Kamatis
Kamatis | |
---|---|
![]() | |
Kamatis | |
Klasipikasyong pang-agham ![]() | |
Kaharian: | Plantae |
Klado: | Tracheophytes |
Klado: | Angiosperms |
Klado: | Eudicots |
Klado: | Asterids |
Orden: | Solanales |
Pamilya: | Solanaceae |
Sari: | Solanum |
Espesye: | S. lycopersicum
|
Pangalang binomial | |
Solanum lycopersicum | |
Kasingkahulugan | |
Lycopersicon lycopersicum |
Ang kamatis (Solanum lycopersicum) ay ang tawag sa isang uri ng halaman o bunga nito na kulay lunti kung hilaw, subalit nagiging dilaw hanggang pula kung hinog na.[1] Ang bunga nito ay isang nakakaing beri na karaniwang kinakain bilang gulay. Isang miyembro ang kamatis ng pamilyang Solanaceae kasama ng tabako, patatas, at sili. Nagmula ito at nadomestika sa kanlurang Timog Amerika. Ipinakilala ito sa Lumang Mundo ng mga Kastila sa palitang Kolumbiyano noong ika-16 na siglo.
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang malamang na ligaw na ninuno ng kamatis, ang pulang-bungang Solanum pimpinellifolium, ay katutubo sa kanlurang Timog Amerika, kung saan ito marahil unang nadomestika. Marahil, ang nagresultang domestikadong halaman, na ninuno ng mga modernong baryedad ng kamatis na may malalaking bunga, ay ang kamatis seresa, S. lycopersicum var. cerasiforme.[2][3] Subalit, iminumungkahi ng pagsusuring henomiko na maaaring mas masalimuot pa ang proseso ng domestikasyon. Maaaring umiral na ang S. lycopersicum var. cerasiforme bago ito nadomestika, habang ang mga katangiang inaakalang tipikal ng domestication ay maaaring nabawasan sa baryedad na iyon at pagkatapos ay muling napili (sa isang kaso ng ebolusyong komberhente) sa nilinang na kamatis. Hinuhulaan ng pagsusuri na lumitaw ang var. cerasiforme mga 78,000 na ang nakalilipas, habang lumitaw naman ang nilinang na kamatis mga 7,000 taon ang nakalilipas (5,000 BCE). Dahil may malaking kawalan ng katiyakan, hindi tiyak kung paano maaaring nakilahok ang mga tao sa proseso.[4]
Mesoamerika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi tiyak ang eksaktong petsa ng domestikasyon; pagsapit ng 500 BK, itinatanim na ito sa timog Mehiko at marahil sa iba pang mga lugar.[5]:13 Pinaniniwalaan ng mga Puweblo na ang mga buto ng kamatis ay maaaring magbigay ng kapangyarihan ng panghuhula. Ang malaking, bukul-bukol na baryedad ng kamatis, isang mutasyon mula sa isang mas makinis at mas maliit na prutas, ay nagmula sa Mesoamerika, at maaaring direktang ninuno ng ilang modernong nilinang na kamatis.[5]:15
Nagpalaki ang mga Asteka ng iba't ibang uri ng kamatis; xitomatl ang tawag nila sa mga pulang kamatis, at tomatl naman ang tawag nila sa mga berdeng kamatis (tomatilyo).[6] Iniulat ni Bernardino de Sahagún na nakakita siya ng napakaraming uri ng mga kamatis sa palengke ng mga Asteka sa Tenochtitlán (Lungsod ng Mehiko): "malalaking kamatis, maliliit na kamatis, mga dahon ng kamatis, matatamis na kamatis, malalaking kamatis na mala-ahas, mga kamatis na hugis-utong", at mga kamatis sa lahat ng kulay, mula sa pinakamatingkad na pula hanggang sa pinakamalalim na dilaw.[7] Binanggit ni Sahagún na nagluto ang mga Asteka ng iba't ibang sarsa, ang ilan ay may kamatis na may iba't ibang laki, at inihain ang mga ito sa mga palengke ng lungsod: "mga sarsang pampagkain, maiinit na sarsa; ... na may kamatis, ... sarsa ng malalaking kamatis, sarsa ng mga karaniwang kamatis, ..."[8]
Pamamahagi ng mga Kastila
