Kultura

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Jump to navigation Jump to search

Kultúra (Kastila: cultura) o kalinangán (mula "linang") ang kabuuang katawagan sa mga kaisipan, kaugalian, tradisyon, at gawi ng isang lipunan.[1][2] Itinuturing ito bilang isa sa mga sentrong konsepto sa larangan ng antropolohiya, kung saan hinahanap at pinag-aaralan ng mga antropologo ang mga pagkakaiba ng mga kultura gayundin sa mga pagkakapareho nila – ang pandaigdigang kultura (Ingles: universal culture), tulad ng sining, musika, sayaw, ritwal, rehiliyon, at teknolohiya. Nahahati sa dalawa ang kultura: materyal tulad ng pananamit at tahanan at di-materyal tulad ng politika at mitolohiya.[3]

Mga iba't-ibang aspeto ng mga kultura sa mundo.

Samantala, sa araling pantao, maaari ding tumutukoy ang kultura sa antas ng pagiging sopistikado ng isang indibidwal sa kasiningan, agham, edukasyon, o gawi. Ginagamit ito bilang isang uri ng klasipikasyon para tukuyin ang antas ng isang sibilisasyon. Makikita ang ganitong pananaw sa kultura sa mga lipunang may hiyarkiya, na madalas hinahati sa dalawa: ang mataas na kultura ng mga may-kaya at ang mababang kultura tulad ng kulturang popular ng masa. Samantala, umusbong naman ang kulturang pangmasa pagsapit ng ika-20 siglo, kasabay ng pagbilis sa produksiyon ng mga bagay na epekto ng Rebolusyong Industriyal, na nagbigay-daan naman upang umusbong din ang kulturang pangkonsyumer.

Iba't-iba ang mga pananaw sa araling pangkultura ang gampanin ng kultura sa lipunan. Halimbawa, kinakatuwiran sa Marxismo at teoryang kritikal na ginagamit ang kultura bilang isang kagamitan para manipulahin ang proletariat at gumawa ng isang pekeng diwa. Samantala, sa agham panlipunan naman, ipinagpalagay na ang kultura ng tao ay nagmula sa pangangailangang materyal ng tao na resulta ng ebolusyon nito.

Kultura rin ang tawag sa kaalaman na nakuha sa paglipas ng panahon. Sa ganitong pananaw, layunin ng multikulturalismo ang mapayapang pagkakaroon ng iba't ibang kultura sa isang lugar. Monokulturalismo naman ang kabaligtaran nito. Samantala, ginagamit din ang salitang "kultura" para tukuyin ang mga mas tiyak na gawain sa isang mas malaking kultura, tulad halimbawa ng mga subkultura o kontrakultura. Sa larangan ng antropolohiyang pangkultura, ayon sa relatibismong pangkultura, hindi mararanggo ang mga kultura sa kahit anong paraan dahil kailangang pag-aralan ang mga ito ayon sa pananaw ng kulturang yon.

May mga institusyon na naglalayon na protektahan ang mga kulturang nanganganib mawala. Ang UNESCO ay ang sangay ng Mga Nagkakaisang Bansa na may layuning protektahan at pangalagaan ang mga kultura at pamana ng mga kasaping bansa nito. Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Kasiningan ang katumbas na komisyon nito sa Pilipinas.

Etimolohiya[i-edit | i-edit ang source]

Galing ang salitang "kalinangan" mula sa salitang-ugat na "linang" ("pagpapaunlad").[4] Ang salitang ito ay ginagamit madalas sa agrikultura upang tumukoy sa isang lupa o bukid na handa na'ng taniman.[4] Ang koneksyong ito sa agrikultura ay kapareho din sa etimolohiya para sa salitang "kultura". Galing sa salitang Kastila na cultura ang "kultura". Nagmula ito sa salitang Latin na unang ginamit ng Romanong orador na si Cicero sa kanyang Tusculanae Disputationes, kung saan niya sinulat ang "cultura animi" ('paglinang sa kaluluwa'),[5] isang metapora sa agrikultura para sa pagdebelop ng isang kaluluwang pampilosopiya, na kinikilala sa teleolohiya bilang ang pinakamataas na posibleng antas sa pagdebelop bilang tao. Noong 1986, kinatuwiran ng pilosopong si Edward S. Casey na ang salitang Ingles na culture ay mula sa Gitnang wikang Ingles para sa isang lugar na handa na'ng taniman, na galing ang salitang yon sa mga salitang Latin na colere ('linang'), at cultus ('kulto').[6]. Ayon sa kanya:

Para maging makultura, para magkaroon ng kultura, kailangang tirhan muna nang matagal-tagal ang isang lugar para linangin ito nang husto, maging responsable para rito, tumugon, at pangalagaan ito.[a][6]

