Pumunta sa nilalaman

Lambak ng Fergana

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Lambak ng Fergana
Fergana Valley
Farg‘ona vodiysi, Фергана өрөөнү,
водии Фaрғонa, Ферганская долина,
وادی فرغانه
Ang lambak ng Fergana (pinailawan) at ang mga bansang sumasakop nito pagkatapos ng 1991.
Haba300 km (190 mi)
Sukat22,000 km2 (8,500 mi kuw)
Geography
LokasyonKyrgyzstan, Tajikistan, Uzbekistan
Mga koordinado40°54′03″N 71°45′28″E / 40.9008°N 71.7578°E / 40.9008; 71.7578
Mga ilogIlog Syr Darya, mula sa ilog Naryn at Kara Darya

Ang Lambak ng Fergana ay isang lambak sa Gitnang Asya na sumasakop sa silangang bahagi ng Uzbekistan, katimugang Kyrgyzstan, at hilagang Tajikistan.

Ang lambak na ito ay nahahati sa tatlong republika noong panahon ng Unyong Sobyet, at tinitirhan ito ng iba't iba at samu't saring mga lahi, na naging dahilan sa kaguluhan rito noong pagpasok ng ika-21 siglo. Pa-tatsulok ang sakop ng lambak, at makikita ito sa tuyong bahagi ng rehiyon. Ang kasaganahan ng naturang lambak ay dahil sa dalawang ilog na dumadaloy rito, ang ilog Naryn at Kara Darya, kung saan dumadaloy ito mula sa silangan at magkasamang bumubuo sa ilog ng Syr Darya. Mahaba-haba ang kasaysayan ng lambak - mahigit 2,300 taon na simula noong itinatag ni Alejandrong Dakila ang lungsod ng Alehandriang Eskate (Ingles: Alexandria Eschate, lit. na 'Alexandriang Pinakamalayo').

Nakasulat ang ilang mga bayan sa lambak na ito sa mga tanikala mula Tsina, mahigit 2,100 taon na ang nakakalipas. Ito ang nagsisillbing daan sa pagitan ng mga sibilisasyong Griyego, Intsik, Baktriano, at Partano. Ito rin ang tahanan ni Babur, ang nagtatag ng Dinastiyang Mughal, na nagdugtong sa rehiyon sa ngayo'y Apganistan at Timog Asya. Sinakop ng Imperyong Ruso ang lambak noong ika-19 na siglo, at naging bahagi ito Unyong Sobyet noong dekada 1920s. Noong bumagsak ang Unyon noong 1991, lumaya ang tatlong republikang nandito. Dominante ang Muslim sa lugar na ito, at tinitirhan ng mga Uzbek, Tajik, at Kyrgyz, madalas nagkakahalo-halo at sumasalungat sa mga hangganan ng mga bansa ngayon. Marami-rami rin ang mga Ruso, Kashgar, Kipchak, Hudyong Buhara (Bukharian Jews), at Romani (o Gitano) base sa kasaysayan.

Pangunahing industriya pa rin hanggang sa ngayon ang maramihang pagtatanim ng kapok (bulak), na unang ipinakilala ng mga Sobyet, pati na rin ng pagtatanim sa iba't ibang klase ng mga angkak, prutas, at gulay. Mahaba-haba rin ang kasaysayan ng lugar sa pagpaparami ng alaga (stock breeding) at paggawa ng mga gawang-katad (leatherwork). Lumalaki rin ang sektor ng pagmimina, kung saan may mga deposito ng uling (coal) ang lugar, gayundin ng deposito ng bakal (iron), yeso (gypsum), batong asin (rock salt), napta (naphtha), at ilang natukoy na maliliit na mga reserba ng langis.

