Lutuing Mehikano
Ang lutuing Mehikano ay binubuo ng mga pagluluto at tradisyon ng modernong bansa na Mehiko. Lutuing Mesoamerikano ang pinakaugat nito. Nag-uumpisa ang mga sangkap at pamamaraan ng lutuing Mehikano sa mga unang pamayanang agrikultural tulad ng mga Olmeka at Maya na nagdomestika ng mais, nagbuo ng karaniwang proseso ng nistamalisasyon, at nagtatag ng kanilang mga daanan ng pagkain.[2] Nagdala ang sunud-sunod na pagdagsa ng mga iba pang Mesoamerikanong pangkat ng kanilang mga pamamaraan sa pagluluto. Kabilang dito ang: ang mga Teotihuwakano, Tolteka, Huwasteka, Sapoteka, Miksteko, Otomi, Purepetsa, Totonaka, Masateka, Masahuwa, at Nahuwa.
Ngayon, kabilang sa mga pangunahing pagkain na katutubo sa lupain ang mais, pabo, bins, kalabasa, amaranto, chia, abokado, kamatis, tomatillo, kakaw, baynilya, agave, spirulina, kamote, kakto, at sili. Sa paglipas ng mga siglo, nagsanga-sanga ito ng mga rehiyonal na lutuin batay sa mga lokal na kondisyon, kabilang ang Baja Med, Chiapas, Veracruz, Oaxaca, at ang mga lutuing Amerikano na Nuweba Mehikano at Tex-Mex.
Pagkatapos sakupin ng mga Kastila ang imperyong Asteka at sa iba pang bahagi ng Mesoamerika, nagpasok ang mga Kastila ng mga iba pang pagkain, kabilang sa mga pinakamahalaga ang mga karne mula sa alagang hayop (baka, baboy, manok, kambing, at tupa), produktong deyri (lalo na ang keso at gatas), bigas, asukal, langis ng oliba at samu't saring mga prutas at gulay. Ipinasok din ang mga iba't ibang pamamaraan sa pagluto at mga resipi mula sa Espanya sa buong panahon ng pananakop at ng mga imigranteng Kastila na patuloy na dumating pagkatapos ng kalayaan. Mahahalata rin ang impluwensiyang Kastila sa lutuing Mehikano sa mga kumpites nito tulad ng mga: alfajores, alfeniques, borrachitos at churros.
Naipasok din ang impluwensiyang Aprikano noong panahong ito bilang resulta ng pagkaalipin ng mga Aprikano sa Bagong Espanya sa pamamagitan ng kalakalang alipin sa Atlantiko at ng Galeon ng Maynila-Acapulco.[3]
Mahalagang bahagi ng kultura, istrakturang panlipunan at mga sikat na tradisyon ng Mehiko ang lutuing Mehikano. Ang pinakaimportanteng halimbawa nitong koneksiyon ang paggamit ng mole para sa mga espesyal na okasyon at mga pagdiriwang, lalo na sa mga timugan at gitnang bahagi ng bansa. Para sa dahilang ito at sa iba pa, naisama ang tradisyonal na lutuing Mehikano noong 2010 sa Talaang Kumakatawan sa Di-materyal na Pamanang Kultural ng Sangkatauhan ng UNESCO.[4]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 "El mole símbolo de la mexicanidad" (PDF). CONACULTA. Nakuha noong 27 Setyembre 2016.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Civilization.ca - Mystery of the Maya" [Sibilisasyon.ca - Misteryo ng mga Maya]. www.historymuseum.ca (sa wikang Ingles). Nakuha noong 1 Pebrero 2021.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "La cocina del virreinato". CONACULTA. Nakuha noong 13 Enero 2015.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "Traditional Mexican cuisine - ancestral, ongoing community culture, the Michoacán paradigm" [Tradisyonal na lutuing Mehikano - namana, patuloy na kultura ng komunidad, ang paradigma ng Michoacán] (sa wikang Ingles). UNESCO. Nakuha noong 13 Enero 2015.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)