Kalinangan

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

Ang kultura o kalinangan sa pangkalahatan ay tumutukoy sa aktibidad ng sangkatauhan. Sa isang payak na kahulugan, ito ang "kaparaanan ng mga tao sa buhay", ibig sabihin ang paraan kung paano gawin ang mga bagay-bagay. Iba't iba ang kahulugan ng kultura na sumasalamin sa iba't ibang mga teoriya sa kaunawaan, o sukatan sa pagpapahalaga, sa aktibidad ng sangkatauhan. Sa iba, ito ang kuro o opinyon ng buong lipunan, na maaaring makita sa kanilang mga salita, aklat at mga sinulat, relihiyon, musika, pananamit, pagluluto, at iba pa. Makikita ang 164 kahulugan ng "kultura" sa isang talaan sa Culture: A Critical Review of Concepts and Definitions[1] (Kultura: Isang Mapanuring Pagrepaso ng mga Konsepto at Kahulugan) nina Alfred Kroeber at Clyde Kluckhohn na nilimbag noong 1952.


Pinagmulan[baguhin]

Ang salitang kultura ay hinango mula sa wikang Latin: na cultura na may literal na kahulugang "kultibasyon" o "paglilinang".[2] Ang kalinangan ay isang katagang may maraming iba't ibang magkakaugnay na mga kahulugan. Subalit, ang salitang ito ay pinaka pangkaraniwang ginagamit sa tatlong payak na mga diwa:

  • Ang pagkakaroon ng matanging panlasa sa mga pinong sining at araling pantao, at tinatawag ding mataas na kalinangan
  • Isang binuong huwaran ng kaalaman, paniniwala, at ugali ng tao na nakabatay sa kakayahan para sa masagisag na pag-iisip at pagkatutuo ng pakikipagkapwa
  • Isang pangkat ng pinagsasaluhang mga ugali, pagpapahalaga, mga layunin, at mga gawain na nagbibigay ng katangian sa isang institusyon o panimulaan, organisasyon, o pangkat.

Nang unang lumitaw ang konsepto o diwa noong ika-18 at ika-19 daantaon sa Europa, may pahiwatig ito bilang isang proseso ng paglilinang ng halaman o pagpapainam, katulad ng agrikultura o hortikultura. Noong ika-19 daantaon, ito ay naging tumutukoy muna sa pag-inam o pagpino o pagdalisay ng isang indibidwal, natatangi na sa pamamagitan ng edukasyon, at pagkaraan ay tumukoy na sa pagsasakatuparan ng nasyonalismo, katulad ng mga adhikain o mga mithiing pambansa. Noong kalagitnaan ng ika-19 daantaon, ilang mga siyentipiko ang gumamit sa katagang "kultura" upang tukuyin ang isang pandaigdigang kakayahan ng tao. Para kay Georg Simmel, isang sosyologong Aleman na hindi positibista, ang kalinangan ay tumutukoy sa "ang paglilinang ng mga indibidwal sa pamamagitan ng ahensiya ng panlabas na mga anyo na dumaan sa obhetipikasyon sa loob ng kurso ng kasaysayan".[3]

Noong ika-20 daantaon, umahon ang "kalinangan" bilang isang diwa na nakapagitna o naging pangunahin sa larangan ng antropolohiya, na nagsasangkot ng lahat ng mga kababalaghan o penomenong pantao na hindi puro mga kinalabasan ng henetika ng tao. Katulad ito ng katagang "kultura" sa antropolohiyang Amerikano na may dalawang kahulugan: (1) ang umunlad na kakahayan ng tao upang uri-uriin at katawanin ang mga karanasan sa pamamagitan ng mga sagisag, at gumalaw na may imahinasyon at malikhain; at (2) ang namumukod-tanging mga kaparaanan ng tao na namumuhay sa iba't ibang mga bahagi ng mundo na nag-uri at kumatawan sa kanilang mga karanasan, at kumilos na ayon sa pagiging malikhain nila. Pagkalipas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang katawagan ay naging napakahalaga, bagaman mayroong dalawang magkaibang mga kahulugan, sa ibang mga disiplinang katulad ng araling pangkalinangan, sikolohiyang organisasyonal, ang sosyolohiya ng kalinangan at araling pampamamahala.

Etimolohiya[baguhin]

Ang etimolohiya ng makabagong katagang "kultura" ay may simulaing klasikal. Sa wikang Ingles, ang salitang "kultura" ay ibinatay sa isang katagang ginamit ni Cicero, mula sa kanyang Tusculanae Disputationes (Tuskulanong Pagmamatuwiran), kung saan siya nagsulat ng paglilinang ng kaluluwa o "cultura animi", kung kaya't gumamit ng isang metapor na pang-agrikultura upang ilarawan ang pag-unlad ng isang kaluluwang makapilosopiya, na naunawaan sa teolohiya bilang isang nag-iisang likas at pinakamataas na maaaring adhikain para sa kaunlarang pantao. Ginamit ni Samuel Pufendorf ang talinghagang ito sa isang makabagong diwa, na may kahalintulad na kahulugan, ngunit hindi na hinihinala na ang pilosopiya ang likas na perpeksiyon ng tao. Ang paggamit na ito ni Pufendorf, at ng iba pang maraming mga manunulat pagkaraan niya, ay may ganitong pagpapaliwanag: na ang kalinangan ay "tumutukoy sa lahat ng mga paraan na ginagamit ng tao upang mapagtagumapayan ang kanilang simulain may barbarismo, at sa pamamagitan ng katalinuhan, karunungan, at kasanayan, ay maging talagang tao".[4]

Ayon sa paglalarawan ni Velkley[4]:

Ang katagang "kalinangan," na sa simula ay nangangahulugang paglilinang ng kaluluwa o isipan, ay nagkamit ng karamihan sa makabagong mga kahulugan nito sa bandang huli magmula sa mga sulatin ng mga mapag-isip na Aleman noong ika-18 daantaon, na sa samu't saring mga antas ay nagpaunlad sa kritisimo ni Rousseau ng modernong liberalismo at Pagpapaliwanag. Kaya't may pagkakaiba sa pagitan ng "kultura" at "kabihasnan" mula sa mga may-akdang ito, kahit na ipinadarama bilang ganyan. Ang dalawang pangunahing mga kahulugan ng kalinangan ay lumitaw magmula sa kapanahunang ito: ang kalinangan bilang isang espiritu ng taumbayan na may natatanging katauhan; at ang kultura bilang paglilinang na papaloob o papunta sa loob ng sarili, o paglilinang ng indibidwalismong malaya. Ang unang kahulugan ay nangingibabaw sa pangkasalukuyang paggamit ng katagang "kultura", bagaman ang pangalawa ay may ginaganapan pa rin na isang malaking gampanin sa naiisip natin bilang kung ano ang dapat makamtan ng kalinangan: ang buong "pagpapadama" ng pagkanatatangi ng "totoo" o "tunay" na sarili.

Mga sanggunian[baguhin]

  1. Kroeber, A. L. and C. Kluckhohn, 1952. Culture: A Critical Review of Concepts and Definitions.
  2. Harper, Douglas (2001). Online Etymology Dictionary
  3. Levine, Donald (patnugot) 'Simmel: On individuality and social forms' Chicago University Press, 1971. pahina 6.
  4. 4.0 4.1 Velkley, Richard (2002). "The Tension in the Beautiful: On Culture and Civilization in Rousseau and German Philosophy". Being after Rousseau: Philosophy and Culture in Question. The University of Chicago Press. pp. 11–30 


Kalinangan Ang lathalaing ito na tungkol sa Kalinangan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.