Karaniwang Panahon (pangliturhiyang taon)
Ang Karaniwang Panahon o Linggo ng Taon (Latin: Tempus per annum) ay ang pamagat sa mga natitirang panahon sa taon ng liturhiya sa Ritung Romano magmula noong taong 1969. Nahahati ito sa dalawang yugto: sa pagitan ng Pasko ng Pagsilang at Kuwaresma, at makalipas ang Pentekostes. Ang kulay para sa kasuotan sa Misa para sa panahong ito ay luntian. Ang huling Linggo ng Karaniwang Panahon ay ang Dakilang Kapistahan ng Panginoong Hesus, Hari ng Sansinukob.
Masasabing hindi tumpak ang pagkakasalin sa Tagalog ng tempus per annum dahil bagaman sa Ingles ay "Ordinary Time," hindi ito nangangahulugan na "karaniwan"; bagkus, ito ay tinawag na "Ordinary" sa Ingles ay dahil binibilang ang Linggo ng Taon, mula unang linggo ng karaniwang araw sa Enero (makalipas ang Epipania) hanggang ika-34 na linggo (sa huling bahagi ng Nobyembre).[1].
Ritung Romano
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa kasalukuyang gamit ng Simbahan ng Roma, ang karaniwang panahon ng taon ay nagsisimula sa Lunes na kasunod ng Linggong kasunod naman ng ika-6 ng Enero at ito ay umaabot hanggang sa Martes bago mag-apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pagkabuhay (Kuwaresma) at ang Martes na ito ay kasama sa bilang. Muling nagsisimula ang karaniwang panahon sa Lunes kasunod ng Linggo ng Pentekostes at nagwawakas bago mag-Unang Panalangin Pangtakipsilim ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (Adbiyento). Ang Karaniwang Panahon ay binubuo ng 33 o 34 na linggo.[2]
Sa matandang kasanayan ng Ritung Romano, ginagamit ang termino na "Linggo makalipas ang Epipania" at "Linggo makalipas ang Pentekostes."
Mga Dakilang Kapistahan, Kapistahan, at Paggunita
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pinahinihintulutan ang ilang kapistahan na matatapat ng araw ng Linggo (ng Karaniwang Panahon) na maipagdiwang. Para sa ikapakikinabang ng mga nagsisimba, kapag mga araw ng Linggo sa karaniwang panahon ng taon, maaaring ganapin ang mga pagdiriwang na mahalaga para sa pamimintuho ng mga tao na napapatapat sa mga karaniwang araw ng Linggo, kung ang mga ito ay higit na nauuna sa antas ng Linggo ayon sa hanay ng mga araw ng liturhiya. Ang mga pagdiriwang na ito ay maihahalili sa nakatakda para sa Linggo kapag may mga nagsisimba sa pagmimisa.[2]
Mas matimbang ang araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon kaysa anumang Paggunita ng mga Banal. Subalit may ilang tanging kapistahan na maipagdiriwang:
- Pagdadala kay Hesus sa Templo, sa ika-2 ng Pebrero
- Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo
- Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista, sa ika-24 ng Hunyo
- Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo Apostol, sa ika-29 ng Hunyo
- Kapistahan ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon, sa ika-6 ng Agosto
- Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Mahal na Birheng Maria, sa ika-15 ng Agosto
- Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal, sa ika-14 ng Setyembre
- Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, sa unang araw ng Nobyembre
- Paggunita sa Lahat ng mga Kaluluwa, sa ika-2 ng Nobyembre
- Dakilang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Simbahan ni San Juan, sa Letran sa Roma, sa ika-9 ng Nobyembre
Batay sa MGA PANGKALAHATANG PATAKARAN TUNGKOL SA TAON NG LITURHIYA AT TUNGKOL SA KALENDARYO[3], talagang Dakilang Kapistahan din ang mga sumusunod, na maaaring maipagdiwang sa Linggo ng Karaniwang Panahon:
- Ang dakilang kapistahan ng pangunahing Banal na Tagapagtangkilik ng pook o ng bayan o ng lungsod.
- Ang dakilang kapistahan ng pagtatalaga ng simbahan sa Diyos at ang paggunita nito taun-taon sa loob ng simbahang iyon.
- Ang dakilang kapistahan ng Banal na ang ngalan ay siyang taguri ng kalipunan ng mga namanata sa Diyos, o ng Tagapagtatag nito, o ng pangunahing Tagapagtangkilik nito.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ What Ordinary Time Means in the Catholic Church (sa wikang Ingles), 2018, nakuha noong 4 Enero 2020,
Ordinary Time is called "ordinary" not because it is common but simply because the weeks of Ordinary Time are numbered.
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 ANG MGA PANGKALAHATANG PATAKARAN TUNGKOL SA TAON NG LITURHIYA AT TUNGKOL SA KALENDARYO blg. 43, Banal na Kalipunan Para sa Gawi sa Pagsamba, ika-21 ng Marso 1969; matatagpuan din ito sa "Ang Aklat ng Pamimisa sa Roma", 1981
- ↑ "Ang Hanay ng mga Araw ng Liturhiya Ayon sa Kanilang Pagkakasunud-sunod." ANG MGA PANGKALAHATANG PATAKARAN TUNGKOL SA TAON NG LITURHIYA AT TUNGKOL SA KALENDARYO. Banal na Kalipunan Para sa Gawi sa Pagsamba, ika-21 ng Marso 1969; matatagpuan din ito sa "Ang Aklat ng Pamimisa sa Roma", 1981