Ang ganitong pananaw ay isinakonteksto sa modernong panahon ng pilosopong si Samuel Pufendorf, kung saan sinabi niya na hindi pilosopiya ang likas na pagkaperpekto ng tao. Ayon sa kanya, gayundin sa mga sumunod na manunulat pagkatapos niya, tumutukoy ang kultura sa "lahat ng mga bagay na nalalampasan ng sangkatauhan mula sa kanilang orihinal na barbarismo, at dahil sa kanyang katalinuhan, nagiging buo silang tao."[7]

Ayon kay Richard Velkley:

...[ang kultura ay] may orihinal na kahulugan na 'paglinang sa kaluluwa o kaisipan', at nakuha ang mga mas bagong modernong kahulugan sa mga isinulat ng mga iskolar na Aleman noong ika-18 siglo, na nasa iba't-ibang antas ng pagdebelop sa kritisismo ni [Jean-Jacques] Rousseau sa "modernong liberalismo at sa [Panahon ng] Kaliwanagan". Kaya naman, madalas ipinagpapalagay ng mga may-akdang ito ang pagkakaiba ng 'kultura' at 'kultibasyon', kahit na hindi [nila] direktang sinabi.[b][7]

Ayon naman sa antropologong si E.B. Tylor:

Yan [kultura] yung komplikadong kabuuan na kinabibilangan ng kaalaman, paniniwala, sining, moralidad, batas, gawi, at iba pang mga kapabilidad at kaugalian na nakuha ng tao bilang miyembro ng isang lipunan.[c]

Sa parehong pananaw naman sa kasalukuyang panahon:

Binibigyang-kahulugan ang kultura bilang ang dominyong panlipunan na nagbibigay-diin sa mga gawi, diskurso, at ekspresyong materyal na, sa paglipas ng panahon, nagpapahayag sa pagpapatuloy at hindi pagpapatuloy ng kahulugang panlipunan ng isang buhay na karaniwang hawak-hawak.[d][8]

Ayon naman sa Cambridge English Dictionary, kultura ang "kaparaanan ng buhay, lalo na yung mga pangkalahatang gawi at paniniwala, ng isang partikular na grupo ng tao sa isang partikular na panahon."[e][9] Ipinagpapalagay naman sa teorya ng pamamahala sa takot (Ingles: terror management theory) na ang kultura ay isang serye ng mga gawain at pananaw sa mundo na nagbibigay sa mga tao ng basehan para tingnan ang kanilang mga sarili bilang isang "taong may halaga sa isang mundong may kahulugan" — ibig sabihin, pag-angat sa mga sarili nila mula sa mga aspetong pisikal ng pag-iral, para tanggihan ang kawalang-halaga ng isang hayop at kamatayan na napansin ng Homo sapiens nang nakakuha sila ng mas malalaking utak.[10][11]

Pagbabago[i-edit | i-edit ang source]

Base sa mga datos na nakalap sa arkeolohiya, tinatayang may kapasidad na ang sangkatauhan para gumawa ng kultura noong mga bandang 500,000 hanggang 170,000 taon bago ang kasalukuyan.[12]

Tinukoy ni Raimon Panikkar na 29 na paraan para mabago ang isang kultura. Kabilang sa mga ito ang progreso, inobasyon, rebolusyon, at modernisasyon. Sa kontekstong ito, tinutukoy ng modernisasyon ang pagyakap ng isang kultura sa mga paniniwala at gawi na umusbong noong Panahon ng Kaliwanagan, tulad halimbawa ng agham, rasyonalismo, industriya, komersyo, demokrasya, at ang progreso.[13] Samantala, mula sa mga ginawa nina Umberto Eco, Pierre Bourdieu, at Jeffrey Alexander, iminungkahi naman ni Rein Raud ang isang modelo ng pagbabago sa kultura na nakabase sa pag-angkin at pagkamit, na hinuhusgahan batay sa kanilang kognitibong kasapatan (Ingles: cognitive adequacy) at posibleng iendorso ng simbolikong otoridad ng kultura ng isang lipunan.[14]

Talababa[i-edit | i-edit ang source]

  1. Ingles: To be cultural, to have a culture, is to inhabit a place sufficiently intensely to cultivate it—to be responsible for it, to respond to it, to attend to it caringly.
  2. Ingles: ...originally meant the cultivation of the soul or mind, acquires most of its later modern meaning in the writings of the 18th-century German thinkers, who were on various levels developing Rousseau's criticism of "modern liberalism and Enlightenment." Thus a contrast between "culture" and "civilization" is usually implied in these authors, even when not expressed as such.
  3. Ingles: that complex whole which includes knowledge, belief, art, morals, law, custom and any other capabilities and habits acquired by man as a member of society.
  4. Ingles: Culture is defined as a social domain that emphasizes the practices, discourses and material expressions, which, over time, express the continuities and discontinuities of social meaning of a life held in common.
  5. Ingles: the way of life, especially the general customs and beliefs, of a particular group of people at a particular time.

