Likas na agham
Likás na aghám o aghám pangkalikásan[1] ang isa sa tatlong pangunahing sangay ng agham na nakatuon sa mga proseso, pag-unawa, paglalarawan, at prediksiyon base sa obserbasyon o eksperimento. Nahahati ito sa dalawang sangay: buhay at pisikal. Kilala rin sa tawag na biolohiya ang agham pambuhay, samantalang nahahati naman sa apat na sangay ang pisikal na agham: pisika, kimika, agham pandaigdig, at astronomiya. Nahahati ang mga ito sa samu't saring mga larangan. Ginagamit ng mga likas na agham ang mga pormal na agham kagaya ng matematika at lohika upang maipaliwanag ang mga batas ng agham.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa ilang mga iskolar, nagmula ang mga likas na agham sa pangangailangan ng mga sinaunang lipunan na maunawaan ang kanilang kinagagalawang lugar. Pinagpasa-pasahan ang kaalaman na nakalap ng bawat henerasyon patungo sa mga kasunod nito, kagaya halimbawa ng kaalaman sa mga ugali ng hayop at medisina.[2] Kalaunan, naging pormalisado ang pag-aaral sa mga ito pagsapit ng 3000 BKP sa mga sinaunang kultura ng Ehipto at Mesopotamia, na nagsulat ng mga pinakamatatandang halimbawa ng likas na pilosopiya, ang ninuno ng ngayo'y likas na agham.[3] Bagamat malinaw na may mga interes ang sinaunang kultura sa mga ito, lalo na sa astronomiya, malinaw din na ginawa nila ito sa ngalan ng relihiyon, hindi agham.[4]
Samantala, meron ding nabuong mga panimulang agham sa sinaunang Tsina at India. Sa Tsina, mahalagang konsepto ang yin at yang, na nagpapaliwanag sa magkatunggaling likas na puwersa.[5] Samantala, inilalarawan naman sa mga Veda ang sinaunang konsepto ng sanlibutan ayon sa mga sinaunang Indiano, gayundin sa ideya ng tatlong humor na nagdidikta sa estado ng katawan.[6]
Sa sinaunang Gresya, ipinaliwanag ng mga pilosopong Presokratiko ang kalikasan na may halong mahika at mitolohiya tulad ng ibang mga kultura. Naniniwala sila na ang mga sakuna halimbawa ay resulta ng isa o higit pang mga galit na diyos.[7] Gayunpaman, may mga ilang iskolar na sinubukang magbigay ng paliwanag nang walang bahid ng mitolohiya o relihiyon. Halimbawa, ipinaliwanag ni Tales ng Miletus ang mga lindol bilang resulta ng paglutang ng kalupaan sa isang pandaigdigang karagatan.[8] Iminungkahi naman ni Leucipo ang ideya ng atomismo, na nagsasabing binubuo ang realidad ng mga napakaliit na mga bagay na tinatawag na mga atomo. Samantala, gumamit naman si Pitagoras ng matematika upang imungkahi na bilog ang mundo.[9]
Likas na pilosopiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Di tulad ng mga nauna, mas nagpokus ang mga pilosopong tagasunod ni Sokrates at Platon sa etika, moralidad, at sining; hindi nila masyadong pinansin ang pisikal na mundo.[10] Gayunpaman, nagbigay ng matinding pokus si Aristoteles sa pisikal na mundo sa kanyang pilosopiya.[11] Sa Kasaysayan ng mga Hayop, inilarawan niya ang mga prosesong nagaganap sa mga hayop tulad ng bubuyog.[12] Inimbestigahan niya ang mga sisiw na nasa itlog pa at nagbasag ng ilang itlog upang mapag-aralan ang mga estado ng pagdebelop nito.[13] Itinuturing na mahalaga ang mga gawang ito ni Aristoteles hanggang sa ika-16 na siglo.[14] Bukod sa biolohiya, nag-akda rin siya sa pisika, kalikasan, at astronomiya.[15]
