Pumunta sa nilalaman

Awit ng mga Awit

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kantikulo)
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Ang Awit ng mga Awit o Aklat ng Awit ng mga Awit[1], na tinatawag ding Awit ni Solomon o Ang Awit ni Solomon[2] ay isang aklat sa Lumang Tipan ng Bibliya. Tinatawag din itong Ang Awit ni Solomon dahil sa pamagat nito sa wikang Ebreo kung saan nakalagay ang pangalang Solomon.[2] Tinatawag din itong Mga Kantikulo na nangangahulugang "awit ng mga awit"[3] na nagpapahiwatig na isa itong awit na higit pa sa ibang mga awit o kaya awit na binubuo ng ilan at iba pang mga awitin. Isa ang Aklat ng mga Awit sa mga pinakamaiikling aklat na nakalangkap sa Bibliya. Mayroon itong mga 117 taludtod lamang. Ito lamang ang librong nasa Bibliyang tinatawag ang sarili bilang isang awit na tungkol sa pag-ibig, at matinding dagsa ng damdamin, ngunit may maingat, mapagkandili, mapagsaalang-alang, mahinahon, at malambing na pakikipagtalik.[4]

Pinaniniwalaang inakdaan ito ni Haring Solomon (binabaybay ding Salomon) bagaman sinasabi rin ng mga dalubhasa sa Bibliyang maaaring ng isang hindi nakikilalang makata.[1]

Panahon ng pagsulat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa mga dalubhasa, tinatayang nasulat ang aklat na ito noong ika-5 daantaon pagkalips ng "pagkadalang-bihag" ng mga mamamayan ng Israel sa Babilonia.[1] Maaari ring noong ika-3 o ika-4 na daantaon BK.[5]

Isang paglalarawan ng dalawang tauhang magkasintahan sa Aklat ng Awit ng mga Awit mula sa isang manuskritong gawa noong ika-12 daantaon.

Ayon sa Ang Banal na Biblia ni Jose C. Abriol, isang tula tungkol sa pag-ibig ang Aklat ng Awit ng mga Awit.[2] Subalit nilarawan naman ito ng Lipunang Bibliya sa Pilipinas (Ingles: Philippine Bible Society) sa Biblia.net bilang isang aklat na "kalipunan ng mga tula ng pag-ibig."[2] Nilarawan ito ng Reader's Digest bilang kakaiba sa iba pang mga aklat ng Bibliya sapagkat mas malapit ito sa pagiging isang "tula ng pag-ibig." Hindi nag-iisang tula lamang ang aklat na ito, bagkus isa itong katipunan ng ilang mga tulang hindi magkakaugnay na sinasambit ng mga tauhang katulad ng nasa isang dula.[5]

Para sa mga Hudyo, larawan ang mga awit na ito ng kaugnayan ng Diyos at ng kanyang bayan, samantalang para naman sa mga Kristiyano, larawan ang mga ito ng kaugnayan ni Kristo at ng Simbahan.[2] Nasama ito sa kanon ng Hudaismo at Kristiyanismo dahil sa pagkakatanggap nito bilang isang paghahambing ng "Pag-ibig ng Diyos sa Israel" o ng "Pag-ibig ni Hesukristo sa Simbahan" sa dalawang magkasintahang nag-uusap sa aklat na ito. May mga bahaging mahirap unawain subalit maliwanag ang tema: pangunahing isa itong diyalogo sa pagitan ng isang dalagang Hudyo at ng kaniyang lalaking mangingibig. Tinatawag na isang Salumita ang babaeng sinusuyo.[5][6]

Hindi naglalaman ang Aklat ng Awit ng mga Awit ng lantarangang pagbanggit sa pananampalataya, at hindi rin nasasambit ang salita o pangalang Diyos kahit na isang ulit man lamang.[5] Subalit kapupulutan ang aklat ng mga aral na tumutukoy sa "kabanalan ng pag-ibig ng mga may asawa" sapagkat ang Diyos ang nagtatag ng institusyon ng kasal.[1]

Natatangi ang paksang nasa kabuoan ng aklat ng Awit ng mga Awit: ang pagsasabi na kamanghamangha ang pag-ibig. Ipinagdiriwang dito ang kasiyahan na nakakamit mula sa pakikipagtalik sa isang wikang hindi nagbabantad ng anumang pagdududa. Nakalaan ang makapangyarihang wikang ginamit sa librong ito sa regalong pag-ibig na nararamdaman ng isang lalaki at babae para sa isa't isa, isang panghihikayat na kung iibig ang isang tao: nararapat lamang na umibig ayon sa sinasabing kaparaan sa aklat na ito. Sadyang pinagtutuonan ng pansin dito ang kahalagahan ng isang relasyong may katapatan sa isa't isa at sa pagiging isa ng dalawang taong nagmamahalan. Nasa mga pahina ng aklat na ito ang pananaw ng isang romantikong damdaming may dalang batubalaning kaugnay ng pagkabighaning seksuwal, at pagkakaroon ng katuwaan sa bawat panahon nito, at sa pagkakapuno at pagkakatupad ng damdamin at katuwaan mula rito. Isang halimbawa at huwaran ang aklat ng Awit ng mga Awit kung ano ang tunay na kahulugan ng kasal na pangkristiyano.[4]

Mga tauhan at sagisag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga tauhan sa Aklat ng mga Awit ang dalawang magkasintahan - isang lalaki at isang babae - at may ilang mga tagapanood o tagapagmasid lamang ng patulang "dula".[5] Sapagkat nilalarawan nga ng nilalaman ng aklat ang pagsusuyuan ng dalawang magkasintahan, sinasagisag ng lalaki at ng babae ang "pag-iibigan ng Diyos at ng Israel." Ang lalaki ang kumakatawan sa Diyos samantalang kumakatawan naman sa bayang Israel ang babae.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Abriol, Jose C. (2000). "Ang Awit ng mga Awit". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 "Ang Awit ni Solomon""Ang Awit ng mga Awit". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Literal na salin ng canticles o "song of songs" [maramihan ng canticle).
  4. 4.0 4.1 "Is erotic love okay?, Song of Songs 1: 1-4". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 Reader's Digest (1995). "Awit ng mga Awit". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Literal na salin mula sa Ingles na Shalumite. Maaari ring baybayi bilang "Salomita," mula sa Shlomo, ang Ebreong pangalan ni Salomon; maaaring may kaugnayan din sa salitang shalom sa wikang Ebreo na nangangahulugang kapayapaan at ginagamit ding pambati sa pagkikita na katumbas ng hello sa Ingles at ng paalam (ayon sa entradang shalom sa JPost.com)

Panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]