Pumunta sa nilalaman

Pagguhit

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Madame Palmyre with Her Dog (Ginang Palymre kasama ang Kanyang Aso), 1897. Guhit ni Henri de Toulouse-Lautrec

Ang pagguhit ay isang anyo ng sining-biswal kung saan gumagamit ang isang tao ng iba't ibang instrumento sa pagguhit para mag-marka sa isang patag na medyum. Kabilang sa mga instrumentong nabanggit ay ang grapayt na lapis, pluma at tinta, pinsel, makukulay na lapis, krayola, uling, tisa, pastel, iba't ibang uri ng pambura, mga pang-marka, stylus, iba't ibang kagamitan (tulad ng silverpoint), at de-kuryenteng pagguhit. Ang digital drawing pagguhit na dihital ay isa ring paraan ng pagguhit sa software na grapiko gamit ang kompyuter. Ang mga karaniwang paraan ng digital drawing ay gumagamit stylus o daliri sa touchscreen ng gadyet, stylus o daliri sa touchpad, o sa ilang mga kaso, maaari rin ang mouse. Marami ang mga sining dihital na mga programa at mga kagamitan.

Ang isang taong gumagawa ng teknikal na pagguhit ay maaaring tawaging isang dibuhante (sa wikang Ingles, drafter, draftsman, o draughtsman). Ang isang instrumento sa pagguhit ay naglalabas ng materyal na nag-iiwan ng malinaw na marka. Ang pinakamadalas gamiting medyum ay papel, ngunit maaari ring gumamit ng ibang materyales gaya ng karton, plastik, katad, kanbas, at tabla. Ang mga pansamantalang dibuho ay maaaring iguhit sa isang pisara o whiteboard o sa halos kahit ano. Ang medyum na ito ay naging isang tanyag at mahalagang paraan ng pampublikong paglalahad sa kasaysayan ng tao. Isa ito sa pinaka-simple at pinaka-mabisang paraan para magbigay ng mga biswal na ideya. Dahil madali lang makahagilap ng mga instrumento sa pagguhit, isa ito sa mga pinaka-laganap na kasiningan.

Ang pagguhit ay isa sa mga pangunahing anyo ng sining biswal. Ito ay karaniwang tumutukoy sa pagmamarka ng mga linya at iba't ibang bahagi ng tono ng kulay sa papel, na kung saan ang tamang representasyon ng biswal na mundo ay ipinapakita sa isang patag na medyum. Ang mga tradisyonal na guhit ay isang kulay (monochrome) o kaya'y may kaunting kulay lamang, samantalang ang mga modernong lapis na may kulay na mga guhit ay maaaring lumapit o lumagpas sa hangganan sa pagitan ng pagguhit at pagpinta. Sa terminolohiyang Kanluran, ang pagguhit ay kaiba sa pagpinta, kahit na ang parehong mga medyum ang karaniwang ginagamit sa parehong gawain. Ang mga tuyong medyum, karaniwang may kinalaman sa pagguhit katulad ng yeso, ay maaring gamitin sa mga pintang pastel. Ang pagguhit ay maaring gawin gamit ang isang likidong medyum sa pamamagitan ng mga pinsel o pluma. Ang katulad na mga pangsuporta ay maaring gamitin sa pareho: ang pagpinta ay karaniwang tumutukoy sa paglalagay ng likidong pintura sa isang nakahandang kanbas o mga panel, ngunit kung minsan ang isang underdrawing ay una munang ginuguhit sa pangsuportang ginamit.

Ang pagguhit ay kadalasang may halong pang-iimbestiga, na may diin sa obserbasyon, pagresolba sa mga problema at komposisyon. Ang pagguhit ay regular ding ginagamit para sa paghahanda ng isang pinta, na lalo pang pinapalabo ang kanilang pagkakaiba sa isa't isa. Ang mga guhit na nagawa para sa mga kagamitan na ito ay tinatawag na mga pag-aaral sa larangan ng sining.‎