Mangga


Ang mangga ay isang chupa-drupa na naluluwal mula sa maraming uri ng tropikal na puno na kabilang sa sari ng halamang namumulaklak na Mangifera, na halos palaging nililinang para sa kani-kanilang mga nakakain na prutas. Matatagpuan ang karamihan ng mga uri nito sa kalikasan bilang mailap na mangga. Kabilang ang sari sa pamilya ng kasoy, Anacardiaceae. Katutubo ang mga mangga sa Timog Asya,[1][2] kung saan ang "common mango" ("karaniwang mangga") o "Indian mango" ("manggang Indiyano"), Mangifera indica, ay naipamahagi sa buong mundo upang maging isa sa mga pinakanililinang na prutas sa tropiko. Pinatutubo ang mga ibang uri sa Mangifera (hal. horse mango, Mangifera foetida) sa mas lokal na batayan.
Sa buong mundo, mayroong daan-daang kultibar ng mangga. Depende sa kultibar, iba-iba ang mga sumusunod na katangian ng mangga: laki, hugis, tamis, kulay ng balat, at kulay ng laman na maaaring maging dilaw, ginto, o kahel.[1] Ang mangga ay ang pambansang prutas ng India, at ang pambansang puno ng Bangladesh.[3]
Paglalarawan
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang mga puno ng mangga ay tumataas nang 30–40 m (98–131 tal), at 10–15 m (33–49 tal) ang radius ng korona (crown radius) nito. Nabubuhay ang mga puno nang matagal; ang ilan sa mga ispesimen ay namumunga pa rin pagkatapos ng 300 taon.[4] Sa malalim na lupa, bumababa ang punong-ugat nang hanggang 6 m (20 ft), na may napakaraming at kalat na kalat na ugat na pangkain (feeder root) at ugat na angkla (anchor root) na tumatagos nang malalim sa lupa.[1] Ang mga dahon ay laging-lunti, naghahalili, payak, 15–35 cm (5.9–13.8 in) sa haba, and 6–16 cm (2.4–6.3 in) sa lapad; kapag bata pa ang mga dahon, kahel-rosas ang mga ito, na nagbabago agad para maging matingkad at makintab na pula, tapos matingkad na berde habang tumatanda.[1] Namumulaklak ang puno sa mga terminal panicle na may habang 10–40 cm (3.9–15.7 in); ang bawat bulaklak ay maliit at puti na may limang talutot na may habang 5–10 mm (0.20–0.39 in), na may banayad at mabangong amoy.[1] Kilala ang higit sa 500 uri ng mangga,[1] karamihan dito ay humihinog sa tag-init, habang ang mga iba ay humihinog nang dalawang beses sa isang taon.[5] Ang pamumulaklak hanggang pagkahinog ng prutas ay tumatagal nang apat hanggang limang buwan.[1]
Nag-iiba-iba ang hinog na prutas ayon sa kultibar sa laki, hugis, kulay, tamis, at kalidad kapag kinain.[1] Depende sa kultibar, maaaring maging dilaw, kahel, pula, o berde ang kulay ng prutas.[1] Ang prutas ay may iisang patag, pahabang buto na maaaring mahibla o mabuhok sa ibabaw, at hindi madaling ihiwalay sa sapal.[1] Ang hugis ng prutas ay maaaring pabilog, hugis-itlog, o hugis-bato, na may 5–25 sentimetro (2–10 in) sa haba at 140 gramo (5 oz) hanggang 2 kilogramo (5 lb) sa timbang sa bawat indibidwal na prutas.[1] Ang balat nito ay malakatad, mapagkit, makinis, at mabango, na may kulay na maaaring berde, dilaw, dilaw-kahel, dilaw-pula, o may kasamang kakulay ng pula, lila, rosas, o dilaw kapag hinog na hinog na.[1]
Katangi-tanging malasahing at mabango ang amoy ng mga manggang hinog at buo.[1] Sa loob ng buto na may kapal na 1–2 mm (0.039–0.079 in) ay isang manipis na sapin na nagtatakip sa isang binhi na may 4–7 cm (1.6–2.8 in) sa haba. Ang mga mangga ay may mga binhing mapagmatigas (recalcitrant seeds) na hindi na nabubuhay kapag pinayelo o pinatuyo.[6] Tumutubo kaagad ang mga puno ng mangga mula sa mga binhi. Pinakamataas ang tagumpay ng pagtutubo kapag nakuha ang mga binhi sa mga hinog na prutas.[1]
Sibika at Kultura
[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang mangga ay ang pambansang prutas ng India.[7][8] Ito rin ang pambansang puno ng Bangladesh.[9][10] Sa India, ang pag-aani at pagbebenta ng mangga ay karaniwang ginagawa mula Marso hanggang Mayo, at taun-taon itong binabalita ng mga ahensya ng balita.[11]
May tradisyunal na kahalagahan ang mangga sa kultura ng Timog Asya. Sa kanyang mga kautusan, binanggit ng emperador na Maurya na si Ashoka ang pagtatanim ng mga punong namumunga at nagbibigay-lilim sa tabi ng mga imperyal na daan:
"Sa mga kalsada ay pinapagtanim ko ang mga punong banyan upang magbigay-lilim sa mga hayop at tao, at pinapagtanim din ang mga halamanan ng mangga."
