Pumunta sa nilalaman

Pagkalulong sa bawal na gamot

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pagkakalulong sa bawal na gamot)
Isang taong gumagamit ng bawal na gamot sa pamamagitan ng paghitit o paglanghap nito.

Ang pagkalulong sa bawal na gamot o drugadiksiyon ay ang pagkakaroon ng pagkahumaling, pagkaadik, o adiksiyon ng isang tao sa mga pinagbabawal na gamot. Isa itong uri ng katayuan o karamdaman na mahirap tanggalin at iwasan ng isang taong nasa ganito nang kalagayan, o ng taong nagumon na sa pagkasanay sa paggamit ng ganitong mga uri ng gamot; sapagkat matindi na ang kanyang pagkasugapa o pagkahumaling sa masasamang mga gamot o bisyo. Maaaring isang biktima ang taong adik o adikto ng pangangalakal ng mga ito, o dahil na rin sa kanyang sariling pagpapasyang dala ng hindi makayanang mga suliranin o katayuan sa buhay.[1][2]

Epekto sa tao

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nakapagdudulot ang bawal na gamot ng pansamantalang ginhawa at pag-inam ng pakiramdam sa tao dahil sa epekto ng gamot na ito sa panggitnang sistema ng nerbiyos ng katawan. Ngunit nasusundan ang kaginhawahang ito o pakiramdaman ng ganting-kilos o tugon o reaksiyon mula sa sistema ng nerbiyos, na kinabibilangan ng pagkalungkot o depresyon, o kawalan ng kaginhawahan at hindi mapakali. Dahil sa reaksiyong ito, nabubuo o nahuhubog ang patuloy na paggamit ng bawal na gamot na nagiging isa nang siklo o pag-uulit at panay na paggamit.[1]

Sa kalaunan, naaapektuhan ang sistemang panunaw ng tao, ang kaniyang pagtulog, nagkakaroon ng pagka-iritable ng sistemang nerbiyos o pagkabugnutin. Humahantong rin sa pagkabaliw o pagkasira ng isipan at utak ang adiksiyon sa gamot. Namamatay rin ang tao dahil sa pagkalason sa gamot, o dahil sa pagkitil niya ng sariling buhay.[1]

Magkakaiba ang mga epekto ng pinagbabawal na gamot sa iba’t ibang mga tao. Kabilang sa mga batayan ng antas ng pagkakaapekto sa katawan at isipan ng tao ang kundisyon ng kanyang katawan, kasama na ang laki, timbang, kalusugan, katauhan, huling oras o panahon ng pagkain, mga inaasahan niya sa gamot na ininom, pati na ang dating karanasan sa paggamit ng masamang gamot.[2]

Kasama pa ring batayan ng epekto sa tao ang mismong mga katangian ng ininom o ginamit na gamot. Kabilang dito ang dami ng gamot, ang katapangan ng timpla ng gamot, ang paraan ng paggamit  – maaaring hinithit, ininom, o kaya inindyiksyon o itinurok sa balat  – , at pati ang pagsasabayan o pagtatambalan ng mga ginamit na bawal na gamot.[2]

Nakakaapekto rin sa tao ang sarili niyang kapaligiran. Kabilang dito ang pagiging nag-iisa ng tao, ang pagkakaroon niya ng mga kaibigan kasama at mapagkakatiwalaan, at kalagayan niya sa kaniyang lipunan at tahanan.[2]

Mga pinsalang dulot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kasama sa mga kapinsalaang naisasanhi ng mga bawal na gamot ang ukol sa pagkakaroon ng problema sa katawan, sa kalusugan, sa mga relasyon sa kaibigan, mag-anak, at maging sa pamayanan. Maidaragdag din dito ang pinsala na nagaganap sa kanyang pamumuhay dahil sa paggamit ng bawal na gamot, pati na ang sa hanap-buhay, pag-aaral, at akomodasyon. Humahantong din ang paggamit ng bawal na gamot sa anumang paglabag sa batas ng tao at lipunan.[2]

Dahil sa paggamit ng masasamang gamot, naaapektuhan ang kakayahang magpasiya ng isang tao, at mas malamang ang paggawa niya ng bagay na mapanganib sa sarili at sa ibang mga tao.[2]

Kaugnay pa rin ng kanilang pagkaadik, humahantong sila sa pagsisinungaling at pagnanakaw mula sa kapwa o kamag-anak upang matugunan ang kanilang pangangailangan.[1]

