Pumunta sa nilalaman

Kapatid

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kuya)
isang magkakapatid ng Magbutay Siawingco sa Valenzuela
Ang muling pagkikita ng Magkapatid

Ang kapatid, mula sa salitang-ugat na patid, ay ang ugnayan sa pagitan ng mga anak ng ama at ina (mga magulang) sa loob ng isang mag-anak o pamilya. Katumbas ito ng atid, utol, katoto, manang o kapatid na babae, at manong o kapatid na lalaki.[1][2] Kapag lalaki ang kapatid, tinatawag din itong kaka, manoy, kuya (una o panganay na kapatid na lalaki), diko (pangalawang kapatid na lalaki), sangko (pangatlong kapatid na lalaki)[2] Sa mas malawak na sakop ng kahulugan, tumataguri rin ito sa isang malapit na kaibigan (lalaki man o babae), kaanak, kalipi, kadugo, kasama sa kapatiran (kasama sa praternidad [kapatirang panlalaki] o sororidad [kapatirang pambabae]).[2] Sa ilang mga pahina ng Bibliya, may pagkakataong ginagamit ang katagang kapatid bilang may ibig sabihing "pinsan", ngunit maaari ring maging kasingkahulugan ng "kamag-anakan" at "kababayan", partikular na sa paggamit sa wikang Hebreo at wikang Arameo. Gayundin, ang pariralang "mga kapatid ni Hesus" sa Bibliya ay tumutukoy sa mga pinsan at malalapit na mga kamag-anak ni Hesukristo; ang lahat ng mga kamag-anak o kaya pati na mga kaibigian, sa ganitong diwa, ay "mga kapatid" ngunit hindi "mga kapatid sa dugo".[3] Tinatagurian namang ate ang panganay na kapatid na babae, ditse ang pangalawang kapatid na babae, sanse (hindi siyanse na gamit sa pagluluto) ang pangatlong kapatid na babae.

Hinggil sa iba pang mga kaugnay na salita: hipag ang tawag sa naging "kapatid" na babae (sister-in-law sa Ingles o "kapatid sa batas" ng kasal) dahil sa pagkakakasal nito sa talagang kapatid na lalaki; o inso na nangangahulugang maybahay o asawa ng nakakatandang kapatid na lalaki. Natatawag ding kapatid (kaugnay ng kapatiran) ang isang kasamang babae sa samahan ng mga makapananampalatayang madre. Sa mga bagay, ginagamit ang salitang kapatid kung nais ituring bilang isang babae ang isang bagay, katulad ng pagiging "kapatid na lungsod" (sister city sa Ingles).[2]

Tinatawag na magkapatid ang tambalan ng dalawang anak (maaaring lalaki at babae; maaari ring dalawang lalaki; o kaya dalawang babae) na nagmula sa kanilang mga magulang. Nagiging magkakapatid kung mas higit pa sa dalawa. Tumutukoy ang kinakapatid sa lalaking kapatid sa ama o ina, at maging para sa babaeng kapatid sa ama o ina. Ginagamit din ang tawag na kinakapatid para sa mga naging kapatid dahil sa sakramento ng binyag, kumpil, o matrimonyo, katulad ng kapatid sa binyag, kapatid sa kumpil, o kapatid sa kasal, dahil nagkakaroon ng pag-uugnay o kaugnayan sa mga anak ng nagiging mga ninong at ninang.[1]

Tinatawag namang kapatid sa ina o kapatid sa ama ang mga nagiging kapatid na lalaki o kapatid na babae dahil sa nauna o sumunod na pag-aasawa ng isang ina o ng isang ama.[2] Kapatid na buo ang tawag kung magkapareho ang pinagmulang mga magulang (ina at ama), sapagkat mayroon ngang magkakapatid na sa ama o kaya ina lamang.[4]

thumb|Ang muling pagkikita ng Magkapatid

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "Kapatid, patid, kapatid na babae, kapatid na lalake, kinakapatid, magkapatid, kapatiran, praternidad, sororidad". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 299.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Gaboy, Luciano L. Sibling, Brother, Sister, kapatid, kapatid na lalake, kapatid na babae; hipag, inso; stepbrother, stepsister - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  3. Abriol, Jose C. (2000). "Kapatid, pinsan; mga kapatid, mga kamag-anak, kababayan, kaibigan; hindi mga kapatid sa dugo". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 46, 1450, 1485, at 1699.
  4. Abriol, Jose C. (2000). "Kapatid na buo". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 70.