Bagamat sineryosong pag-aralan ni Aristoteles ang likas na pilosopiya kumpara sa mga nauna sa kanya, itinuring niya lamang ito bilang isang teoretikal na agham.[16] Gayunpaman, malaki ang impluwensiya niya sa mga sumunod sa kanya, lalo na sa Imperyong Romano kung saan naging basehan siya ng mga sulatin ng mga Romanong pilosopo tulad ni Plinio ang Matanda, at mga pilosopong ng ika-6 na siglo.[17] Nagpokus din ang mga unang pilosopo ng Gitnang Kapanahunan sa pag-aaral sa kalikasan, madalas sa konteksto ng kosmolohiya kung saan pinag-aaralan ang mga posisyon ng mga planeta at bituin sa langit, na pinaniniwalaang nagtataglay ng elementong aether.[18] Samantala, sinimulan ng ilang mga iskolar ang kritikal na pagtingin sa mga turo ni Aristoteles sa pisika, kagaya ni John Philoponus, na nagpanukalang gamitin ang obserbasyon kesa argumentong pasalita sa mga diskurso, gayundin sa teorya ng impetus, na nagpapaliwanag sa paggalaw ng isang bagay. Ang mga kritisismong ito ang siyang naging basehan ni Galileo Galilei na nagpasimula sa Rebolusyong Makaagham.[19]
Gitnang Kapanahunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagamat nasa Europa, hindi nakarating nang lubos ang mga gawa ni Aristoteles at ng ibang mga pilosopong Griyego sa Kanlurang Europa hanggang noong ika-12 siglo nang maisalin ito sa wikang Latin.[20] Naging mahalaga ito sa pagdebelop ng likas na pilosopiya sa kontinente.[21] Lumobo ang populasyon sa mga lungsod sa Europa pagsapit ng naturang siglo, na nagbigay-daan upang maitatag ang mga pinakaunang pamantasan, monasteryo, at pormal na paaralan sa rehiyon ng ngayo'y Pransiya at Inglatera.[22] Nabuo sa tulong ng mga ito ang isang anyo ng teolohiyang Kristiyano na sumusubok sagutin ang mga katanungan sa kalikasan sa pamamagitan ng lohika, bagamat tiningnan rin ito ng ilang kritiko bilang isang erehe.[23]
Nagsimulang seryosohin ng mga iskolar ng Kanlurang Europa ang mga gawa ng sinaunang Gresya at ng Mundo ng Islam dahil sa mga salin sa mga ito patungo sa wikang Latin, ang wikang ginagamit sa mga diskurso sa mga paaralan.[24] Ito ang mga ginamit na materyales sa pagturo sa mga bagong pamantasan sa Paris at Oxford, bagamat tutol rito ang Simbahang Katolika. Naglabas ito ng isang serye ng mga pagkodena noong ika-13 siglo na nagbabawal sa pagturo sa mga gawa ni Aristoteles (bukod pa sa iba), sa mga pamantasan sa Europa.[25]
Isinalin naman ng Espanyol na pilosopong si Dominicus Gundissalinus ang gawa ng iskolar mula Persia na si al-Farabi patungo sa wikang Latin. Dito unang nabanggit ang scientia naturalis (lit. na 'likas na agham') bilang tumutukoy sa pag-aaral sa mga paggalaw ng kalikasan. Siya rin ang unang Europeo na nagmungkahi na hatiin ang pag-aaral sa mga sangay. Ayon sa kanya, likas na agham ang "agham na kinokonsidera lamang ang mga tunay at gumagalaw", kontra sa matematika at mga agham na umaasa sa matematika. Tulad ni al-Farabi, hinati niya ang likas na agham sa pisika, kosmolohiya, meteorolohiya, mineralohiya, biolohiya, at soolohiya.[26]