Pag-alam at pagkilala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mahirap malaman kung gumagamit ng bawal na gamot ang isang tao dahil sa pagkakaiba-iba ng epekto nito sa isang indibiduwal. Bagaman walang mga pagbabagong pangdamdamin o pangkatawan, maaaring mapuna ang hindi pagiging karaniwang kilos ng isang tao sa loob ng mahabang panahon. Ngunit dapat na tandaan na maaaring bahagi lamang ng buhay at paglaki ng isang tao, partikular ng kabataan o mga nagbibinata’t nagdadalagang tao, ang mga pagbabagong ito.[2]

Naririto ang ilan sa mga babalang palatandaan o sintomas ng paggamit ng isang tao ng bawal na gamot: pagkakaroon ng panghihina, mapapansing pagbabago sa gawi sa pagkain, labis na pagkasumpungin, may silakbo o bugsong damdamin at pagkagalit, paglabas ng bahay sa kabuoan ng magdamag, madalas at biglaang pagpapalit ng mga kaibigan o kabarkada, kataka-takang pagkakaroon ng pangangailangan ng salapi, pagkakaroon ng labis na bilang ng pera, pagkawala ng mga mahahalaga at mamahaling mga kagamitan, at pagkakaroon ng suliraning may kaugnayan sa pulisya.[2]

Katungkulan ng mga magulang

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ugnayan ng magulang at anak

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mahalaga ang mabuting pakikitungo at ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak upang maiwasan ang paggamit ng ipinagbabawal na mga gamot.

Sa anak na hindi pa gumagamit ng bawal na gamot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa pagharap sa suliraning paggamit ng bawal na gamot ng anak, o pag-alam kung gumagamit nga ba ito o hindi, kabilang sa tungkulin at dapat gawin ng magulang ang pagsasagawa ng tamang gawi sa pakikipag-usap sa anak. Pangunahing kabilang din dito ang pagbibigay ng kunsiderasyon sa kaligtasan ng anak at ng ibang tao, kabilang ang mga sarili. Iminumungkahi ng mga dalubhasa ang maingat na pakikipag-ugnayan sa anak dahil sa kaselanan ng paksa, na may kasamang pag-alis ng takot, pagpapakita ng malasakit, at pagpapadama ng pagmamahal sa anak, at walang pagdedebate. Dapat maipahatid sa kinakausap na anak na dahil sa kanilang pagmamahal kaya ayaw nilang mabulid sa paggamit ng masasamang gamot ang kanilang anak .[2]

Sa anak na gumagamit na ng bawal na gamot

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kung gumagamit na nga anak ng bawal na gamot, imumungkahi ng mga dalubhasa ang pagtanggap ng mga magulang sa suliraning kinakaharap. Kabilang sa kalutasan ng pagpapagaling sa anak ang tulong at suportang nagmumula sa mga magulang. Hindi dapat ikatakot o ikahiya ang paghingi ng propesyunal na tulong, partikular na ang mula sa larangan ng panggagamot. Hindi dapat sisihin ng mga magulang ang kanilang sarili sapagkat hindi kabiguan ang suliraning kinakaharap. Isa sa mga dahilan ay ang pagiging likas na bahagi ng buhay ng mga kabataan ang sumubok o mag-eksperimento, kabilang ang pag-inom ng alak at pagsisigarilyo, bukod sa paggamit ng bawal na gamot. May mga kabataan din na nadadala lamang ng kagipitan sa buhay kaya’t gumagamit ng bawal na gamot. Pagkaraan ng kanilang mga suliranin, may posibilidad na tumigil na sila sa paggamit ng masamang gamot.[2]

Mayroong mga kaparaanang maisasagawa upang maiwasan ang pagkalulong sa mga bawal na gamot. Pinakamahalaga at nangununa sa mga ito ay ang mismong pag-iwas na makasanayan ng isang tao o pasyente ang pagkakaroon ng pagkahumaling sa mga ito.[1]

Sa tahanan at mag-anak

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang ang mga sumusunod sa mga bagay na maisasagawa ng mga magulang upang maiwasan o mabawasan ang pagkakaroon ng posibilidad na gumamit ang anak ng bawal na gamot: ang pagiging mabuting huwaran (hindi paninigarilyo, hindi pag-inom ng alak, at hindi paggamit ng bawal na gamot), ang pagiging maalam sa mga paksang may kaugnayan sa bawal na gamot upang magkaroon ng kakayahang makapagpaliwanag sa anak ukol sa masasamang mga maidudulot nito, ang pagiging bukas at pagkakaroon ng katapatan hinggil sa paksa, at ang hindi pagtatangkang takutin lamang ang anak hinggil sa bagay na ito. Mahalaga rin ang tamang pakikipag-usap at pakikinig sa anak, na kinasasangkutan ng pagdinig at pag-unawa sa kanilang mga problema at mga alalahanin, ang hindi pagkakaroon ng labis na reaksiyon, ang hindi pagbabalewala sa mga sinasabi ng anak. Sa pakikipag-usap, kinakailangan ang pagpapalitan ng mga opinyon at pananaw. Hindi lamang ukol sa bawal na gamot ang huwarang tinatalakay ng mga magulang at anak, kasama dito ang mga pang-araw-araw na mga paksang katulad ng kaugnay ng pangyayari sa paaralan, musika, at palakasan. Sa pagiging bukas sa ganitong mga paksa, mas magaang mapag-usapan ang hinggil sa bawal na gamot.[2]

