Araling pantao
Ang araling pantao o humanidádes[1] (Kastila: humanidades) ay ang mga larangan na nag-aaral sa kultura at lipunan ng tao. Orihinal na ginamit ang salitang ito upang maihiwalay ang dibinidad sa klasiks, ang sekular na pinag-aaral noon sa mga pamantasan. Sa kasalukuyang panahon, tinutukoy ng araling pantao ang mga disiplinang labas sa matematika o agham.
Kumpara sa empirikal na paraan na ginagawa ng mga likas na agham, nakatuon ang araling pantao sa kritisismo at haka-haka. Ilan sa mga kabilang sa araling pantao ay ang mga pag-aaral sa sinauna at modernong wika, panitikan, pilosopiya, kasaysayan, arkeolohiya, antropolohiya, heograpiyang pantao, batas, relihiyon, at sining.
Humanista (Kastila: humanista, Ingles: humanist) ang tawag sa mga taong nag-aaral sa mga larangang sakop ng araling pantao. Ang naturang salita ay ginagamit din upang tukuyin yung mga taong nagtatanggol sa pilosopiya ng humanismo,[2] na iba sa araling pantao. Bukod rin dito, ginagamit rin madalas ang salita upang tukuyin ang mga iskolar at alagad ng sining noong panahon ng Renasimiyento. Ngayon, ang klase ng araling pantao sa ilang mga paaralan ay kinabibilangan ng panitikan, araling pandaigdigan, at sining.
Etimolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang salitang humanidades ay direktang hiniram mula sa Kastila.[1] Ang salitang ito, pati na rin ang katumbas nito sa Ingles na humanities, ay mula naman sa isang ekspresyong Latin noong panahon ng Renasimiyento, studia humanititas — "edukasyong angkop sa nilinang na tao." Ginamit ang naturang ekspresyon na ito noong ika-15 siglo, at sakop nito ang pag-aaral sa balarila, tula, retorika, kasaysayan, at pilosopiyang moral, na nakasentro naman sa pag-aaral sa mga Griyego at Latin na klasiks.[3]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Kanluraning Mundo, nagsimula ang kasaysayan ng araling pantao sa sinaunang Gresya, bilang kanilang basehan ng pagiging edukado ng mga mamamayan nila.[4] Noong panahon ng mga Romano, umabante ang pag-aaral sa pitong liberal na sining — balarila, retorika, at lohika (ang trivium), pati na ang aritmetika, heometriya, astronomiya, at musika (ang quadrivium).[5] Ang mga larangan na ito ang nagsilbing sentro ng pag-aaral noong Gitnang Panahon, at itinuturing ang pitong ito bilang mga kakayahan o mga "gawi."
Nagkaroon ng malaking pagbabago noong ika-15 siglo, sa tulong ng humanismong Renasentista: naging mga paksang pinag-aaralan ang araling pantao imbes na ituring itong gawain lang, na naging dahilan upang lumayo ito mula sa mga tradisyonal na larangang nasa loob nito tulad ng panitikan at kasaysayan. Noong ika-20 siglo, ang pananaw na ito ay hinamon ng kilusang posmodernismo, na may layuning mabigyang kahulugan muli ang araling pantao sa lente ng egalitaryanismo na bagay sa isang lipunang demokratiko dahil hindi demokratiko ang lipunang Griyego at Romano na pinagmulan ng araling pantao.[6]
Pilosopiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkamamamayan at pagmumuni-muni
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinentro nina Wilhelm Dilthey at Hans-Georg Gadamer ang tangka ng araling pantao na ihiwalay ang sarili nito mula sa mga agham pangkalikasan sa kagustuhan ng sangkatauhan na maunawaan ang mga nararanasan nila. Ayon sa kanila, ang pag-unawang ito ang nag-uugnay sa mga taong parehas mag-isip na mula sa parehas na kultura at nagbibigay ng pakiramdam ng isang tuloy-tuloy na kultura sa pilosopikal na nakaraan.[7]
