Pumunta sa nilalaman

Fabián de la Rosa

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Fabián de la Rosa
Kapanganakan
Fabián de la Rosa y Cueto

5 Mayo 1869(1869-05-05)
Kamatayan14 Disyembre 1937(1937-12-14) (edad 68)
NasyonalidadFilipino
Kilala saPainting
Kilalang gawaWomen Working in a Rice Field (1902)
Transplanting Rice (1904)
The Death of General Lawton (1904)
KilusanRealism
AsawaGorgonia Tolentino

Si Fabian Cueto de la Rosa (5 Mayo 1869 – 14 Disyembre 1937) ay ang pintor na tiyuhin at guro ng bantog na tagapagpinta ng Pilipinas na si Fernando Amorsolo.[1][2][3]

Isinilang si Fabian de la Rosa sa Paco, Maynila bilang pangalawang anak nina Marcos de la Rosa at Gregoria Cueto. Pinaniniwalaang tiyuhin niya si Simon Flores y de la Rosa. Napangasawa niya si Gorgonia Tolentino.[1][3]

Karera sa sining

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Una siyang nakatanggap ng pagsasanay sa larangan ng pagpipinta noong may sampung gulang pa lamang, mula sa tiyahing si Mariana de la Rosa. Tumanggap rin siya ng pagsasanay mula kay Agustin Saez habang nag-aaral sa Escuela de Bellas Artes y Dibujo (Paaralan ng Pinong Sining at Dibuho), bagaman tatlong taon lamang nagtagal sa paaralang iyon. Napagkalooban din siya ng pagsasanay nina Lorenzo Guerrero at Miguel Zaragoza. Noong 1908, ipinagkalooban siya ng pagkakataon ng Germinal Cigar Factory na maging isang eskolar sa Europa, kung saan nakapag-aral siya sa Academi de Julien ng Paris, Pransiya.[1][2][3]

Matapos maglakbay sa Europa, napabilang siya sa mga unang naging guro sa Paaralan ng Pinong Sining sa Pamantasan ng Pilipinas, kung saan ipinakilala niya sa mga estudyante ang madekorasyong anyo ng pagpipinta. Naging ganap na direktor si de la Rosa ng nasabing paaralan mula 1927 hanggang 1937.[1][2][3]

Kasama ang esposa, muli siyang nagtungo sa Europa noong 1928, kung saan nagpinta siya sa Paris sa loob ng apat na buwan. Naglakbay din siya sa Munich, Ginebra, at Roma. Nang marating niya ang Madrid, Espanya, itinanghal ang kaniyang mga akdang larawan sa Ateneo de Madrid.[1][3]

Sinasabing nakapagpinta si de la Rosa ng may 1,000 mga gawa noong nabubuhay pa. Hinati ni Aurelio S. Alvero ang mga gawa ni de la Rosa sa tatlong kapanahunan: sa mga gawang maka-akademiko ngunit walang pagpapahalaga sa atmospera (kapaligiran), sa mga hugis na maka-akademiko na nagkaroon ng pagpapahalaga sa kapaligirang nararamdaman, at sa mga kathang may paglalaro sa paggamit ng mga kulay.[1][3]

Sa unang kapanahunan kabilang ang dalawa niyang akda na napagkalooban ng mga gantimapala sa isang eksposisyon sa Estados Unidos noong 1904. Ito ang Transplanting Rice (Paglilipat-tanim ng Palay) at ang The Death of General Lawton (Ang Kamatayan ni Heneral Lawton).[1][3]

MGA NAGAWA

  • Transplanting Rice (Paglilipat-tanim ng Palay),
  • The Death of General Lawton (Ang Kamatayan ni Heneral Lawton), 1904

Mga parangal at gantimpala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman yumao na, kinilala at pinagkalooban si de la Rosa ng mga gantimpalang Patnubay ng Sining at Kalinagan ng Lungsod ng Maynila noong 1968.[1][3]

Nagkamit ng gantimpalang ginto ang Transplanting Rice (Paglilipat-tanim ng Palay) ni de la Rosa sa International Exposition na ginanap sa St. Louis, Missourri noong 1904. Dito rin sa exposisyong ito nagwagi ng gantimpalang tanso (bronze) ang kaniyang The Death of General Lawton (Ang Kamatayan ni Heneral Lawton).[1][3]

Ginanap ang isang pagtatanghal ng mga larawang ipininta ni de la Rosa sa Museong Jorge B. Vargas ng Unibersidad ng Pilipinas, sa Diliman, Lungsod ng Quezon, noong 14 Enero 2007. Pinamagatan itong “Fabian De la Rosa (1869-1938) Retrospective Exhibition,” at pinangasiwaan ng pamantasan sa tulong ng Spanish Program for Cultural Cooperation at ng Filipiniana.Net, isang sangay ng Vibal Publishing House, Inc.[3][4][5][6]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 1.8 Fabian Cueto de la Rosa, GeringerArt.com (walang petsa) Naka-arkibo 2008-04-30 sa Wayback Machine., nakuha noong 18 Marso 2008
  2. 2.0 2.1 2.2 Hernandez, Eloisa May P., Fabian de la Rosa, The American and Contemporary Traditions in Philippine Visual Arts, NCCA.gov, nakuha noong: 7 Abril 2008
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 De la Paz, Christiane. Master of Genre: Fabian Cueto dela Rosa (1869-1937), The Arts of the Philippines/Artes de las Filipinas, 2005, nakuha noong 7 Abril 2008
  4. De Guzman, Susan, Remembering Fabian de la Rosa, A little heralded Filipino artist gets an overdue retrospective exhibition, “Fabian De la Rosa (1869-1938) Retrospective Exhibition”, nasa wikang Ingles, ArtSentralManila.net, 2007 Naka-arkibo 2008-02-07 sa Wayback Machine.,nakuha noong 19 Marso 2008
  5. "Fabian dela Rosa: Isang Pagtatanghal na Nagbabalik-tanaw, Museo Vargas, Unibersidad ng Pilipinas, VargasMuseum.org, 2006". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-11-02. Nakuha noong 2008-04-07.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Fabian dela Rosa: Isang Pagtatanghal na Nagbabalik-tanaw, Museo Vargas, Unibersidad ng Pilipinas, Researchsea.com, Setyembre 2006, nakuha noong 7 Abril 2008