Pumunta sa nilalaman

Padron:UnangPahinaArtikulo/Roma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Roma ay ang punong-lungsod ng bansang Italya at isang espesyal na komuna ng bansa (pinangalanang Comune di Roma Capitale, "Ang Komuna ng Punong Lungsod ng Roma"). Nagsisilbi rin itong punong-lungsod ng rehiyon ng Lazio. Tatlong milenyo nang tinitirhan ito ng mga tao, simula noong unang itinatag ito, ayon sa tradisyon, noong 753 BK. Matatagpuan ito sa mga ilog Tiber at Aniene, malapit sa Dagat Mediteraneo. Makikita sa loob nito ang Lungsod ng Vaticano, isang malayang bansang kinikilala ng mundo, at nagsisilbing punong himpilan ng Simbahang Katolika at ang tirahan ng Santo Papa. Ang Roma ay ang pinakamalaking lungsod sa Italya at isa rin sa mga pinakamalalaki sa Europa, na may lawak ng 1290 kilometro kuwadrado. Ito ang sentro ng Kalakhang Lungsod ng Roma, na may populasyon ng 4,355,725 naninirahan, at may katayuan bilang ang pinakamataong kalakhang lungsod sa Italya. May KGK ito ng €75 bilyon—higit na mataas pa sa Bagong Zeeland at katumbas ng Singapore—noong taong 2001. Ibinubunga ng bayan ng Roma ang 6.5% ng pangkalahatang KGK ng Italya, ang pinakamalaking halaga sa lahat ng lungsod ng bansa. Umaabot ang kasaysayan ng lungsod nang 2800 taon, kung kailan ito ay naging himpilan ng sinaunang Roma (Kahariang Romano, Republikang Romano, at Imperyong Romano), at sunod ng Estadong Papal, Kaharian ng Italya, at ngayon ng Republikang Italyano.