Pumunta sa nilalaman

Mga wikang Ingles sa mundo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang mga wikang Ingles sa daigdig o mga wikang Ingles sa mundo (Ingles: World Englishes) ay isang natatanging pagpapalagay tungkol sa paggalaw at paggamit ng wikang Ingles sa iba’t ibang kultura at bahagi ng mundo. Ang paradigmong ito ay ipinresenta ni Braj A. Kachru, isang propesor ng linggwistika sa Unibersidad ng Illinois, upang ipaliwanag ang pagbabagong nagaganap sa wikang Ingles bilang isang wika ng globalisasyon.

Ipinagpapalagay ng paradigmong ito na mayroong paglilipat ng sentro ng wikang Ingles mula sa mga bansa kung saan umusbong ang Ingles patungo sa mga bansang nasa proseso ng paggamit nito. Inilarawan ni Kachru ang ideyang ito sa pamamagitan ng konsepto ng plurisentrisidad, kung saan ang wikang tinututunan ay yumayabong hindi lamang sa demograpikal na lebel, kundi sumasalamin din sa kultura, literatura, at wika ng natututo nito.

Ibinase ni Kachru sa diaspora ng mga tagapagsalita ng Ingles ang pagkalat ng wikang Ingles sa buong mundo. Ang unang yugto ay ipinalagay na naganap noong lumalaki ang teritoryo ng mga Ingles sa Britanya. Ang ikalawang yugto naman ay noong nagpatungong Amerika, Australia at iba pang mga bansa ang mga Ingles. Ang ikatlong yugto o Raj phase naman ay ang pagkalat ng mga bagong anyo ng Ingles mula sa mga naunang mga yugto na. Ikinategorya rin ni Kachru ang mga bansang gumagamit ng Ingles at tagapagsalita ng Ingles sa tatlong magkakasentrong bilog: sa nakapaloob na bilog kabilang ang mga katutubong tagapagsalita ng Ingles katulad ng Estados Unidos, Nagkakasiang Kaharian, Canada, Australia, atbp. Kabilang naman sa panglabas na bilog ang mga bansang tagapagsalita ng Ingles bilang pangalawang lenggwahe (English as a Second Language speakers) katulad ng India, Singapore, Timog Aprika, Pilipinas, atbp. Sa lumalaking bilog naman kabilang ang mga bansang tagapagsalita ng Ingles bilang banyagang lenggwahe (English as a Foreign Language speakers) katulad ng Tsina, Hapon, Korea, Saudi Arabia, atbp.

May dalawang proseso ng pagbabagong nagaganap sa wikang Ingles ayon sa paradigmong ito. Ang una ay tinatawag na Englishization na naglalarawan sa pagbabagong pinasisimulan ng wikang Ingles sa iba pang mga wika ng mundo. Ang pangalawa ay ang pinagsamang proseso ng nativization (natibisasyon o pagsasakatutubo) at acculturation (akulturasyon), kung saan inilalarawan ang pagbabagong anyo ng mga lokalisadong uri ng Ingles na bunga ng paggamit ng kulturang lokal sa wikang ito.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Kachru, Braj A. "World Englishes: Agony and Ecstacy." Journal of Aesthetic Edition 30. 2 (1996): 135-155.