Pumunta sa nilalaman

Edukasyong pangkatawan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Edukasyong pisikal)
Edukasyong pangkatawan na ibinibigay para sa mga batang nasa kindergarten.

Ang edukasyong pangkatawan[1] o edukasyong pisikal[2], sa payak na kahulugan, ay ang mga ehersisyong pisikal na paksa sa paaralan. Kasama rito ang himnastiks, atletiks, isports na may pangkat, at iba pang mga uri ng ehersisyong pangkatawan na itinuturo sa mga bata kapag nasa paaralan.[3] Ito ang instruksiyon para sa pagpapaunlad at pangangalaga ng katawan na kinabibilangan ng mga payak na ehersisyong kalisteniko at isang kursong pinag-aaralan na nagbibigay ng pagsasanay sa palalusugan o kaalaman hinggil sa kalusugan at pag-iwas sa sakit, himnastiks, at pagsasagawa at pangangasiwa ng mga palarong atletiko.[4] Ito ang edukasyon ibinibigay para sa pangangalaga at pagpapaunlad ng katawan ng tao, na may pagtutuon o pagbibigay diin sa atletiks, na kasama ang kalinisan ng katawan.[5]

Maaari itong anumang palatuntunan o programa ng mga gawaing pangkalamnan o pangmasel na nakatutulong sa mga tao upang magkaroon sila ng pag-unlad at kontrol o pagtaban sa kanilang mga katawan. Isa itong prosesong nakasasanhi ng kaaya-ayang pagkasanay at pagkatuto  – kasama ang organiko, neuromuskular, intelektuwal, panlipunan, pangkalinangan, pangdamdamin, at estetiko  – dahil sa at humantong din sa karampatan o katamtamang gawaing masigla.[5]

Binibigyang kahulugan din ito bilang isang pormal na lugar sa mga gawaing pang-edukasyon na pangunahing nakatuon sa mga gawaing pangkatawan na isinasakatuparan sa isang pook na nasa loob ng isang gusali, establisamiyento, o institusyong pang-edukasyon. Isa itong isinaayos na pagtuturo sa mga gawaing pangkatawan na nakapag-aambag sa paglaki ng pangangatawan, kalusugan, at hitsura o wangis ng katawan ng tao.[5]

Palagiang kasama sa layunin ng edukasyong pangkatawan ang pagkakaloob ng naaangkop na pangangatawan sa isang tao, bata man o matanda na. Partikular na sa pangkasalukuyang panahon, kung kailan marami nang mga kasangkapang gumagawa ng mga gawaing pantao na dating nakatutulong sa pagpapaunlad at pagpapainam ng pangangatawan ng mga tao. Hindi katulad ngayon, dating nakapagbibigay ng sapat na ehersisyo ang mga pang-araw-araw na pangkaraniwang mga gawain ng mga tao.[6]

Nagsimula ang edukasyong pangkatawan noong mag-umpisang turuan ng isang magulang ang isang anak kung paano tumalon, maghagis, makipagbuno, umakyat, lumangoy, at iba pang mga gawaing pangkatawan. Kinakailangan din ng sinaunang mga tao ang ganitong mga kasanayan upang makaligtas o mamuhay upang umiral sa mundo.[6]

Noong bandang 2500 BK, mayroon nang maunlad na sistema ng pag-eehersisyo at pagsasanay na pangkatawan ang mga Intsik. Sa sinaunang Gresya, nakatuon ang pansin ng mga Atenyano sa pagpapaunlad ng katawan at ng isipan. Humantong ito sa pagbibigay nila ng mahalagang gampaning pang-edukasyon sa himnastiks, palakasan, at mga ritmo.[5] Sinanay ng mga Ispartan ng katimugang Gresya ang mga batang lalaki at babae sa pagtalon, pagtakbo, pakikipagbuno, paghahagis ng mga pabigat, at iba pang mga kasanayan, upang maging malalakas at matitipunong mga kawal ang mga ito paglaon. Kabilang sa edukasyong pangkatawan ng mga batang babaeng Ispartan ang himnastiks, pagsasayaw, paglangoy, paghahagis ng diskus, pagtakbo, at pagbubuno. Samantala, sa Atenas, nagkaroon din ganitong mga gawain ngunit may mas pagtutuon ng pansin sa kaunlaran ng katawan, kagandahan, kayumian, tugmaan, at mabuting pakikipaglaro. Ipinapakita ng sinaunang mga atletang Griyego ang kanilang mga kasanayan tuwing sasapit ang Sinaunang Palarong Olimpiko.[6]

Sa kapanahunan ng Imperyong Romano, pati na sa pagdating ng mga Gitnang Kapanahunan, pangunahing naging kagamitang pangmilitar na pagsasanay ang edukasyong pisikal.[5] Ipinagpatuloy nila ang mga gawaing pangkatawan ng mga Griyego. Bukod sa pagsasanay na pangsundalo, nagkaroon din sila ng mga pagalingan sa pakikipaglaban o pakikipagtunggali ng mga gladyador, unahan ng mga karuwaheng pandigma, at mga ehersisyong ginagamitan ng mga pabigat na dambel. Kinakatawan ng kasabihang isinulat sinaunang Romanong si Juvenal (60-140? AD) ang diwa ng layunin ng pagtuturo ng edukasyong pangkatawan, na nagsasabing mens sana in corpore sano, na may kahulugang "isang malusog na isip sa loob isang malusog na katawan".[6]

Bagaman muling nabuhay ang pagkagusto ng mga tao sa edukasyong pangkatawan noong Renasimyento, kung kailan naging bahagi rin ito ng kabuoang pagpapaunlad ng isang tao, noong ika-19 daang taon lamang nakapagpaunlad ng mga sistema ng himnastiks sa ilang mga bansang Europeo. Kabilang sa mga bansang ito ang Alemanya, Sweden, at Inglatera. Lumaganap din ito sa Estados Unidos pagdaka, noon ding ika-19 daang taon. Sa Estados Unidos, nagkaroon ng pagkilos sa pagkakaroon ng paglulunsad ng sapilitan o hindi matatanggihang pagsasanay na pangkatawan sa mga paaralang publiko, mga dalubhasaan, at mga pamantasan. Natatag ang unang Kagawaran ng Edukasyong Pangkatawan ng isang kolehiyong Amerikano noong 1860, sa Amherst, Massachusetts.[5]

Sa kasalukuyan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kasalukuyang panahon, isa nang kailangang-kailangang bahagi ng kurikulum ng maraming mga paaralan ang edukasyong pangkatawan. Mayroon ding mga kolehiyo at mga unibersidad na nagbibigay ng mga degri para sa larangang ito. Bagaman kasama sa mga klase ang mga ehersisyong pormal, isports, at mga paligsahan, mayroon ding pagbibigay ng mga kaparaanang mula sa Asya. Halimbawa ng mga Asyanong tekniko ang yoga, karate, at judo.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Edukasyong Pangkatawan Naka-arkibo 2009-06-15 sa Wayback Machine., Musika, Sining at Edukasyong Pangkatawan (MSEP), sma-pc.edu.ph
  2. Edukasyong pisikal Naka-arkibo 2010-07-12 sa Wayback Machine., pahina 3, portal.sfusd.edu
  3. Physical education, bing.com
  4. Physical education, merriam-webster.com
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 5.6 Physical education, answers.com
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 "Physical education". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 224.