Noong Gitnang Panahon sa India, tinawag ng makatang Indo-Persian na si Amir Khusrau ang mangga na "Naghza Tarin Mewa Hindustan" – "ang pinakamagandang prutas ng Hindustan". Kinagigiliwan ang mangga sa korte ng Sultan ng Delhi na si Alauddin Khijli. Lalo namang minahal ng Imperyong Mughal ang prutas: pinuri ni Babur ang mangga sa kanyang Babarnameh. Samantala, sinimulan ni Sher Shah Suri ang pagpaparami ng uri na Chaunsa matapos niyang talunin ang emperador na si Humayun. Ang pagtangkilik ng mga Mughal sa paghahalaman ay nagbunga ng pagbuo ng libo-libong uri ng mangga, kabilang ang tanyag na Totapuri, na siyang unang uri na iniluwas sa Iran at Gitnang Asya.[kailangan ng sanggunian] Sinasabing si Akbar (1556 – 1605) ay nagtanim ng taniman ng mangga na may 100,000 puno malapit sa Darbhanga, Bihar,[12] habang ipinag-utos nina Jahangir at Shah Jahan ang pagtatanim ng mga halamanan ng mangga sa Lahore at Delhi at ang paglikha ng mga panghimagas na gawa sa mangga.[13]
Ang diyosang Jain na si Ambika ay karaniwang inilalarawan na nakaupo sa ilalim ng punong mangga.[14] Ginagamit din ang mga bulaklak ng mangga sa pagsamba sa diyosang si Saraswati. Ang mga dahon ng mangga ay isinasabit sa mga arko at pintuan ng mga bahay sa India tuwing kasal at mga pagdiriwang tulad ng Ganesh Chaturthi. Ang mga disenyo ng mangga at paisley ay malawakang ginagamit sa iba’t ibang estilo ng pagbuburda sa India, at makikita sa mga alampay ng Kashmir at sa mga sutlang Kanchipuram at mga saree. Sa Tamil Nadu, ang mangga ay itinuturing na isa sa tatlong maharlikang prutas, kasama ang banana at jackfruit, dahil sa kanilang tamis at lasa.[15] Ang tatlong prutas na ito ay tinatawag na ma-pala-vazhai. Pinuri rin ng klasikong makatang Sanskrit na si Kalidasa ang mangga.[16]
Naging paksa rin ang mangga ng mango cult sa Tsina noong panahon ng Cultural Revolution bilang simbolo ng pagmamahal ni Tagapangulong Mao Zedong sa mga tao.[17]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 Morton, Julia Frances (1987). Mango. In: Fruits of Warm Climates [Mangga. Sa: Mga Prutas ng Maiinit na Klima] (sa wikang Ingles). NewCROP, New Crop Resource Online Program, Center for New Crops & Plant Products, Purdue University. pp. 221–239. ISBN 978-0-9610184-1-2.
- ↑ Kostermans, AJHG; Bompard, JM (1993). The Mangoes: Their Botany, Nomenclature, Horticulture and Utilization [Ang Mga Mangga: Kanilang Botanika, Nomenklatura, Hortikultura at Paggamit] (sa wikang Ingles). Academic Press. ISBN 978-0-12-421920-5.
- ↑ "Mango tree, national tree" [Puno ng mangga, pambansang puno] (sa wikang Ingles). Nobyembre 15, 2010. Nakuha noong Nobyembre 16, 2013.
- ↑ "Mango" [Mangga]. California Rare Fruit Growers (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-10-19. Nakuha noong Nobyembre 4, 2015.
- ↑ "Mango (Mangifera indica) varieties" [Mga baryante ng mangga (mangifera indica)]. toptropicals.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 2, 2014.
- ↑ Marcos-Filho, Julio. "Physiology of Recalcitrant Seeds" [Pisyolohiya ng mga Binhing Mapagmatigas] (PDF) (sa wikang Ingles). Ohio State University. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Enero 24, 2014. Nakuha noong Disyembre 3, 2014.
- ↑ "National Fruit". Know India. Government of India. Inarkibo mula sa orihinal noong 20 August 2010. Nakuha noong 17 August 2010.
- ↑ "National Fruit". Inarkibo mula sa orihinal noong 20 April 2020. Nakuha noong 4 November 2015.
{{cite web}}: line feed karakter in|title=at position 9 () - ↑ "Mango tree, national tree". BDnews24.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 23 December 2010. Nakuha noong 16 November 2010.
- ↑ Com, Bdnews24. "Mango tree, national tree". bdnews24.com.
{{cite web}}: line feed karakter in|title=at position 6 ()CS1 maint: numeric names: authors list (link) - ↑ Jonathan Allen (10 May 2006). "Mango Mania in India". The New York Times. Nakuha noong 4 September 2013.
- ↑ Curtis Morgan (22 June 1995). "The Nation Is Discovering What South Floridans Have Long Known: Mango Is the Sexiest Fruit on Earth". Food. The Miami Herald. p. 1E.
Mango culture owes much to Akbar, emperor of India's Mogul conquerors from 1556 to 1605, who planted an orchard of 100,000 trees near Darbhanga in Eastern India.
- ↑ Sen, Upala (June 2017). "Peeling the Emperor of Fruits". The Telegraph (India).
{{cite web}}: line feed karakter in|title=at position 8 () - ↑ "Ambika In Jaina Art And Literature" – sa pamamagitan ni/ng exoticindiaart.com.
{{cite web}}: line feed karakter in|title=at position 7 () - ↑ Subrahmanian N, Hikosaka S, Samuel GJ (1997). Tamil social history. p. 88. Nakuha noong 23 March 2010.
- ↑ "His highness, Mango maharaja: An endless obsession – Yahoo! Lifestyle India". Yahoo!. 29 May 2012. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 March 2013. Nakuha noong 14 June 2013.
- ↑ Moore, Malcolm (7 March 2013). "How China came to worship the mango during the Cultural Revolution". The Daily Telegraph. Additional reporting by Valentina Luo. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 January 2022. Nakuha noong 28 September 2015.