[1] na may tinatayang 18 milyon hanggang 45 milyong nangamatay,[2] na siyang ginagawang pinakamalaki ang Dakilang Taggutom sa Tsina sa kasaysayan ng tao.

Kabilang sa mga pangunahing pagbabago sa mga buhay ng mga taong Tsino sa kanayunan ang paunti-unting pagpasok ng sapilitang kolektibisasyon sa agrikultura. Ipinagbawal ang pribadong pagsasaka, at ang mga nakibahagi rito ay inusig at binansagang mga kontra-rebolusyonaryo. Ipinataw ang mga paghihigpit sa mga tao sa kabukiran sa pamamagitan ng mga pampublikong sesyon ng pakikibaka at panggigipit ng lipunan, ngunit nakaranas din ang mga tao ng sapilitang paggawa.[3] Habang naging isa sa mga opisyal na prayoridad ng kampanya ang industriyalisasyon sa kabukiran, nakita na "ang pag-unlad nito .... ay nabigo sa pamamagitan ng mga pagkakamali ng Malaking Luksong Pasulong".[4] Ang Malaking Lukso ay naging isa sa mga dalawang panahon sa pagitan ng 1953 at 1976 kung kailan lumiit ang ekonomiya ng Tsina.[5] Ikinatuwiran ni ekonomistang Dwight Perkins na "napakalaking halaga ng pamumuhunan ay nagbunga lamang ng mga maliliit na pagtaas sa produksyon o wala talaga. ... Sa maikling salita, ang Malaking Lukso ay naging napakamahal na sakuna".[6]

Noong 1959, isinuko ni Mao Zedong ang pang-araw-araw na pamumuno sa mga pragmatikong moderado tulad nina Liu Shaoqi at Deng Xiaoping at pinag-aralan ng CCP ang pinsalang ginawa sa mga kumperensya noong 1960 at 1962, lalo na sa "Kumperensya ng Pitong Libong Kadre". Hindi umatras si Mao mula sa kanyang mga patakaran at sa halip nito ay isinisi niya ang palpak na pagpapatupad at ang mga "makakanan" sa pagtutol sa kanya. Sinimulan niya ang Kilusan ng Edukasyong Sosyalista noong 1963 at Himagsikang Pangkalinangan noong 1966 upang matanggal ang kanyang oposisyon at muling itatag ang kanyang kapangyarihan. Bilang karagdagan, sa ilalim ng kapangyarihan ng Bagyong Nina, gumuho noong 1975 ang dose-dosenang mga prinsa, na itinayo noong Malaking Luksong Pasulong sa Zhumadian, Henan, at nagresulta sa isa sa mga pinakamalaking gawang-taong sakuna sa kasaysayan, na may tinatayang bilang ng nangamatay sa pagitan ng sampu-sampung libo at 240,000.[7][8]

Isang pinta ng propaganda para sa Malaking Luksong Pasulong sa isang pader ng bahay sa kabukiran sa Shanghai

Noong Oktubre 1949, matapos ang pagkatalo ng Kuomintang (Partidong Nasyonalista ng Tsina, pinyin: Guomindang), ipinroklama ng Partidong Komunista ng Tsina ang pagtatag ng Republikang Popular ng Tsina. Agad-agad, sapilitang ipinamahagi mula ang mga lupain ng mga kasero at mas mayayamang magsasaka sa mga pesante. Sa mga sektor ng agrikultura, pininsala ang mga pananim na itinuring ng Paritdo bilang "puno ng kasamaan", tulad ng opyo, at pinalitan ng mga pananim tulad ng bigas.

Sa loob ng Partido, nagkaroon ng mga matinding debate ukol sa muling pamamahagi. Ikinatuwiran ng isang katamtamang pangkat sa partido at Liu Shaoqi, isang miyembro ng Politburo, na dapat unti-unti ang pagbabago at hintayin ng anumang kolektibisasyon ng pesante ang industriyalisasyon, na makabibigay ng makinaryang pang-agrikultura para sa de-makinang pagsasaka. Ikinatuwiran naman ng isang mas radikal na pangkat na pinamunuan ni Mao Zedong na ang pinakamainam na paraan para matustusan ang industrialisasyon ay kung makontrol ng pamahalaan ang agrikultura, at sa gayon matatatag ang isang monopolyo sa pamamahagi ng butil at suplay. Pahihintulutan nito na makabili ang estado sa mababang presyo at makabenta nang mas mataas, at sa gayon, makalikom ng puhunan na kailangan para sa industrialisasyon ng bansa.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Tao Yang, Dennis (2008). "China's Agricultural Crisis and Famine of 1959–1961: A Survey and Comparison to Soviet Famines" [Krisis sa Agrikultura at Taggutom sa Tsina ng 1959–1961: Isang Surbey at Paghahambing sa mga Taggutom na Sobiyet (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 2013-07-14 sa Wayback Machine.. Palgrave MacMillan, Comparative Economic Studies 50, pp. 1–29.
  2. "45 million died in Mao's Great Leap Forward, Hong Kong historian says in new book" [Namatay ang 45 milyon sa Malaking Luksong Pasulong ni Mao, sabi ng mananalaysay sa Hong Kong sa kanyang bagong aklat] (sa wikang Ingles). 2018-12-06. Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-10-23. Nakuha noong 2016-12-02. Hindi bababa sa 45 milyon ang namatay nang hindi kailangan noong Malaking Luksong Pasulong ng Tsina mula 1958 hanggang 1962, kabilang dito ang 2.5 milyon na pinahirapan o pinatay agad-agad, ayon sa isang bagong aklat mula sa isang iskolar sa Hong Kong. Ang Dakilang Taggutom ni Mao ay nagsasaad ng kasaysayan kung paano inilikha ng pagnanasa ni Mao para sa mga balighong hangarin sa produksyong pansakahan at pang-industriya at ng kanyang pag-aatubili na hamunin ng iba ang mga kondisyon para maubusan ang kabukiran ng butil at maiwanan ang mga milyun-milyong magsasaka na magutom (Isinalin ang sipi mula sa Ingles).{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Mirsky, Jonathan. "The China We Don't Know [Ang Tsina na Hindi Natin Alam] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 2015-10-16 sa Wayback Machine.." New York Review of Books Tomo 56, Bilang 3. Pebrero 26, 2009.
  4. Perkins, Dwight (1991). "China's Economic Policy and Performance" [Ang Pang-ekonomiyang Patakaran at Pagganap ng Tsina] (sa wikang Ingles). Naka-arkibo 2019-02-26 sa Wayback Machine.. Kabanata 6 sa The Cambridge History of China, Tomo 15, ed. nina Roderick MacFarquhar, John K. Fairbank at Denis Twitchett. Cambridge University Press.
  5. GDP growth in China 1952–2015 [Paglago ng GDP sa Tsina 1952–2015]. Naka-arkibo 2013-07-16 sa Wayback Machine. Ang Himagsikang Pangkalinangan ay ang isa pang panahon kung kailan lumiit ang ekonomiya.
  6. Perkins (1991). pp. 483–486 para sa siniping teksto, p. 493 para sa talahanayan ng mga antas ng paglago.
  7. "1975年那个黑色八月(上)(史海钩沉)". Renmin Wang (sa wikang Tsino). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-05-06. Nakuha noong 2020-03-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. IChemE. "Reflections on Banqiao" [Mga Paggunita sa Banqiao]. Institution of Chemical Engineers (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2020-03-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: url-status (link)