Pumunta sa nilalaman

Marxismo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Sina Karl Marx (kanan) at Friedrich Engels (kaliwa), ang dalawang pangunahing teoretiko na itinataguriang "mga ama" ng Marxismo.

Ang Marxismo ay isang makakaliwang ekonomiko at sosyopolitikal na pilosopiya na tumutuon sa ugnayan at hidwaan ng mga antas ng lipunan gamit ang materyalistang interpretasyon sa takbo ng kasaysayan at diyalektikong pananaw sa pagbabagong panlipunan. Hango ito sa mga gawa ng dalawang ika-19 na dantaong pilosopong Aleman na sina Karl Marx at Friedrich Engels.

Walang isang tiyak na teoryang Marxista. Ang Marxistang analisis ay ginagamit sa iba't-ibang paksa, nalilihis ang pag-unawa at nagbabago sa pagdaan ng panahon, na nagdudulot ng iba't-iba at minsa'y magkakasalungat na mga teoryang bumubungad na Marxismo.[1]

Itinataguyod ng Marxismo ang materyalistang pag-unawa ng pag-unlad ng lipunan, simula sa gawaing pang-ekonomiya na kinakailangan ng sangkatauhan upang matugunan ang mga materyal nitong pangangailangan. Ang anyo ng kaayusang pang-ekonomiya o paraan ng produksiyon ay nauunawaang batayan kung saan nagmumula o direktang naiimpluwensiyahan ang karamihan ng iba pang panlipunang penomena, gaya ng ugnayang panlipunan, sistemang pulitikal at legal, moralidad at ideolohiya. Habang humuhusay ang mga puwersa ng produksiyon (lalo na ang teknolohiya), ang mga kasalukuyang anyo ng kaayusang panlipunan ay nagiging kabilagtaran naman at siyang pumipigil sa lalo pang pag-unlad. Lumalabas ang kawalang-husayang ito sa mga kontradiksiyon sa lipunan sa anyo ng tunggalian ng uri.[2]

Ayon sa Marxistang analisis, nagaganap ang tunggalian ng mga uri sa kapitalismo dahil sa paglala ng mga kontradiksiyon sa pagitan ng produktibo, mekanisado at maayos na paggawa ng proletariat, at ng pribadong pagmamay-ari at pribadong paglalaan ng labis na produkto sa anyo ng labis na halaga (o kita) ng iilang pribadong nagmamay-ari na tinatawag na burges. Habang nagiging kapansin-pansin ang kontradiksiyon sa proletariat, sumisidhi ang pagkabalisa sa pagitan ng dalawang antagonistang uri ng lipunan na humahantong sa isang rebolusyong panlipunan. Ang matagalang kahahantungan ng rebolusyong ito ay ang pagtatatag ng sosyalismo – isang sistemang sosyo-ekonomiko batay sa kooperatibang pag-aari ng paraan ng produksiyon, pamamahagi batay sa naging kontribusyon ng bawat isa, at produksiyong tuwirang isinaayos upang gamitin. Sa paniniwala ni Karl Marx, habang patuloy na sumusulong ang puwersang produktibo at teknolohiya, magbibigay-daan ang sosyalismo sa isang yugto ng komunismong pagbabago ng lipunan. Ang komunismo ay magiging isang makataong lipunan na walang kaurian o estado at naninindigan sa panlahatang pagmamay-ari at sa prinsipyong "Mula sa bawat isa ayon sa kaniyang kakayahan, para sa bawat isa ayon sa kaniyang pangangailangan".