Pinalawig ng mga iskolar noong huling bahagi ng ika-20 siglo at ika-21 siglo ang "imahinasyong naratibo"[8] na iyon sa kakayahang malaman ang mga nakatalang napagdaanang karanasan sa labas ng konteksto ng lipunan at kultura ng isang indibidwal. Sa pamamagitan nito, ayon sa kanila, gumagawa ng kamalayan ang mga iskolar at estudyante ng araling pantao na bagay sa multikultural na mundong kinabibilangan nila. Maaari itong maluwag sa loob na nagbibigay-daan sa isang mas epektibong pagmumuni-muni.[9] o lumawig patungo sa aktibong pakikiramay na nagpapadali sa pagpapakalat ng mga tungkuling sibikong dapat gawin ng isang responsableng mamamayan ng mundo. Gayunpaman, may mga tumututol sa antas ng impluwensiya na nagagawa ng araling pantao sa isang indibidwal at kung nagagarantiya ba ng pag-unawang ginagawa sa isang proyektong humanistiko ang isang "natutukoy na positibong epekto sa tao."[9]
Teoryang humanistiko at gawain
[baguhin | baguhin ang wikitext]May tatlong pangunahing sangay ang kaalaman: agham pangkalikasan, agham panlipunan, at araling pantao. Teknolohiya ang praktikal na karugtong ng agham pangkalikasan, at pulitika naman ang sa agham panlipunan. Samantala, ayon kay Mikhail Epstein, ang praktikal na karugtong naman ng araling pantao ay tinatawag na "kultoroniko".[i][10]
Katotohanan at kahulugan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang hati sa pagitan ng humanistikong pag-aaral at agham pangkalikasan ay nagbibigay rin ng mga argumento sa kahulugan ng araling pantao. Hindi isang tiyak na paksa ang naghihiwalay sa araling pantao at agham pangkalikasan, kundi ang paraan ng pagtatanong. Nakapokus ang araling pantao sa pag-unawa sa kahulugan, silbi, at layunin at pinapapalawig ang pagpapahalaga sa isang penomenang historikal at panlipunan — isang paraang intepretatibo ng paghahanap sa "katotohanan" — imbes na ipaliwanag ang kadahilanan ng mga pangyayari o ungkatin ang katotohanan ng likas na mundo.[7]
Romantisasyon at pagtatanggi
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasama sa mga argumentong sumusuporta sa araling pantao ay ang mga argumentong laban sa suporta ng publiko sa naturang larangan. Iginiit ni Joseph Carroll na nabubuhay ang sangkatauhan sa nagbabagong mundo, isang mundo kung saan pinalitan ang "kabiserang kultural" ng literasiyang pang-agham, at kung saan laos na ang romantikong pananaw ng isang iskolar ng araling pantao noong Renasimiyento. Ang mga argumentong ito ay umaayon sa hatol at pag-aalala tungkol sa kawalang kakwentahan ng araling pantao, lalo na sa panahon kung saan mukhang kinakailangan ng mga iskolar ng panitikan, kasaysayan, at sining na sumali sa mga "sama-samang gawain kasama ng mga siyentipikong nag-eeksperimento" o kahit "gamitin nang matalino ang mga napag-alaman mula sa empirikong agham."[11]
Kahit ganito, marami pa ring nasa larangan ng eksaktong agham ang umaasang makakabalik muli ito. Noong 2017, binawi ni Bill Nye ang kanyang mg nakaraang sinabi tungkol sa "kawalang kakwentahan" ng pilosopiya.[12] Sabi niya, "Palaging binabanggit ng mga tao sina Socrates at Plato at Aristotle, at sa tingin ko, marami sa ating nagbabanggit sa kanila ay walang matibay na pundasyon. [...] Magandang malaman ang kasaysayan ng pilosopiya."[ii][13] Samantala, ipinunto ni Scott F. Gilbert, isang biyologo, na ang unti-unting pamamayani, na humahantong sa pagiging ekslusibo, ng mga maagham na kaparaanan ang kailangang palagnawin ng kontekstong historikal at panlipunan. Nag-aalala si Gilbert na kailangang mapag-aralan sa labas ng larangan ang komersyalisasyon na maaaring likas sa pag-iisip sa agham (paghahabol ng pondo, dangal ng akademya, atbp.). Ika niya, "Una sa lahat, may isang napaka-matagumpay na alternatibo sa agham bilang isang komersyalisadong martsa patungo sa "pag-unlad." Ito ang paraang ginamit ng mga kolehiyo ng liberal na sining, isang modelong nagmamalaking makita ang agham sa konteksto at sa pagsama ng agham sa araling pantao at agham panlipunan."[iii][14]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Ingles: culturonics, tinatawag sa Ingles bilang transformative humanities o transhumanities.
