Pumunta sa nilalaman

Hugis ng katawan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Katawang panlalaki)

Ang hugis ng katawan ay isang kumplikadong hindi karaniwang bagay na may sopistikadong detalye at gamit. Ang pangkalahatang hugis ng isang tao ay pangunahing nabibigyan kahulugan sa pamamagitan ng pagmolde ng mga kayariang pang-kalansay, gayon din ang distribusyon ng mga kalamnan at taba.[1] Lumalago ang mga kayariang pang-kalansay at nababago lamang hanggang sa punto na umabot na ang tao sa karampatang gulang (kapag adulto na) at pangunahing nanatiling pareho sa natitirang buhay nila. Kadalasang nakukumpleto ang paglago sa pagitan ng gulang na 13 at 18, na kung saan ang mga mahahabang butong pisis (o epiphyseal plate), na pinapahintulot ang paglago pa (tingnan ang Kalansay ng tao).[2]

Maraming aspeto ng hugis ng katawan ng tao ang magkakaiba batay sa kasarian at lalo na ang hugis ng katawang pambabae ay mayrooong kumplikadong kasaysayang pangkalinangan. Ang agham ng pagsukat at pagtasa sa hugis ng katawan ay tinatawag na antropometriya.

Hugis ng katawan ng lalaki

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang hugis ng katawan ng lalaki o hubog ng katawang panlalaki ay ang inipon o pinagsama-samang produkto ng kayarian ng kalansay (bulas niya o pangangatawan) ng isang lalaki at pati na ng dami at pagkakamudmod ng kanyang mga masel at taba sa katawan. Mayroon, at nagkaroon, ng malawakang pagkakaiba-iba sa kung ano ang dapat ituring na ideyal, perpekto, o ninanais na hugis, hubog, o tabas ng katawan, kapwa para sa pagiging kaakit-akit o kaaya-aya at kadahilanang pangkalusugan. Iba-iba ito sa mga kultura at sa sari-saring mga kapanahunan.

Mga uri ng hugis na katawang panlalaki

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroong tatlong uri ng hugis ng katawan ng lalaki. Ito ang mga sumusunod na mga kategorya: ektomorpo, endomorpo, at mesomorpo. Tinatawag na ektomorpo ang katawan ng isang lalaki kung ito ay mataas at balingkinitan o kaya payat. Kapag endomorpo naman, bilugan ang katawan at may masaganang sukat ng baywang. Samantala, katangian naman ng mesomorpong pangangatawan ang pagiging muskulado at atletiko ng katawan.[3]

Bukod sa mga kauriang nabanggit sa itaas, mayroon ding tinatawag na hugis na pahalang o horisontal at hugis na bertikal, na kilala rin bilang patayo o patindig na ginagamit sa larangan ng pagmomoda at pagsusuot ng mga damit na panlalaki.[4]

Hugis na pahalang

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May kaugnayan ang hugis na pahalang sa dibdib, baywang, at guhit ng balakang, kung saan mahalaga ang magkakaugnay na pagkakapantay-pantay ng bawat isa kaysa sa talagang sukat o laki ng mga ito. Sa pamamagitan nito, napag-aalaman kung ano ang naaangkop na estilo ng damit na nababagay para sa isang lalaki. Bilang karagdagan, nakakaapekto rin sa mungkahing pampananamit ang hugis ng mukha, sukat at haba ng leeg, sukat ng balikat, edad, at iba pang kapansin-pansing mga katangiang pag-aari ng isang lalaki.[4]

Nakapaloob sa hugis na pahalang ang ilan pang mga kategorya ng hugis ng panlalaking katawan: ito ang trapesoid, binaliktad na tatsulok, parihaba, tatsulok, at obal.[4]

Ang hugis trapesoid ang kinikilala bilang perpektong hugis ng katawang panlalaki. Sa ganitong hubog, malawak ang balikat at dibdib, medyo makitid ang baywang at balakang, mas malaki ang pang-itaas na punungkatawan kaysa pang-ibaba, at pantay-pantay ang mga baha-bahagi ng katawan.[4] Sa pangkabuoan, huwaran sa kasalukuyan ang lalaking may mataas, may balanseng bertikal na hugis ng katawan, may punungkatawang trapesoid, at obal ang hugis ng mukha.[5] Sa larangan ng pagmomoda at pananamit, pinakamadaling bihisan ng maraming anumang sari-saring mga estilo ang ganitong tipo ng katawang panlalaki.[4]

Binaliktad na tatsulok
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang katawang panlalaking may hugis binaliktad na tatsulok ay may malawak na balikat at dibdib, maunlad at matipuno ang mga masel ng balikat, bisig at dibdib, makitid ang baywang at balakang, at talagang mas mabigat ang pang-itaas na bahagi ng punungkatawan kaysa pang-ibaba. Nababagay at binabalanse ng mga pantalong tuwid o maluwang ang parteng panghita at ng lapat na lapat na mga tsaketa, kamisadentro, kamiseta, at polo ang ganitong pangangatawan.[4]

