Modelong Tiebout
Ang modelong Tiebout ay isang modelo o kaya'y teorya sa pag-aaral ng ekonomika na nilikha ng bantog na ekonomistang si Charles Tiebout sa kanyang artikulong pinamagatang "A Pure Theory of Local Expenditures" (Isang Purong Teorya ng mga Lokal na mga Gastos) noong taong 1956. Isinasaad ng kaisipang ito na ang mga mamamayan ay may kakayanan bumoto para sa nais nilang uri ng pamahalaan sa dalawang paraan - ang una bilang pagboto tuwing nagkakaroon ng halalan at ang pangalawa bilang paggamit ng kanilang paa. Ang ikalawang paraan ang siyang diwa ng teorya ni Tiebout.
Sa normal na lipunan, iniisip na ang mga tao ay titira sa isang lugar at siyang pipili ng gobyernong mamamahala dito. Sa modelong Tiebout model ay baliktad ito. Ang mga tao daw ay susuriin muna ang mga gobyerno ng iba't-ibang local na pamayanan, ang kanilang mga kakayanan at ang kanilang mga proyekto at doon magdedesisyon kung saan maninirahan. Ang kanilang titirhang pamayanan ay iyong tumutugma sa kanilang kagustuhan. Kung sakaling sila ay nakatira na sa isang lugar na hindi tugma sa kanilang kursunadang mga bagay ay doon lilipat at maghahanap ng angkop na pamayanan at gobyerno.
Nakasaad sa teorya ni Tiebout na dahilan sa pangyayaring ito ay nagbibigay-daan para mapababa ang gastos ng gobyerno sa mga proyekto nila dahil lahat ng mamamayan ay handa magbigay ng kani-kanilang ambag, kahit pa ito'y sa pamamagitan ng mataas na antas ng buwis, para lang matamo ang kanilang mga kagustuhan. Ang sino mang hindi pumapayag sa halaga ng kanilang babayaran ay pwedeng-pwede umalis patungo sa mas angkop na pamayanan.
Ang modelong ito ay nilikha sa ilalim ng mga palagay na ang sumusunod ay totoo:
- Maraming pamayanan na puwedeng pagpilian.
- Ang lahat ng pangkat ng kagustuhan ng mamamayan ay may katumbas na isang gobyernong kaya magbigay nito.
- Lahat ng impormasyon ukol sa paktora sa pagpili ng komunidad ay ganap at alam ng mga tao.
- Walang gastos na dala ng paglilipat ng tahanan; kaya ng lahat ng tao lumipat kahit kailan nila gustuhin.
Ang kaisipang ito ay paminsan-minsan tinatawag din na palagay ni Tiebout hypothesis at paglipat na Tiebout. Ito ay madalas din inihahalintulad sa konseptong paboto sa paa o foot voting.