Pumunta sa nilalaman

Lalagukan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang mansanas ni Adan o umbok sa leeg ng lalaking tao.

Ang gulunggulungan, lalagukan[1] o tatagukan[2] (Ingles: Adam's apple [ Mansanas ni Adan ][3] o laryngeal prominence) ay isang katangiang makikita sa leeg ng tao. Nabubuo ang bukol o umbok sa pamamagitan ng anggulo ng kartilahiyong pangtayroyd na nakapalibot sa larynx o "kahon ng tinig".[4] Prominentia laryngea ang teknikal na pangalan para sa lalagukan.[4]

Mga pagkakaibang pangkasarian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang bukol sa lalamunan ay karaniwang mas nakaumbok sa mga may gulang na mga lalaki kaysa sa mga babae o mga hindi nagbibinatang mga lalaki o nagdadalagang mga babae. Dahil dito sa pagiging mas malaki ng lalagukan ng mga lalaki kaysa mga babae, ito ang dahilan kung bakit mas mababa ang tono ng mga tinig ng kalalakihan.[4] Dapat na alalahanin na ang paglaki ng larynx sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga ang dahilan ng pagpiyok sa mga binatang lalaki, hindi ang mansanas ni Adan. Isa lamang umbok ang mansanas ni Adan ng nakapailalim na kartilahiyo ng thyroid na bumubuo sa pinaka-katawan ng larynx. Iminumungkahi naman din ng ilan na ang dahilan ng pagkakaroon ng umbok na ito na mas malaki sa mga lalaki ay ang dalawang lamina ng kartilahiyong pang-thyroid[4] na nagtatagpo sa isang anggulong 90° sa mga lalaki at bumubuo sa bukol, samantalang ang anggulo ay karaniwang 120° sa mga babae. Subalit ang teoriyang ito ay isa lamang haka-haka kung titingnan na ang katotohanan na ang mga babaeng may malalaking mansanas ni Adan ay walang pagkakaiba mula sa nasa mga lalaki.

Karaniwang itinuturing na isang pangalawang katangiang pangkasarian ng mga kalalakihan ang pagkakaroon ng kapunapunang umbok sa harapan ng leeg, bagaman ito ay mas higit na persepsiyon lamang kaysa anumang bagay na tumuturo sa isang katotohanang maka-agham dahil sa hindi naman lahat ng mga lalaki ang nagkakaroon ng malalaking mansanas ni Adan at mayroon din namang mga ilang kababaihan na may malalaking umbok sa harapan ng leeg.

Ang umbok sa harapan ng leeg ay maaaring bumukol ng higit sa kailangang itsura, at kadalasang ginagamot ito sa pamamagitan ng chondrolaryngoplasty (o thyroid chondroplasty), na isang uri ng operasyong plastiko upang bawasan ang laki ng mansanas-ni-Adan. Hindi isang operasyong walang peligro ang pamamaraang ito sapagkat maaaring maapektuhan ng husto ang tinig at maaari ring makapagdulot ng permanenteng kapinsalaan maging ng kapansin-pansing bakas ng sugat. Maaaring maging bahagi ang operasyong ito sa terapiya sa pagpapalit ng kasangkapang pangkasarian sa mga lalaking-naging-babaeng transhender o mga taong transeksuwal.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Lalagukan". UP Diksiyonaryong Filipino. 2001.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. English, Leo James (1977). "Tatagukan, Adam's apple". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Literal na salin: Mansanas ni Adan
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 Robinson, Victor, pat. (1939). "Adam's Apple". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 16.