Nagsanga ng samu't-saring kaisipan ang Marxismo. Binibigyang halaga ng ibang kaisipan ang ilang aspekto ng klasikong Marxismo, habang pinagwawalang-halaga o iwinawaksi ang ilang aspekto nito; kung minsa'y pinagsasanib ang Marxistang analisis at di-Marxistang konsepto. Ang ilang anyo ng Marxismo naman ay nakatuon lamang sa isang aspekto ng Marxismo bilang puwersang magpapasiya sa pag-unlad ng lipunan — gaya ng paraan ng produksiyon, klase, ugnayang pangkapangyarihan, o pag-aari-arian — habang ikinakatuwiran na hindi ganoong kahalaga ang ibang aspekto o ang mga kasalukuyang pananaliksik ang nagpapawalang-halaga nito.[3] Halimbawa, ang mga Marxianong ekonomista ay may magkakasalungat na paliwanag sa krisis pang-ekonomiya at magkakaibang prediksiyon sa kalalabasan ng mga naturang krisis. Higit pa rito, ginagamit ng ibang anyo ng Marxismo ang Marxistang analisis sa pag-aaral ng iba't-ibang aspekto ng lipunan (hal. kulturang pangmadla, krisis pang-ekonomiya, o peminismo).[4]

Ang mga pagkakaibang teoretikal na ito ay nagbunsod sa mga partidong sosyalista at komunista at kilusang pulitikal na magkaroon ng magkakaibang estratehiyang pulitikal upang matamo ang sosyalismo, at magsulong ng magkakaibang programa at polisiya. Isang halimbawa nito ay ang pagkahati ng mga sosyalistang rebolusyonaryo at repormista na lumitaw sa German Social Democratic Party (SPD) noong unang bahagi ng ika-20 siglo.

Ang Marxistang pag-unawa sa kasaysayan at ng lipunan ay ginagamit ng mga akademiko sa mga disiplina ng arkeolohiya at antropolohiya,[5] araling pangmidya,[6] agham pampulitika, teatro, kasaysayan, sosyolohiya, kasaysayan at teoryang pansining, araling pangkultura, edukasyon, ekonomiks, heograpiya, kritisismong pampanitikan, estetika, sikolohiyang kritikal, at pilosopiya.[7]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Wolff and Resnick, Richard and Stephen (Agosto 1987). Economics: Marxian versus Neoclassical. The Johns Hopkins University Press. p. 130. ISBN 0-8018-3480-5. Marxian theory (singular) gave way to Marxian theories (plural).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) (sa Ingles)
  2. Comparing Economic Systems in the Twenty-First Century, 2003, by Gregory and Stuart. P.62, Marx's Theory of Change. ISBN 0-618-26181-8. (sa Ingles)
  3. O'Hara, Phillip (Setyembre 2003). Encyclopedia of Political Economy, Volume 2. Routledge. p. 107. ISBN 0-415-24187-1. Marxist political economists differ over their definitions of capitalism, socialism and communism. These differences are so fundamental, the arguments among differently persuaded Marxist political economists have sometimes been as intense as their oppositions to political economies that celebrate capitalism.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) (sa Ingles)
  4. Wolff and Resnick, Richard and Stephen (Agosto 1987). Economics: Marxian versus Neoclassical. The Johns Hopkins University Press. p. 130. ISBN 0-8018-3480-5. The German Marxists extended the theory to groups and issues Marx had barely touched. Marxian analyses of the legal system, of the social role of women, of foreign trade, of international rivalries among capitalist nations, and the role of parliamentary democracy in the transition to socialism drew animated debates ... Marxian theory (singular) gave way to Marxian theories (plural).{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) (sa Ingles)
  5. Bridget O'Laughlin (1975) Marxist Approaches in Anthropology Annual Review of Anthropology Vol. 4: pp. 341–70 (Oktubre 1975) doi:10.1146/annurev.an.04.100175.002013.
    William Roseberry (1997) Marx and Anthropology Annual Review of Anthropology, Vol. 26: pp. 25–46 (Oktubre 1997) doi:10.1146/annurev.anthro.26.1.25(sa Ingles)
  6. S. L. Becker (1984) "Marxist Approaches to Media Studies: The British Experience", Critical Studies in Mass Communication, 1(1): pp. 66–80. (sa Ingles)
  7. Manuel Alvarado, Robin Gutch, and Tana Wollen (1987) Learning the Media: Introduction to Media Teaching, Palgrave Macmillan. (sa Ingles)