Parihaba ang hugis ng katawan ng lalaki kapag magkatulada ang lapad ng dibdib, balakang, at baywang, at tuwid ang hugis ng punungkatawan. Kaugnay ng moda, makakalikha ng ilusyong parang trapesoid ang katawan kapag nagsusuot ng mga damit na nagbibigay-diin sa balikat.[4]

Tatsulok ang hugis ng katawan kapan mabigat ang pang-ibaba, mas makitid ang dibdib kaysa balakang, mas mabigat ang pang-ibabang punungkatawan kaysa pang-itaas, at maaaring nakalawlaw ang guhit ng balikat. Sa pananamit, nababagay sa ganitong katawan ang pagsusuot ng mga damit na nakakalikha ng pananaw na parang mas malawak at mas parisukat ang balikat. Halimbawa nito ang paggamit ng mga sapin o mga pad na pambalikat, at pagdaramit ng mga tsaketa, kamiseta, at kamisadentrong hindi mas maluwang ang pinagtahian ng dugtungan sa may balikat kaysa sulok o tagiliran ng balikat.[4]

Nakikilala rin ang hugis obal na katawang panlalaki bilang ang hugis mansanas na katawan. Sa ganitong uri, mabilog ang pangkabuoang anyo ng katawan at malaki ang puson. Sa pananamit, nababagay ang pagsusuot ng damit na nakalilikhang mas mahaba at mas balingkinitan ang punungkatawan.[4]

Hugis na patindig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Napag-aalaman ang patindig na hugis ng katawan sa pamamagitan ng pagtanaw ng mga proporsyong bertikal ng katawan, o ang paghahambing ng proporsyon ng pang-ibabang bahagi ng katawan sa pang-itaas na bahagi ng katawan. Sinusukat ang buong taas ng isang tao at ang taas o haba ng guhit ng balakang (sirkumperensiya sa palibot ng balakang kung nasaan ang pinakamakapal na bahagi). Sa pananamit, mahalaga ng hugis na patindig para sa pagpili ng haba ng pang-itaas at pang-ibabang mga damit, pati na sa pagpaparagan o hindi pagpaparagan ng pang-itaas na kasuotan. Ginagamit din ang hugis na patindig para sa katawan ng isang babae.[5]

May tatlong uri ang hugis na patindig: hugis na may maiikling mga binti ngunit mahaba ang punungkatawan, hugis na may balanseng katawan, hugis na may mahahabang mga binti subalit maikli ang punungkatawan[5]

Hugis na may maiikling mga binti, mahabang punungkatawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hugis na may maiikling mga binti ngunit mahaba ang punungkatawan, mas maikli ang mga binti kapag inihambing sa pang-itaas na bahagi ng katawan, mas kaunti ang taas ng guhit ng balakang (hangganan ng bilog ng balakang) kaysa taas ng buong katawan, mababa ang baywang (mas mababa ang baywang kaysa ibinaluktot na siko), mahaba ang punungkatawan (may dagdag na timbang sa mga hita at balakang), mababa at mabigat ang puwitan, at mababa ang taas ng buong katawan bagaman may taong maikli ang binti at hita.[5]

Hugis na may balanseng katawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hugis na balanse o pantay ang katawan, halos magkatulad ang taas ng pang-itaas na bahagi ng katawan at ang taas ng pang-ibabang bahagi ng katawan, kalahati ng buong taas ng tao ang taas ng guhit ng balakang, nasa nakabaluktot na siko ang baywang, nasa punungkatawan o kaya sa balakang at mga hita ang timbang ng katawan, bilugan at buo ang puwitan bagaman puwede ring sapad o pisa, pantay ang pagkabalingkinitan ng mga bisig at mga binti, at mababa ang dibdib (partikular ang kababaan ng dibdib sa katawan ng babae).[5]

Hugis na may mahahabang mga binti, maikling punungkatawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa hugis na mahaha ang binti subalit maikli ang punungkatawan, mas mahahaba ang mga binti kung ihahambing sa pang-itaas na bahagi ng katawan, mas mataas ang taas ng guhit ng balakang (yantas o tikop ng palibot ng balakang) kaysa buong taas ng katawan, mataas ang baywang, mas mataas ang balakang kaysa binaluktot na siko, maikli ngunit pantay na punungkatawan, bilugan at mataas ang puwitan, nasa paligid ng baywang ang timbang ng katawan o kaya sa likod ng balakang, mataas ang buong katawan bagaman may mga taong mababa ang taas subalit may maiikling mga binti at mga hita.[5]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Singh D (2007). "An Evolutionary Theory of Female Physical Attractiveness". Psi Chi (sa wikang Ingles). The National Honor Society in Psychology. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-07-05. Nakuha noong 2011-10-09.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Lateral Synovial Joint Loading Explained In Simple English" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-01-26. Nakuha noong 2021-01-31.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Kennard, Jerry. Men and their Bodies Naka-arkibo 2009-09-08 sa Wayback Machine., Body Shape and Men, menshealth.about.com, 29 Agosto 2006
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 4.6 4.7 4.8 Determine Your Horizontal Male Body Shape, style-makeover-hq.com
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 What’s Your Body Shape?, style-makeover-hq.com
[baguhin | baguhin ang wikitext]