Nagdebelop rin ang mga sumunod na iskolar ng sarili nilang klasipikasyon. Halimbawa, inilagay ni Robert Kilwardby ang medisina sa ilalim ng likas na agham kasama ng agrikultura, pangangaso, at teatro.[27] Ayon naman kay Roger Bacon, likas na agham ang "prinsipyo ng paggalaw at pahinga, tulad ng mga bahagi ng elemento ng apoy, himpapawid, lupa, at tubig, gayundin yung mga di-buhay na mga bagay na kinapapalooban nila."[28] Ayon kay Tomas ng Aquino, pinag-aaralan sa mga likas na agham ang mga "gumagalaw na nilalang" at "mga bagay na dumedepende sa materya di lamang upang umiral kundi dahil na rin sa kahulugan nito."[29] Nagkakasundo ang mga iskolar sa panahong ito na tungkol sa mga gumagalaw na bagay ang likas na agham, ngunit nagkakatalo sila sa mga sangay nito.[30] Tinitingnan din ang pag-aaral bilang bahagi ng okulto at mahika.[31] Bagamat tutol ang ilang mga Kristiyanong iskolar sa likas na agham dahil sa koneksiyon nito sa mga paganong Griyego, kalaunan ay tiningnan ito ng mga sumunod na henerasyon tulad ni Tomas ng Aquino at Albertus Magnus ang pag-aaral bilang kagamitan upang maintindihan ang Banal na Kasulatan, bagamat tutol pa rin ang Simbahan sa mga ito hanggang sa ika-13 siglo.[32]
Rebolusyong Makaagham
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagsapit ng ika-16 at ika-17 siglo, lumayo ang mga likas na agham mula sa likas na pilosopiya ni Aristoteles. Malawakang binago ng pagkaimbento ng limbagan, mikroskopyo, teleskopyo, at ng Repormasyon ang pagtingin ng mga tao sa agham.[33] Halimbawa, binago ng mga obserbasyon nina Tyco Brahe, Nicolaus Copernicus, at Galileo Galilei sa pamamagitan ng pagbigay ng mas malinaw na larawan ng Sistemang Solar at pagpatunay sa heliosentrismo kontra sa heosentrismo ni Aristoteles.[34] Maraming pilosopo sa panahong ito ang hayagang nagpahayag sa kanilang mga kasulatan na mali si Aristoteles, tulad nina Rene Descartes, Thomas Hobbes, John Locke, at Francis Bacon.[35]
Itinuturing bilang isa sa mga pinakamahalagang siyentipiko sa kasaysayan si Isaac Newton.[36] Mula sa mga obserbasyon nina Brahe, Copernicus, Johannes Kepler, inilatag ni Newton ang mga batas ng paggalaw gayundin ang pangkalahatang batas ng grabitasyon,[37] na kanyang ginamit upang ipaliwanag na ang Buwan ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga kati (tide).[38] Ginamit nina Charles-Augustin de Coulomb, Alessandro Volta, at Michael Faraday ang mga batas na ito ni Newton upang ilarawan ang elektromagnetismo.[39] Pinagsama naman ni James Clerk Maxwell ang mga ito upang mabuo ang teorya ng elektrodinamika.[39] Samantala, pinatunayan naman ni Antoine Lavoisier na mali ang teoryang phlogiston, na nagsasabing naglalabas ang mga bagay na nasusunog ng isang elementong tinatawag na phlogiston sa ere. Lalo pa itong natuldukan nang madiskubre ni Joseph Priestley ang oksiheno noong ika-18 siglo, isang mahalagang sangkap sa pagsasagawa ng kombustiyon.[40] Samantala, sa biolohiya, unang inuri ni Carolus Linnaeus ang lahat ng klase ng buhay, na nagpasimula sa larangan ng taksonomiya.[41]
Sangay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hinahati ng ilang iskolar ang mga likas na agham sa dalawang pangunahing sangay: buhay at pisikal. Biolohiya lamang ang sangay sa ilalim ng mga agham pambuhay samantalang pisika, kimika, agham pandaigdig, at astronomiya ang mga sangay ng pisikal na agham.
- Pisika ang pag-aaral sa materya, mga partikulo nito, at ang mga ugali nito sa espasyo at panahon, enerhiya, at puwersa. Isa ito sa mga pangunahing larangan ng agham, at isa rin sa mga pinakamatatanda.
