Pumunta sa nilalaman

Pasko ng Muling Pagkabuhay

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Huwag itong ikalito sa Paskwa. Para sa pagdiriwang na Hudyo, tingnan ang Pesaḥ. Para sa ibang gamit, tingnan ang Paskwa (paglilinaw).
Pasko ng Pagkabuhay
Paskuwa
UriKristiyano, kultural
KahalagahanIpinagdiriwang ang muling pagkabuhay ni Hesus.
Mga pagdiriwangSerbisyong pansimbahan, salusalo ng mga pamilya, Easter egg hunts, at pagbibigayan ng regalo
Mga pamimitaganPanalangin, Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay
PetsaMarso 22, Abril 25, date of Easter
2023 date16 April (Silangan)
9 April (Kanluran)
2024 date5 May (Silangan)
31 March (Kanluran)
Kaugnay saPaskuwa, na kung saan ito ay itinuturing ang mga Kristiyano katumbas sa; Miyerkules ng Abo, Kuwaresma, Linggo ng Palaspas, Mahal na Araw, Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria na humahantong hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay; at Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay, Pag-akyat ng Panginoong Hesukristo sa Langit, Pentekostes, Kapistahan ng Banal na Santatlo, at Corpus Christi kung saan sinusundan ito.

Ang Pasko ng Pagkabuhay o Linggo ng Pagkabuhay (Ingles: Easter Sunday), ayon sa Kristiyanismo, ay ang araw ng pagbangon ni Hesus mula sa kaniyang kamatayan.

Noong patay na siya, inilibing si Hesus sa libingang malapit sa Kalbaryo, dahil ipinako siya sa araw bago ang "Araw ng Pamamahinga", o "Sábado", dahil bawal sa araw na iyon ang pagtatrabaho gaya ng paglibíng. Dumaan ang Araw ng Pamamahinga, at nabuhay muli si Hesus noong susunod na araw. Ayon sa Bibliya, nabuhay siyang mag-uli noong madaling-araw ng Linggo (ayon sa kasalukuyang pagkaunawa sa araw). Sa Ebanghelyo ni Lucas, Kabanata 24, Talata 1 nakalagay: "Umagang-umaga ng araw ng Linggo, ang mga babae'y nagtungo sa libingan, dalá ang mga pabangong inihanda nila." Ang mga babaeng ibinanggit ay siná María Magdalena, Salome, Maríang Ina ni Santiago, at iba pa. Nakakita sila ng dalawang anghel sa dapat na kinaroroonan ng bangkay ni Hesus. Sabi ng mga anghel: "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng patay? [Wala na Siya rito- Siya'y muling nabuhay!] Alalahanin ninyo ang sinabi Niya sa inyo noong nasa Galilea pa Siya:' Ang Anak ng Tao ay kailangang maipagkanulo sa mga makasalanan at maipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabuhay.' " (Lucas 24:5-7). Isa pang bersiyon nito na mahahanap sa Ebanghelyo ni San Juan ay si Maria Magdalena ang unang nakatuklas na wala ang katawan ni Hesus sa libingan at siya ang nag-ulat ng pangyayaring ito sa mga Apostol. Matapos iulat niya ito sa Apostol at bumisita si San Pedro at ang alagad na mahal ni Hesus, umiyak siya sa harap ng libingan. Tinanong siya ng mga anghel na naroon kung bakit siya umiiyak at sinabi niya na kinuha ang katawan ni Hesus at hindi niya alam kung nasaan na ito. Lumingon siya at nakita si Hesus, ngunit hindi niya alam na Siya iyon. Tinanong siya ni Hesus kung bakit siya umiiyak, at sagot niya sa akala niya'y tigapangalaga ng mga halaman : " Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa Kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko."(Juan 20:15). Biglang sinabi ni Hesus sa kaniya: "Maria!"(Juan 20:16), at doon nalaman niya na si Hesus iyon. Tumugon si Maria Magdalena ng :"Raboni!", o "guro!" (Juan 20:16). Matapos ito sabi ni Hesus na huwag Siya'y hawakan, sapagkat hindi pa Siya pumupunta sa Ama sa langit.