Maaari ring ibaybay ang Fergana bilang Farghana o Ferghana. Sa ibang mga wika ng rehiyon, ang lambak ay pinangalang:

  • Uzbek: Farg‘ona vodiysi, Фарғона водийси, فەرغانە ۉادىيسى;
  • Kyrgyz: Фергана өрөөнү, Ferğana öröönü, فەرعانا ۅرۅۅنۉ [ɸerɢɑnɑ ørøːny];
  • Tajik: Водии Фарғона, Vodiyi Farğona / Vodiji Farƣona;
  • Ruso: Ферганская долина, Ferganskaja dolina;
  • Persyano: وادی فرغانه‎, Vâdiye Ferqâna;
  • Hindi: फ़रगाना घाटी, Fargānā ġhāțī;
  • Urdu: وادئ فرغانہ‎, Wadiye Firghana;
  • Mandarin: 费尔干纳盆地, Xiao'erjing: فِ عَر قًا نَ پٌ دِ;
  • Dungan: Фыйрганна Пенды

Pisikal na tampok

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Makikita sa mapang ito ng Sarkastan bandang 100 BK. ang lambak ng Fergana (nakabaybay rito bilang "Ferghana").
Makikita sa mapang ito ng Sarkastan bandang 100 BK. ang lambak ng Fergana (nakabaybay rito bilang "Ferghana").

Isang kababawan (depression) sa gitna ng kabundukan ang lambak ng Fergana. Nasa pagitan ito ng kabundukan ng Tien Shan sa hilaga at Gissar-Alai sa timog. Tinatayang 300 kilometro (190 milya) ang haba nito, at umaabot naman ang lawak hanggang 70 kilometro (43 milya). May kabuuang sukat itong 22,000 kilometro kuwadrado (8,500 milya kuwadrado). Dahil sa posisyon nito, itinuturing itong isang hiwalay na sonang heograpikal (geographic zone).[1] Ang kasanagan nito ay dulot ng dalawang ilog na parehong dumadaloy sa lambak - ang Naryn at Kara Darya. Nagkikita ang dalawang ilog na ito malapit sa lungsod ng Namangan sa Uzbekistan para sumama sa ilog ng Syr Darya. Bukod sa kanila, marami pang mga maliliit na tributaryong ilog ang dumadaloy sa lambak, kabilang na ang ilog Sokh. Binababa ng mga ilog na ito mula sa bundok di lamang ang tubig para sa irigasyon sa lugar, kundi pati buhangin, na dinedeposito sa mga pampang ng mga ito, lalong lalo na sa dinadaluyan ng Syr Darya, kung saang hinihiwa nito ang kabundukan ng Khujand-Ajar at binubuo ang naturang lambak. Malaking panganib ang nabubuo nitong mga malalaking kumunoy (quicksand), na sumasakop sa mahigit-kumulang 1,900 km.2 (750 mil.2) sa ilalim ng impluwensiya ng hangin mula sa timog-kanluran.

Ang gitnang bahagi ng kababawang heolohikal (geological depressions) na bumubuo sa naturang lambak ay dahil sa pa-blokeng paglubog (block subsidence), kung saan tinatayang orihinal na umabot ito sa lalim na 6 hanggang 7 kilometro (3.7 hanggang 4.3 milya). Punong-puno ang mga ito ng latak (sediment) na tinatayang may edad na aabot hanggang sa pagitan ng mga panahong Permiko (Permian) at Triasiko (Triassic). Ilan sa mga latak na namuo rito ang mga karbonatong pantubig (marine carbonates) at luwad (clay). Pataas (upthrust) at pausog (overthrust) ang mga bitak (fault) rito. Nakakabuo ng mga deposito ng petrolyo at natural na langis (natural gas) ang mga umbok (anticline) na resulta ng mga bangaang ito, kung saan 52 mga maliit na oil field na ang nadiskubre.[2]

Tuyo at mainit ang klima ng lambak. Umaabot sa 20 °C (68 °F) ang temperatura rito tuwing buwan ng Marso, at biglaan itong tataas 35 °C (95 °F) pagsapit ng mga buwan ng Hunyo, Hulyo, at Agosto. Napakadalang ang pag-ulan sa mga buwan ng Mayo hanggang Setyembre, pero unti-unti itong dadalas pagsapit ng Oktubre. Bumabagsak ang niyebe at namumuo ang andap (frost) rito sa mga buwan ng Disyembre at Enero, kung saan maaaring bumaba ang temperatura sa -20 °C (-4 °F).

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Topography and hydrography of the Ferghana valley" [Topograpiya at agham-tubig ng lambak ng Ferghana] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 28, 2011. Nakuha noong Oktubre 21, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Petroleum Potential of Fergana Intermontane Basin" [Potensyal sa Petrolyo ng Kababawan sa pagitan ng mga bundok sa Fergana]. Geocities. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 27, 2009. Nakuha noong Oktubre 21, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)