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang pananakop ng Kastilang konkistador na si Hernán Cortés sa Tenochtitlán noong 1521 ay nagpasimula ng malawakang palitan ng kultura at biyolohiya na tinatawag na palitang Kolumbiyano; tiyak na itinatanim na ang kamatis sa Europa ilang taon matapos ang kaganapang iyon.[9] Lumitaw ang pinakaunang pagtatalakay ng kamatis sa panitikang Europeo sa aklat-erbal ni Pietro Andrea Mattioli noong 1544. Iminungkahi niya na may bagong uri ng talong na dinala sa Italya. Sinabi niya na ang kulay nito ay pula ng dugo o ginto kapag hinog, at maaaring hatiin at kainin tulad ng talong—iyon ay, niluluto at tinitimplahan ng asin, paminta, at mantika. Pagkalipas ng sampung taon, tinawag ni Mattioli sa limbag ang mga prutas na pomi d'oro, o "gintong mansanas" sa limbag.[5]:13
Matapos sakupin ng mga Kastila ang Amerika, ipinamahagi nila ang kamatis sa kanilang mga kolonya sa Karibe. Dinala nila ito sa Pilipinas, kung saan kumalat ito sa Timog-silangang Asya at kalaunan, sa buong Asya.[10] Dinala ng mga Kastila ang kamatis sa Europa, kung saan madali itong tumubo sa klimang Mediteraneo; nagsimula ang paglilinang nito noong d. 1540. Malamang na kinain ito hindi nagtagal matapos itong ipakilala, at tiyak na ginamit bilang pagkain noong unang bahagi ng ika-17 siglo sa Espanya, gaya ng naidokumento sa dulang La octava maravilla ni Lope de Vega noong 1618: "mas maganda kaysa sa ... isang kamatis na nasa kapanahunan".[9]
Botanika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Baging ang halamang kamatis, na nagiging dekumbente o may mga sangay na bahagyang gumagapang. Maaari itong lumaki ng hanggang 3 m (9.8 tal), subalit ang mga palumpong na baryedad ay karaniwang hindi lumalampas sa 100 cm (3 tal 3 pul). Malalambot na pangmatagalang halaman ang mga ito, ngunit kadalasang itinatanim bilang taunang halaman.[11][12]
Dikot ang halamang kamatis. Tumutubo ito bilang isang serye ng mga sumasangang tangkay, na may usbong sa dulo na siyang patuloy na lumalaki. Kapag huminto na sa pagtubo ang dulo, dahil man sa pagtatabas o pamumulaklak, ang mga pagilid na usbong ang sumasalo at tumutubo bilang mga bago at ganap na gumaganang baging.[13] Karaniwang pubesente ang baging ng kamatis, ibig sabihin ay natatakpan ng maiikling, pinong buhok. Tinutulungan ng mga buhok ang proseso ng pagbabaging, nagiging mga ugat kung saan man ang halaman ay nakakadikit sa lupa at kahalumigmigan, lalo na kung ang koneksyon ng baging sa orihinal nitong ugat ay nasira o naputol.[14][15] Ang mga dahon ay may habang 10–25 cm (4–10 pul), may gansal na pinada, na may lima hanggang siyam na maliliit na dahon sa mga pesiyolo, kung saan ang bawat maliit na dahon ay may habang hanggang 8 cm (3 pul), na may mga naglalagang gilid; kapwa ang tangkay at dahon ay may makapal na glandular na buhok.[16]
-
Mga punla 7 araw pagkatapos itanim
-
27 araw pagkatapos itanim
-
Bulaklak
-
52-araw na halaman, unang bunga
-
Hilaw na prutas sa baging
Pilohenya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tulad ng patatas, ang mga kamatis ay kabilang sa saring Solanum, isang miyembro ng pamilyang Solanaceae. Isa itong sari-saring pamilya ng mga halamang namumulaklak, na madalas ay may lason, at kinabibilangan ng mandragora (Mandragora), belyadona (Atropa), at tabako (Nicotiana), tulad ng ipinapakita sa balangkas ng punong pilohenetiko (hindi ipinapakita ang ibang mga sangay).[17]
Solanaceae |
| ||||||||||||||||||||||||||||||||||||
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Diksyunaryong Tagalog-Ingles ni Leo James English, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X
- ↑ Lin, Tao; Zhu, Guangtao; Zhang, Junhong; Xu, Xiangyang; Yu, Qinghui; atbp. (12 Oktubre 2014). "Genomic analyses provide insights into the history of tomato breeding" [Ang mga pagsusuring henomiko ay nagbibigay ng kabatiran sa kasaysayan ng pagpapaunlad ng kamatis]. Nature Genetics (sa wikang Ingles). 46 (11): 1220–1226. doi:10.1038/ng.3117. PMID 25305757.
