Pumunta sa nilalaman

Heriyatriko

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Heriyatriks)
Isang matandang babaeng nasa bahay-kalingang pangmatatanda. Kasama ng isang nars, ipinagdiriwang nila ang kaarawan ni lola.

Ang heriyatriko[1] ay isang sangay ng panggagamot na nagsasagawa ng mga pag-aaral at pagsusuring may kaugnayan sa mga sakit na dulot ng katandaan. Tinatawag na mga heriyatrista o heriyatrisyano ang mga dalubhasa sa larangang ito. Nakatuon ang pansin ng heriyatriko sa pangangalaga ng mga matatandang tao, at may layuning itaguyog ang kalusugan at pag-iingat o pag-iwas mula sa mga karamdaman, at maging sa mga pagbibigay ng lunas sa mga karamdaman at kapansanan ng mga may edad na tao.

Walang sinadya o nakatakdang edad na pumapailalim sa isang heriyatrista. Sa halip, tinutukoy ito ng isang bista o propilya ng mga tipikal na suliraning pinagtutuonan ng larangan ng heriyatriko. Kabilang dito ang tinatawag na mga "higante" o "dambuhalang heriyatrika": ang imobilidad (walang kakayanan sa pagkilos o paggalaw), instabilidad, walang kakayahan sa pagdumi (inkontinensiya), at demensiya (kapansanan sa alaala o memoriya). Maaaring maging kabilang din rito ang mga paksang pangmamatandang pangangalaga sa mga matatanda, pagdedeliryo, poliparmasiya (paggamit ng maraming mga medikasyon o gamot), kapansanan sa paningin, at pagkawala ng pandinig.

Kaiba ang salitang heriyatriko mula sa heronotolohiya sapagkat ang heriyatriko o heriyatrisya ay ang pag-aaral ng proseso ng pagtanda. Nagmula ang katawagan sa Griyegong geron o "matandang tao" ("matandang lalaki" sa literal na kahulugan) at iatros o "manggagamot" ("tagapagpagaling").

Sa Estados Unidos, gumaganap bilang mga manggagamot na pampangunahing pangangalaga ang mga heriyatrista, na nakapasa sa eksamen at may sertipiko sa panggagamot ng mag-anak o panloob na panggagamot, at nakatanggap nang dagdag na pagsasanay na kailangan upang magkaroon ng Sertipiko ng mga Karagdagang Kakayanan (Certificate of Added Qualifications o CAQ) sa medisinang geriyatriko.

Sa Nagkakaisang Kaharian, karamihan sa mga heriyatrista ang mga manggagamot sa ospital, habang tumutuon naman sa pampamayanang heriyatriko ang iba. Bagamang dating isang natatanging espesyalidad na pangklinika, itinangi ito bilang isang espesyalidad ng heneral o panlahatang panggagamot mula pa noong mga huling panahon ng 1970.[2] Samakatuwid, karamihan sa mga heriyatrista ang may sertipikasyon sa mga ito. Kabilang sa pang-espesyalistang heriatriko ang ortoheriyatriko (orthogeriatrics, na malapit nnakikipagtulungan sa siruhiyang ortopediko at nakatuon sa osteoporosis at rehabilitasyon), sikoheriyatrika (nakatuon sa demensiya, deliryum, depresyon at iba pang mga kalagayan o kondisyong pangkaraniwan sa mga matatanda), kapansanan sa paggalaw katulad ng karamdamang Parkinson. kardiyoheriyatriko (nakatuon sa mga sakit sa puso ng mga matatanda) at rehabilitasyon ng matatanda.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Geriatrics, geriatrician, geriatrist Naka-arkibo 2011-07-11 sa Wayback Machine., Gabby's Dictionary, GabbyDictionary.com
  2. Barton & Mulley 2003