- Kimika ang pag-aaral sa pagbabagong nagaganap sa mga materya, lalo na ang komposisyon nito, reaksyon, ugali, estraktura, at katangian nito. Kabilang sa mga pinag-aaralan sa kimika ang mga sustansiya, atomo, at molekulo.
- Astronomiya ang pag-aaral sa mga bagay sa kalawakan, kabilang na ang mga planeta, bituin, galaksiya, nebula, at itim na butas. Sa madaling salita, astronomiya ang pag-aaral sa mga bagay sa labas ng atmospera ng Daigdig. Kabilang rin sa larangan ang kosmolohiya, ang larangan na nakatuon sa sanlibutan sa pangkalahatan.
- Agham pandaigdig ang katawagan para sa mga agham na nakatuon sa pag-aaral sa Daigdig at ang mga nagaganap na penomena at proseso sa loob nito.
- Meteorolohiya ang pag-aaral sa himpapawid ng Daigdig at sa lagay ng panahon.
- Oseanograpiya ang pag-aaral sa katubigan ng Daigdig, partikular na ang karagatan, ang heograpiya, pisika, kimika, at biolohiya nito.
- Heolohiya ang pag-aaral sa kalupaan ng Daigdig, kabilang na ang mga prosesong tulad ng paggalaw ng mga kontinente, mga bato nito, at ang mga pagbabago sa mga ito sa paglipas ng panahon.
- Biolohiya ang pag-aaral sa lahat ng buhay sa Daigdig, kabilang na ang mga organismo. Kasama sa malawak na pag-aaral na ito ang pananaliksik ukol sa pinagmulan ng buhay, ebolusyon, at ang pagkalat nito. Sentro sa pag-aaral ang selula, hene, homeostatis, at ang antas ng organisasyon ng buhay, na saklaw ng taksonomiya.
- Mikrobiolohiya ang pag-aaral sa mga mikrobyo, kabilang ang mga birus, protista, fungus, at parasito.
- Botanika ang pag-aaral sa mga halaman, kabilang na ang mga prosesong nagaganap sa mga ito tulad halimbawa ng potosintesis.
- Soolohiya ang pag-aaral sa mga hayop, kabilang na ang mga prosesong nagaganap sa mga ito. Kalimitang hindi isinasama sa pag-aaral ang mga tao, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon.
- Ekolohiya ang pag-aaral sa mga nagaganap na interaksyon at proseso sa mga ekosistema, lalo na sa kabuuang biospera ng Daigdig.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Agham
- Kasaysayan ng agham
- Likas na pilisopiya
- Agham panlipunan
- Araling panlipunan
- Araling pangkalikasan
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Almario, Virgilio, pat. (2010). "agham pangkalikasan, natural science". UP Diksyonaryong Filipino (ika-2 (na) edisyon). UP-Sentro ng Wikang Filipino-Diliman – sa pamamagitan ni/ng Diksiyonaryo.ph.
- ↑ Grant 2007, p. 1.
- ↑ Grant 2007, p. 2.
- ↑ Grant 2007, pp. 2–3.
- ↑ Magner 2002, pp. 3–4.
- ↑ Magner 2002, p. 5.
- ↑ Grant 2007, p. 8.
- ↑ Barr 2006, p. 2.
- ↑ Barr 2006, p. 3.
- ↑ Grant 2007, pp. 21–22.
- ↑ Grant 2007, pp. 27–28.
- ↑ Grant 2007, pp. 33–34.
- ↑ Grant 2007, p. 34.
- ↑ Grant 2007, pp. 34–35.
- ↑ Grant 2007, pp. 37–39, 53.
- ↑ Grant 2007, p. 52.
- ↑ Grant 2007, p. 95.
- ↑ Grant 2007, p. 103.
- ↑ Wildberg, Christian (8 Marso 2018). "John Philoponus". Sa Zalta, Edward N. (pat.). The Stanford Encyclopedia of Philosophy [Ang Ensiklopedya ng Stanford sa Pilosopiya] (sa wikang Ingles). Stanford University. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Agosto 2019.