- ↑ Estabrook, Barry (22 Hulyo 2015). "Why Is This Wild, Pea-Sized Tomato So Important?" [Bakit Napakahalaga Itong Ligaw na Kamatis na Kasinglaki ng Gisantes?]. Smithsonian Journeys Quarterly (sa wikang Ingles). Nakuha noong 13 Enero 2020.
- ↑ Razifard, Hamid; atbp. (2020). "Genomic evidence for complex domestication history of the cultivated tomato in Latin America" [Henomikong ebidensiya para sa masalimuot na kasaysayan ng domestikasyon ng nilinang na kamatis sa Amerikang Latino] (PDF). Molecular Biology and Evolution (sa wikang Ingles). 37 (4): 1118–1132. doi:10.1093/molbev/msz297. PMC 7086179. PMID 31912142.
- ↑ 5.0 5.1 5.2 Smith, A. F. (1994). The Tomato in America: Early History, Culture, and Cookery [Ang Kamatis sa Amerika: Maagang Kasaysayan, Kultura, at Pagluluto] (sa wikang Ingles). Columbia, South Carolina: University of South Carolina Press. ISBN 978-1-57003-000-0.
- ↑ Townsend, Richard F. (2000). The Aztecs [Mga Asteka] (sa wikang Ingles). Thames and Hudson. pp. 180–181.
- ↑ Silvertown, J. (2017). Vegetables—Variety. Dinner with Darwin: Food, drink, and evolution [Mga Gulay—Pagkasari-sari. Hapunan kasama si Darwin: Pagkain, inumin, at ebolusyon] (sa wikang Ingles). University of Chicago Press. p. 102.
- ↑ Coe, Sophie D. (2015) [1994]. America's First Cuisines [Mga Unang Lutuin ng Amerika] (sa wikang Ingles). Austin, Texas: University of Texas Press. pp. 108–118. ISBN 978-1477309711.
- ↑ 9.0 9.1 9.2 López-Terrada, Maríaluz. "The History of the Arrival of the Tomato in Europe: An Initial Overview" [Ang Kasaysayan ng Pagdating ng Kamatis sa Europa: Isang Paunang Pangkalahatang-ideya] (PDF). Traditom (sa wikang Ingles). Nakuha noong 9 Oktubre 2024.
- ↑ Hancock, James F. (2022). "Dispersal of New World Crops into the Old World" [Pagpapakalat ng mga Pananim ng Bagong Mundo sa Lumang Mundo]. World Agriculture Before and After 1492 [Pandaigdigang Agrikultura Bago at Pagkatapos ng 1492] (sa wikang Ingles). Cham: Springer International Publishing. pp. 111–133. doi:10.1007/978-3-031-15523-9_9. ISBN 978-3-031-15522-2.
- ↑ "Solanum lycopersicum" (sa wikang Ingles). Missouri Botanical Garden. Nakuha noong 22 Oktubre 2024.
- ↑ "Solanum lycopersicon L." SEINet (sa wikang Ingles). Nakuha noong 22 Oktubre 2024.
- ↑ Peet, M. "Crop Profiles – Tomato" [Mga Perpil ng Pananim – Kamatis] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Nobyembre 2009. Nakuha noong 27 Oktubre 2008.
- ↑ "Solanum lycopersicum" (sa wikang Ingles). Singapore National Parks. Nakuha noong 9 Oktubre 2024.
- ↑ "Solanum lycopersicum: tomato" [Solanum lycopersicum: kamatis] (sa wikang Ingles). Royal Horticultural Society. Nakuha noong 9 Oktubre 2024.
- ↑ "Solanum lycopersicum". North Carolina Extension Gardener Plant Toolbox. Nakuha noong 9 Oktubre 2024.
- ↑ Olmstead, Richard G., et al. "Phylogeny and provisional classification of the Solanaceae based on chloroplast DNA." [Pilohenya at pansamantalang pag-uuri ng Solanaceae batay sa DNA ng kloroplasto] (sa wikang Ingles). Solanaceae IV 1.1 (1999): 1-137. https://www.researchgate.net/profile/Tharindu-Ranasinghe-2/post/Is-there-a-complete-phylogenetic-description-of-the-Solanaceae-family/attachment/59d63db579197b807799a764/AS%3A421051545735172%401477397919618/download/PHYLOGENY+AND+PROVISIONAL+CLASSIFICATION+OF+THE+SOLANACEAE+BASED+ON+CHLOROPLAST+DNA.pdf