Pumunta sa nilalaman

Hadhad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tinea cruris
Klasipikasyon at panlabas na mga pinanggalingan
Hadhad sa singit ng isang lalaki
ICD-10B35.6
ICD-9110.3
DiseasesDB29140
MedlinePlus000876
eMedicinederm/471

Ang hadhad (Ingles: jock itch; pangalang medikal: tinea cruris o tinea inguinalis) ay isang uri ng sakit sa balat na karaniwang nararanasan ng mga lalaking kabataan dahil sa mga gawaing may kaugnayan sa palakasan o isports at mga larong pisikal.[1]

Ang pagkakaroon ng hadhad ay dahil sa iba't ibang mga uri ng mga fungus kapag nabanas (naging maalinsangan o nagkaroon ng umido) o nababasa at pinagpapawisan ang singit dahil sa pagiging aktibo sa pakikilahok sa mga gawaing pampalakasan.[1]

Kabilang sa mga nagiging sintomas ng hadhad ang pangangati, paghapdi, pamumula, pangingitim, pamamantal, at pagbubutlig ng singit. Kapag napabayaan ang hadhad, maaaring kumalat ito na papunta sa mga hita.[1]

Kabilang sa ginagamit na panlunas o panggamot ng hadhad ang pagpapahid mga kremang panlaban sa mga fungus (mga antifungal cream sa Ingles), katulad ng Ketoconazole at Terbinafine, sa apektadong bahagi ng katawan. Isinasagawa ang pagpapahid ng krema sa loob ng 5 hanggang 10 mga araw. Ang tagal ng pagbibigay ng lunas sa hadhad ay maaaring tumagal ng ilang mga araw hanggang sa mawala na ang hadhad, na karaniwang mula isa hanggang dalawang mga linggo.[1]

Maiiwasan ang pagkakaroon ng hadhad kung gagawin ang kaagad na pagpapalit ng karunsilyo (suot na brief) at salawal pagkaraang maglaro ng isports. Nakakatulong din sa pag-iwas ang pagpapanatiling malinis, tuyo at maaliwalas ang singit, na magagawa sa pamamagitan ng araw-araw na paliligo (partikular na ang pagkatapos na magtrabaho), madalas na pagpapalit ng mga kasuotan, at ang pagsusuot ng maluwag na mga kasuotan (katulad ng pagsusuot ng mga maluluwag na salawal o boxer shorts). Nakakaiwas din sa pagkakaroon ng hadhad ang hindi pakikigamit ng tuwalya ng ibang tao.[1]

Ang hindi paggaling ng hadhad sa kabila ng pagpapahid ng kremang panlaban sa mga fungus, kailangan ang pagpapakonsulta sa isang dermatolgo o isang manggagamot, upang mabigyan ng mas nauukol na atensiyon at gamot ang sakit na ito ng balat.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.