- ↑ Grant 2007, pp. 95, 130.
- ↑ Grant 2007, p. 106.
- ↑ Grant 2007, pp. 106–107.
- ↑ Grant 2007, p. 115.
- ↑ Grant 2007, p. 130.
- ↑ Grant 2007, p. 143.
- ↑ Grant 2007, p. 155.
- ↑ Grant 2007, pp. 156–157.
- ↑ Grant 2007, p. 158.
- ↑ Grant 2007, pp. 159–163.
- ↑ Grant 2007, p. 234.
- ↑ Grant 2007, pp. 170–178.
- ↑ Grant 2007, pp. 241–243.
- ↑ Grant 2007, p. 274.
- ↑ Grant 2007, p. 274–275.
- ↑ Grant 2007, pp. 276–277.
- ↑ Barr 2006, p. 33.
- ↑ Barr 2006, pp. 33–35.
- ↑ Barr 2006, p. 36.
- ↑ 39.0 39.1 Barr 2006, p. 48.
- ↑ Barr 2006, p. 49.
- ↑ Mayr 1982, pp. 171–179.
Bibliograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Barr, Stephen M. (2006). A Students Guide to Natural Science [Gabay sa Mag-aaral ukol sa Likas na Agham] (sa wikang Ingles). Intercollegiate Studies Institute. ISBN 978-1-932236-92-7.
- Grant, Edward (2007). A History of Natural Philosophy: From the Ancient World to the 19th century [Kasaysayan ng Likas na Pilosopiya: Mula sa Sinaunang Mundo hanggang sa ika-19 na siglo] (sa wikang Ingles). Cambridge, Reyno Unido: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-68957-1.
- Lagemaat, Richard van de (2006). Theory of Knowledge for the IB Diploma [Teorya ng Kaalaman para sa Diplomang IB] (sa wikang Ingles). Cambridge, Reyno Unido: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-54298-2. Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Disyembre 2023.
- Ledoux, Stephen F. (2002). "Defining Natural Sciences" [Pagbibigay-kahulugan sa mga Likas na Agham] (PDF). Behaviorology Today (sa wikang Ingles). 5 (1). New York: Marcel Dekker, Inc.: 34. ISBN 978-0-8247-0824-5. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 25 Marso 2012.
- Mayr, Ernst (1982). The Growth of Biological Thought: Diversity, Evolution, and Inheritance [Ang Paglaki ng Kaisipang Biolohikal: Dibersidad, Ebolusyon, at Pagmamana] (sa wikang Ingles). Cambridge, Estados Unidos: The Belknap Press of Harvard University Press. ISBN 978-0-674-36445-5.
- Oglivie, Brian W. (2008). The Science of Describing: Natural History in Renaissance Europe [Ang Agham ng Paglalarawan: Likas na Kasaysayan sa Renasimiyento sa Europa] (sa wikang Ingles). Chicago: University of Chicago Press. ISBN 978-0-226-62088-6.
Link sa labas
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Kagawaran ng kimika sa Universität Hamburg (Alemanya) Naka-arkibo 2015-09-18 sa Wayback Machine.
- Kagawaran ng pisika sa Universidad de Buenos Aires (Arhentina)
- Kagawaran ng biyolohiya sa Universidad de Talca (Chile)
- Kagawaran ng kimika sa Universidade de São Paulo (Brazil) Naka-arkibo 2015-09-25 sa Wayback Machine.
- Kagawaran ng astronomiya sa Universidad de Barcelona (Espanya) Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine.
- Kagawaran ng biyolohiya sa Université Pierre et Marie Curie (Pransiya) Naka-arkibo 2014-03-28 sa Wayback Machine.
- Mga Agham Pangkalikasan sa Cambridge University
- Ang Kasaysayan ng Kasalukuyang Agham at Teknolohiya
- Mga Balik-aral na Aklat Tungkol sa Agham Pangkalikasan