- ↑ Orihinal na sinabi: "People allude to Socrates and Plato and Aristotle all the time, and I think many of us who make those references don’t have a solid grounding. [...] It's good to know the history of philosophy."
- ↑ Orihinal na sinabi: "First of all, there is a very successful alternative to science as a commercialized march to “progress.” This is the approach taken by the liberal arts college, a model that takes pride in seeing science in context and in integrating science with the humanities and social sciences."
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 "humanidades". Diksyonaryo.ph. Nakuha noong Disyembre 13, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "humanista". Diksyonaryo.ph. Nakuha noong Disyembre 7, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "humanities" [araling pantao]. Encyclopaedia Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 13, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Bods, Rens (2014). A New History of Humanities [Ang Bagong Kasaysayan ng Araling Pantao] (sa wikang Ingles). Oxford, Inglatera: Oxford University Press.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Levi, Albert W. (1970). The Humanities Today [Ang Araling Pantao Ngayon] (sa wikang Ingles). Bloomington, Indiana, Estados Unidos: Indiana University Press.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Walling, Donovan R. (1997). Under Construction: The Role of the Arts and Humanities in Postmodern Schooling [Ginagawa: Ang Gampanin ng Sining at Araling Pantao sa Posmodernismong Pag-aaral] (sa wikang Ingles). Bloomington, Indiana, Estados Unidos: Phi Delta Kappa Educational Foundation.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 7.0 7.1 Dilthey, Wilhelm. The Formation of the Historical World in the Human Sciences [Ang Pagbuo sa Historikal na Mundo sa mga Agham Pantao] (sa wikang Ingles). p. 103.
- ↑ von Wright, Moira (2002). Studies in Philosophy and Education [Pag-aaral sa Pilosopiya at Edukasyon] (sa wikang Ingles).
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 9.0 9.1 Harpham, Geoffrey (2005). "Beneath and Beyond the Crisis of the Humanities" [Sa Ilalim at Lampas sa Krisis ng Araling Pantao]. New Literary History (sa wikang Ingles). 36: 21–36. doi:10.1353/nlh.2005.0022.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Epstein, Mikhail (2012). The Transformative Humanities: A Manifesto [Ang Transpormatibong Araling Pantao: Isang Manipesto] (sa wikang Ingles). New York, Estados Unidos at London, Inglatera: Bloomsbury Academic. p. 12.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Cooke, Brett; Turner, Frederick (1999). Biopoetics: Evolutionary Explorations in the Arts [Biopoetika: Mga Ebolusyonaryong Paglalakbay sa Sining] (sa wikang Ingles). Lexington, Kentucky, Estados Unidos: ICUS.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Harvey, Tremaine (Mayo 3, 2017). "Bill Nye found appreciation for philosophy" [Nakita ni Bill Nye ang pagpapahalaga sa pilosopiya]. Mesa Press (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa ang orihinal noong Mayo 4, 2017. Nakuha noong Disyembre 14, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Goldhill, Olivia (Abril 16, 2017). "Bill Nye, the science guy, says I convinced him that philosophy is not just a load of self-indulgent crap" [Sabi ni Bill Nye, yung science guy, nakumbinsi ko daw siya na hindi lang isang bulto ng makasariling kung ano-ano ang pilosopiya] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa ang orihinal noong Abril 17, 2017. Nakuha noong Disyembre 14, 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Gilbert, Scott F. (2018). "Health Fetishism Among The Nacirema: A Fugue On Jenny Reardon's "The Postgenomic Condition: Ethics, Justice, and Knowledge After The Genome" (Chicago University Press, 2017) And Isabelle Stengers' "Another Science Is Possible: A Manifesto For Slow Science" (Polity Press, 2018)" [Petisismong sa Kalusugan sa mga Nacirema: Isang Fugue sa "Ang Kondisyong Poshenomiko: Etika, Katarungan, at Kaalaman Pagkatapos ng Genome" ni Jenny Reardon (Chicago University Press, 2017) at "Posible ang Isa pang Agham: Isang Manipesto para sa Mabagal na Agham" ni Isabelle Stengers (Polity Press, 2018)]. Organisms: Journal Of Biological Sciences (sa wikang Ingles). 2 (1). doi:10.13133/2532-5876_3.11. Inarkibo mula sa ang orihinal noong Enero 7, 2019. Nakuha noong Disyembre 14, 2021.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)