Mga pinagmulan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ipinagdiwang ng Hudyong kapistahan na Pesaḥ (Ebreo: פסח) ang pagkakaligtas ng mga Ebreo mula sa Ehipto. Nagmula ang pangalan nitong Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura sa pagsasagawa ng hindi paggamit ng pampaalsa o lebadura sa paggawa ng tinapay sa loob ng linggong ito. Isinasagawa ito mula ika-15 hanggang ika-22 araw sa buwan ng Nisan, na nasa unang mga linggo ng Abril.[1] Sa Bibliya, matatagpuan ito sa Kabanata 13 ng Aklat ng Eksodo.[2]

Kordero ng Paskuwa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabílang sa oras ng pagkain o selebrasyong ito ang Kordero ng Paskuwa o Batang Tupa[3] ng Paskuwa (kilalá sa Ingles bílang Passover Lamb). Batay sa kasaysayan, pumatay ng isang batang tupa, ang kordero[3], ang mga Hudyo noong unang Paskuwa at inilagay o ipinahid ang dugo nito sa salalayan o balangkas (palibot na patigas) ng mga pinto ng mga bahay ng mga tao upang "dumaan sa ibabaw" (pariralang "pass over" sa Ingles) ng tahanan ng mga tao ang Diyos at masagip, maligtas, o hindi masali sa kukuhaning mga búhay ng Diyos ang kanilang mga panganay na anak na laláki.[4] Pinatay ng Anghel ng Kamatayan ang lahat ng mga panganay sa mga tahanan ng mga Ehipsiyo, subalit dumaan lámang ito sa ibabaw at hindi kinuha o pinaslang ang mga nasa tahanang Ebreo.[1]

Ayon sa Bagong Tipan ng Bibliya, si Hesus ang naging "Kordero ng Paskuwa" para sa lahat ng mga tao ng Diyos. Inialay si Hesus upang maligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan.[4] Si Hesus ang Kordero ng Diyos.[4][5]

Walang permanenteng petsa ang Pasko ng Pagkabuhay sa kalendaryong Gregoryano o Juliano, kayâ maituturing itong pistang nababago. Ang petsa ng araw na ito ay tinatakda ng kalendaryong lunisolar na katulad sa kalendaryong Hebreo. Itinakda ng Konseho ng Nicaea ang petsa ng Paskwa bílang unang araw ng Linggo matapos ang kabilugan ng buwan matapos ang Ekinoks ng Marso. Sa patakarang pansimbahan, ang Ekinoks ay nakatakda sa Marso 21: sa kabilang dakò ayon sa agham ang ekinoks ay kalimitang nangyayari sa Marso 20.

Sa pagkalkula sa petsa ng Pasko ng Pagkabuhay, nag-uumpisa ang simbahang Kristyano sa Marso 21 bílang panimula. Mula doon hahanapin nila ang kasunod na kabilugan ng buwan. Sa mga simbahang Ortodoks na gumagamit pa rin ng kalendaryong Juliano, ang kanilang panimulang petsa ay Marso 21 din, na sa kasalukuyan ay papatak sa Abril 3 ng kalendaryong Gregoriano. Dahil sa pagkakaibang ito, maaaring maging iba ang petsa ng Paskuwa sa mga simbahang Ortodoks at sa ibang simbahang Kristyano.

Halimbawa, sa taong 2013, ang unang kabilugan ng buwan matapos ang ekinoks ng Marso ay magaganap sa Marso 27. Kaya ang Paskuwa ay nakatakda sa susundan nitong linggo na Marso 30.

Sa taong 2014 naman, ang unang kabilugan ng buwan matapos ang ekinoks ng Marso ay sa Abril 15. Kaya ang Paskuwa ay nakatakda sa susundan nitong linggo na Abril 20.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Teksto ng Biblia: Magandang Balita Biblia (May Deuterocanonico)Tagalog Bible, Karapatang pagmamay-ari ng Philippine Bible Society, 1980, at Karapatang Pagmamay-ari ng Bagong Tipan: Philippine Bible Society, 1973.
  1. 1.0 1.1 American Bible Society (2009). "Unleavened Bread, Festival of". The Letters of Saint Paul, Commemorative Edition, Celebrating the Pauline Year 28 June 2008 - 29 June 2009, Good News Translation. American Bible Society, Bagong York.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 135.
  2. Abriol, Jose C. (2000). "Huwag kakain ng ano mang may lebadura". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 105.
  3. 3.0 3.1 English, Leo James (1977). "Kordero, batang tupa". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 352.
  4. 4.0 4.1 4.2 The Committee on Bible Translation (1984). "Passover, Lamb of God". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Dictionary/Concordance, pahina B6 at B8.
  5. Gaboy, Luciano L. Lamb of God, lamb - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.