Sanggunian[i-edit | i-edit ang source]

  1. Tylor, Edward (1871). Primitive Culture [Primitibong Kultura] (sa wikang Ingles). Bol. 1. New York, Estados Unidos: J.P. Putnam's Son.
  2. "kalina-ngan". Diksyonaryo.ph. Nakuha noong 18 Setyembre 2022.
  3. Macionis, John J; Gerber, Linda Marie (2011). Sociology [Sosyolohiya] (sa wikang Ingles). Toronto, Canada: Pearson Prentice Hall. pa. 53. ISBN 978-0-13-700161-3. OCLC 652430995.
  4. 4.0 4.1 "linang". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 17 Setyembre 2022.
  5. Cicero, Marcus Tullius; Bouhier, Jean (1812). Tusculanes de Cicerón (sa wikang Pranses). Nismes, Pransiya: J. Gaude. pa. 273. OCLC 457735057. Tinago mula sa orihinal noong 2 Setyembre 2018. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.
  6. 6.0 6.1 Sorrells, Kathryn (2015). Intercultural Communication: Globalization and Social Justice [Interkultural na Komunikasyon: Globalisasyon at Katarungang Panlipunan] (sa wikang Ingles). Los Angeles, Estados Unidos: Sage. ISBN 978-1-4129-2744-4.
  7. 7.0 7.1 Velkley, Richard L. (2002). "The Tension in the Beautiful: On Culture and Civilization in Rousseau and German Philosophy" [Ang Tensyon sa Kagandahan: Ukol sa Kultura ni Rousseau at sa Pilosopiyang Aleman]. Being after Rousseau: philosophy and culture in question [Ang Diwa pagkatapos ni Rousseau: tanong sa pilosopiya at kultura] (sa wikang Ingles). Chicago, Estados Unidos: University of Chicago Press. pa. 11–30. ISBN 978-0-226-85256-0. OCLC 47930775.
  8. James, Paul; Magee, Liam; Scerri, Andy; Steger, Manfred (2015). Urban Sustainability in Theory and Practice: Circles of Sustainability [Pagpapanatiling Urban sa Teorya at Gawi: Mga Kabilugan ng Pagpapanatili] (sa wikang Ingles). London, Reyno Unido: Routledge. pa. 53. ISBN 978-1-138-02572-1. OCLC 942553107. Tinago mula sa orihinal noong 26 Hunyo 2017. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.
  9. "Meaning of "culture"" [Kahulugan ng "kultura"]. Cambridge English Dictionary (sa wikang Ingles). Tinago mula sa orihinal noong 15 August 2015. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.
  10. Pyszczynski, Tom; Solomon, Sheldon; Greenberg, Jeff (2015). Thirty Years of Terror Management Theory [Tatlumpung Taon ng Teorya ng Pamamahala sa Takot]. Advances in Experimental Social Psychology (sa wikang Ingles). Bol. 52. pa. 1–70. doi:10.1016/bs.aesp.2015.03.001. ISBN 978-0-12-802247-4.
  11. Greenberg, Jeff; Koole, Sander L.; Pyszczynski, Tom (2013). Handbook of Experimental Existential Psychology [Handbook ng Eksperimental na Sikolohiya ng Pag-iral] (sa wikang Ingles). Guilford Publications. ISBN 978-1-4625-1479-3. Tinago mula sa orihinal noong 31 December 2016. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.
  12. Lind, J.; Lindenfors, P.; Ghirlanda, S.; Lidén, K.; Enquist, M. (7 Mayo 2013). "Dating human cultural capacity using phylogenetic principles" [Pagpepetsa aa kapasidad ng sangkatauhan sa kultura gamit ang mga prinsipyong pilohenetiko]. Scientific Reports (sa wikang Ingles). 3 (1): 1785. Bibcode:2013NatSR...3E1785L. doi:10.1038/srep01785. ISSN 2045-2322. PMC 3646280. PMID 23648831.
  13. Panikkar, Raimon (1991). Pathil, Kuncheria (pat.). Religious Pluralism: An Indian Christian Perspective [Pluralismong Panrehiliyon: Isang Perspektibong Indiyanong Kristiyano] (sa wikang Ingles). ISPCK. pa. 252–99. ISBN 978-81-7214-005-2. OCLC 25410539.
  14. Rein, Raud (29 Agosto 2016). Meaning in Action: Outline of an Integral Theory of Culture [Kahulugan sa Gawain: Balangkas ng isang Mahalagang Teorya ng Kultura] (sa wikang Ingles). Cambridge, Reyno Unido: Polity. ISBN 978-1-5095-1124-2. OCLC 944339574.


Kalinangan Ang lathalaing ito na tungkol sa Kalinangan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.