Kabilang pa rin sa katungkulan ng magulang upang maiwasan ng anak ang paggamit ng bawal na gamot ang paggawa ng mga patakaran at pagpaplano. Iminumungkahi ng mga dalubhasa ang pagturo sa anak hingil sa katanggap-tanggap na gawi sa pamumuhay, at pagpapangaral kung paano lulutasin ang mga pagsusulangatan o hindi pagkakaintindihan.[2]

Naaangkop din kilalanin ng mga magulang kung sino ang mga nagiging kaibigan ng kanilang anak, pati na ang mga magulang ng mga kabarkadang ito. Magagamit ding pang-iwas sa masasamang mga gamot ang paghimok at pagtuturo sa anak ng mga mas makalusugang paraan ng pagrerelaks o pamamahinga at mga mabubuting kaparaanan sa pangangasiwa ng mga suliranin sa buhay.[2]

Kalimitang inilalaan lamang sa mga kamay ng mga kuwalipikadong mga manggagamot, dentista, at siruhanong mga beterinaryo ang paggamit at pagtatago ng mga gamot na bawal ngunit ginagamit sa larangan ng medisina. Ibinibigay lamang nila ang mga ito sa pasyente sa pamamagitan ng pagrereseta.[1]

Sa kaso ng mga pasyenteng may paulit-ulit o kronikong mga karamdaman, pinapalitan ng mga manggagamot, hangga't maaari, ang nakakaadik na mga gamot ng hindi nakakalulong na mga uri.[1]

Pagkaraang maresetahan ang pasyente, ang botikaryo o drugista (ang tagahanda o tagatimpla ng gamot) ang nagbibigay o nag-aabot sa tao ng niresetang gamot. Itinatabi ng parmasyotiko ang reseta upang hindi na muling makakuha ng gamot ang pasyente ng higit pa sa sinasaad ng manggagamot na nagreseta. Sa gayon, kinakailangan makipagkitang muli ang pasyente sa duktor upang kumonsulta.[1]

Sa pamayanan at lipunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mga lehislayong inihanda at ipinatupad ang mga bansa upang mabigyan ng regulasyon at matabanan ang pamumudmod o pamimigay ng mga bawal na gamot sa madla.[1] Isang halimbawa ng batas laban sa mga ipinagbabawal na gamot ang Komprehensibong Batas sa Mapanganib na Gamot ng 2002 (Batas Republika 9165) ng Pilipinas.[3]

Rehabilitasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapag nahumaling na ang isang tao sa bawal na gamot, nireseta man o hindi, isa sa mga pinakamainam na pagbibigay-lunas ang paglalagay ng pasyente sa isang institusyon para sa mga adikto o drogadiko. Partikular na ang sa loob ng isang pagamutang hindi makakakuha ng bawal na gamot ang pasyente. Pinananatili ang pasyente sa lundayang pagalingan o sentrong pangrehabilitasyon sa loob ng sapat na panahon, upang makapanumbalik sa dati niyang kalagayang hindi umaasa sa nireresetang nakahumalingang gamot. Ginagawa ito upang magkaroong muli ang pasyente ng sapat na pagpigil at pagtaban o pagkontrol sa sarili, at maging respeto sa sarili na makakatulong upang matalikuran ang kanyang adiksiyon. Kapag umalis ang pasyente na may pakiramdam na parang bilanggo, isa itong tanda na hindi ganap o tama ang natanggap niyang paraan ng panggagamot.[1]

Ganito rin ang ginagawa sa mga pasyenteng may umiiral na alkoholismo o pagkaadik sa iba pang mga gamot.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 Robinson, Victor, pat. (1939). "Drug habits, Prevention of the Evil". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 251.
  2. 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 2.10 2.11 2.12 Impormasyon Tungkol sa mga Bawal na Gamot para sa mga Magulang Naka-arkibo 2009-06-29 sa Wayback Machine., (PDF), Kagawaran ng Edukasyon at Pagsasanay (Pilipinas) at Pondong Pansuporta ng Komunidad (Community Support Fund), Health.NSW.gov.au
  3. Isang Praymer Tungkol sa Comprehensive Dangerous Drug Act (Republic Act 9165) ng 2002 Naka-arkibo 2009-10-07 sa Wayback Machine., Gov.ph.

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]