Pumunta sa nilalaman

Pagkakaiba sa pagitan ng mga paruparo at mga gamugamo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Larawan ng mga paruparo, gamugamo, mga uod at mga bahay-uod.
Larawan ng isang gamugamo.
Larawan ng isang paruparo.

Isa sa mga pinakakaraniwang klasipikasyon ng Lepidoptera ay tumatalakay sa pagkakaiba ng mga insektong ito: ang pagkakaiba ng mga paruparo (Ingles: butterfly) at gamugamo (Ingles: moth). Natural na may iisang pinanggalingang ninuno ang mga paruparo. Madalas na ibinibigay sa kanila ang suborden na Rhopalocera, samantalang madalas naman nailalagay sa subordeng Heterocera ang mga gamugamo.

Habang bumubuo ang mga paruparo ng isang grupong may iisa lamang na ninuno, ang mga gamugamo namang bumubuo sa natitirang bahagi ng ordeng Lepidoptera, ay hindi. Nagkaroon na ng maraming mga pagtatangka na pag-isahin ang mga pamilya ng Lepidoptera sa natural na mga klase, ngunit karamihan sa kanila'y sa huli ri'y nabibigo dahil ang isa sa dalawang mga grupong sumusunod ay hindi naman nag-uugat mula sa iisang ninuno: Microlepidoptera at Macrolepidoptera, Heterocera at Rhopalocera, Jugatae at Frenatae, at Monotrysia at Ditrysia.

Kahit na hindi tiyak ang mga panuntunan sa pagkilala sa mga grupong ito, isa sa mga pinakamabisang panuntunan ay ang pag-alala sa alituntuning ang mga paruparo ay may mapapayat na mga antena, at may mga maliliit na mga "bola" sa dulo ng mga ito (ngunit may isa na taliwas sa alituntuning ito). Ang antena ng mga gamugamo ay iba-iba, ngunit kalimita'y wala sa kanila ang mga "bola" na ito.

Pisikal na pagkakaiba

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hugis at itsura ng sungay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga paruparo ang may manipis, payat at balingkinitang antena na may tila-batutang dulo. Sa kabila, karaniwang may mga malasuklay o mabalahibong antena naman ang mga gamugamo at walang bukol sa dulo.

Itsura ng mga pakpak

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga gamugamo ang may frenulum o sungay na bumabangon mula sa panlikod na pakpak na nakikitambal sa mga tulis sa ibabaw ng pangharap na pakpak. Mapapansin lamang ang frenulum kung tatanganan ang halimbawang insekto. May ilang mga mga gamugamo na may hugis-lobong bahagi sa pangunahing pakpak, tinatawag na jugum, na nakatutulong sa pagtatambal sa panlikod na pakpak. Walang ganitong mga istruktura ang mga paruparo.

Karamihan sa mga paruparo ang magkaroon ng mga matitingkad na mga kulay sa kanilang mga pakpak. Pangkaraniwan naman sa mga pang-gabing gamugamo ang may kulay-kalawang, abuhin, puti o itim na mga pakpak, na kadalasang malabong padron ng mga zigzag o paikot na guhit. Nakatutulong ang mga guhit na ito sa pagtatago habang namamahinga tuwing umaga. Subalit mayroon din namang mga gamugamong lumilipad sa araw na may mga pakpak na nabahiran ng mga matitingkad na kulay, at kadalasang nakalalason. May ilan-ilan din namang mga paruparong payak lamang ang mga kulay ng pakpak.

Bahay-higad o pyupa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga anak na higad ng mga gamugamo ang nagpapainog ng mga cocoon o balot na yari sa sutla (seda), kung saan sa loob ng balot na ito sila natutulog para magbagong-anyo (metamorposis) at maging ganap na may-gulang na gamugamo. Sa kabilang banda, karamihan sa mga paruparo ang bumubuo ng nakalitaw o walang balot na pyupa (nahimhimbing na higad), na tinatawag na krisalis (Ingles: chrysalis).

Pagkakaiba sa kanilang mga kilos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Oras ng aktibidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga gamugamo ay gising sa gabi o 'di kaya'y sa dapit-hapon, samantalang ang mga paruparo nama'y madalas aktibo tuwing kaumagahan. Ngunit mayroon ding mga taliwas sa kanila, lalo na ang mga insektong nabibilang sa pamilyang Uraniidae, kung saan ang iba'y aktibo sa umaga't ang iba nama'y aktibo sa kinagabihan.

Tikas sa pamamahinga

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karaniwan sa mga gamugamo ang namamahinga na ang pakpak ay nakabukang nakalatag at nakaunat. Samantalang kadalasang nakatiklop sa ibabaw ng likuran ang sa mga paruparo kung nakadapo, datapuwa't paminsanminsang bubuklatin para ibilad at ilantad ang mga pakpak nang panandalian. Saubalit mayroon pa ring mga ilang paruparong inilalatag o isinasara ang mga pakpak o maging ang pagtitigil sa tila-nakahandang-lumipad na posisyon kung nakadapo.

Karamihan sa mga gamugamo ang nakagawiang tiklupin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng likuran kung nakalagak sila sa isang pook, katulad kung walang sapat na espasyo upang maibuka ang kanilang mga pakpak. Isa sa mga nakalilitong pamilya ng gamugamo ay ang Geometridae katulad ng Pang-taglamig na gamugamo (Ingles: Winter moth) sapagkat karaniwang ipinapahinga ng mga gamugamong may sapat na gulang ang kanilang pakpak sa posisyong nakatindig. May mga payat na katawan at malalaking pakpak ang mga gamugamong ito (katulad ng mga paruparo) subalit maaaring makilala at madaling ibukod kung susuriin ang pagkakaiba ng kanilang mga sungay.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]