Pumunta sa nilalaman

Rebolusyong Industriyal

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Industrial Revolution)
Ang pinasisingawang kagamitang pampagalaw na ipinagsadya ni James Watt na taga-Eskosya noong taóng 1776, na pangunahing ginagatungan ng uling at nagbunsod sa paglaganap ng maramihang pagyayari ng yaman sa Britanya at sa buong sanlibutan.[1]

Ang Pagbabagong Pampagawaan o Rebolusyong Industriyal, na hinahati minsan sa Una at Ikalawang Pagbabagong Pampagawaan o Rebolusyong Industriyal, ay isang panahon ng pandaigdigang pagbabago sa paglikha ng yaman tungo sa laganap, mahusay, at matatag pang mga gawain sa maramihang pagyayari, na sumunod sa Pagbabagong Pansakahan o Rebolusyong Agrikultural.

Kumalat ang Rebolusyong Industriyal sa kontinental na Europa at ang Estados Unidos mula mga 1760 hanggang sa mga 1820–1840.[2]

Ang Rebolusyong Industriyal ay isang panahon noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo nang nagkaroon ng marubdob na epekto sa sosyo-ekonomika at pang-kulturang katayuan sa Britanya ang malaking pagbabago sa agrikultura, paggawa ng produkto, pagmimina, at transportasyon. Lumaganap sa kalaunan ang mga pagbabagong ito sa Europa, Hilagang Amerika at sa buong mundo. Nagtatak ng isang malaking pag-inog sa lipunan ng tao ang pagdating ng Rebolusyong Industriyal; halos naimpluwensiyahan ang lahat ng aspeto ng buhay sa ilang paraan, mula sa manwal na paggawa at ekonomiyang nakabatay sa paghila ng mga hayop patungo sa paggawa ng produkto sa makina. Nagsimula ito sa mekanisasyon ng industriya ng Tela, ang pagsulong ng mga kaparaanan sa paggawa ng bakal at ang pagdagdag ng gamit ng pinong uling. Pinahintulutan sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga kanal ang paglawak ng kalakalan. Nasuporthan ang dramatikong pagtaas ng kakayahan ng produksiyon ng pagpapakilala ng makinang pinasisingawan na pangunahing ginagatungan ng uling, malawak na paggamit ng lagumba (water wheel) at makinarya binigyan ng lakas (pangunahin sa paggawa ng tela).[3] Ang pagsulong ng makinang kagamitan na lahat-metal noong unang dalawang dekada ng ika-19 na siglo ang nagpadali sa paggawa ng mas marami pang makinang pang-produksiyon para sa paggawa ng produkto sa ibang industriya. Lumaganap ito sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika noong ika-19 na siglo, at naapektuhan sa kalaunan ang karamihan ng mundo. Napakalaki ang epekto nito sa pagababago ng lipunan.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Larawan ng kagamitang pampagalaw na Watt: matatagpuan sa bulwagan ng Nakatataas na Paaralang Pangkapandayan ng mga Tagapagsadya ng Pagawaan (Escuela Técnica Superior de Ingenieros Industriales) sa Pamantasan ng Madlang Kapandayan sa Madrid (Universidad Politécnica de Madrid)
  2. "Industrial History of European Countries". European Route of Industrial Heritage (sa wikang Ingles). Council of Europe. Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Hunyo 2021. Nakuha noong 2 Hunyo 2021.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Negosyo at Ekonomika. Leading Issues in Economic Development, Oxford University Press US. ISBN 0-19-511589-9 Read it
  4. Russell Brown, Lester. Eco-Economy, James & James / Earthscan. ISBN 1-85383-904-3 Basahin ito