Pumunta sa nilalaman

Paul Pimsleur

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Paul Pimsleur
Kapanganakan17 Oktubre 1927
New York, New York
Kamatayan22 Hunyo 1976(1976-06-22) (edad 48)
Pransiya[1]
DahilanAtake sa puso
NagtaposDalubhasaang Panglungsod ng New York (B.A.)
Pamantasan ng Columbia
(M.S., Ph.D.)
Trabahopropesor, lingguwista, edukador
Kilala saBaterya ng Kakayahan sa Wika ni Pimsleur
Sistema ng pagkatuto ng wika ni Pimsleur

Si Paul M. Pimsleur (17 Oktubre 1927 – 22 Hunyo 1976) ay isang paham (iskolar) sa larangan ng nilapat na lingguwistika, na nagpaunlad ng sistema ng pagkatuto ng wika ni Pimsleur, na sa piling ng marami pa niyang mga lathalain ay nagkaroon ng isang mahalagang epekto sa mga teoriya ng pagkatuto at pagtuturo ng wika.

Maagang bahagi ng buhay at edukasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Paul Pimsleur ay ipinanganak sa Lungsod ng New York at lumaki sa The Bronx. Ang ama niyang si Solomon Pimsleur ay isang imigrante mula sa Pransiya at isang kumpositor ng musika; ang kaniyang inang ipinanganak sa Estados Unidos ay isang katiwala ng aklatan (bibliyotekarya) sa Pamantasan ng Columbia. Nagkamit si Pimsleur ng degring Batsilyer mula sa Kolehiyong Panglungsod ng New York, at nagkamit siya ng degring Master sa estadistikang pangsikolohiya at Ph.D. sa wikang Pranses magmula sa Pamantasan ng Columbia.

Ang una niyang posisyon ay kinasasangkutan ng pagtuturo ng ponetika at ponemika ng wikang Pranses sa Pamantasan ng California, Los Angeles (UCLA). Pagkaraang lumisan magmula sa UCLA, nagkaroon siya ng mga posisyong pampakultad sa Pamantasang Pang-estado ng Ohio (OSU), kung saan nagturo siya ng wikang Pranses at ng edukasyon na pangwikang dayuhan. Noong panahong iyon, ang programa sa edukasyong pangwikang dayuhan ng OSU ay ang pangunahing programang duktoral sa larangang iyon sa Estados Unidos. Habang nasa Estado ng Ohio, nilikha niya at pinangasiwaan ang Sentro ng Pakikinig (Listening Center), na isa sa pinakamalaking mga laboratoryo ng wika sa Estados Unidos. Ang sentro ay pinaunlad na kasabay ng Ohio Bell Telephone at nagpahintulot ng pag-aaral ng wika na alinsunod sa bilis ng sarili ng isang tao na gumagamit ng isang serye ng mga teyp na automado at mga pag-udyok na ipinadadala sa pamamagitan ng telepono.

Sa lumaon, si Pimsleur ay naging isang propesor ng edukasyon at ng mga wikang romansa sa Pamantasang Pang-estado ng New York na nasa Albany, kung saan hinawakan niya ang dalawang tungkulin ng pagkapropesor sa edukasyon at sa wikang Pranses. Isa siyang mananayam para sa programang Fulbright sa Pamantasang Ruprecht Karl ng Heidelberg noong 1968 at 1969 at isa siyang kasaping tagapagtatag ng American Council on the Teaching of Foreign Languages (ACTFL, o Konsilyong Amerikano hinggil sa Pagtuturo ng mga Wikang Dayuhan). Nanaliksik siya hinggil sa sikolohiya ng pagkatuto ng wika, at noong 1969 ay naging pinuno ng seksiyon ng sikolohiya ng pagkatuto ng mga wikang pangalawa sa Konggresong Internasyunal ng Nilapat na Lingguwistika (International Congress of Applied Linguistics).

Tumuon ang kaniyang pananaliksik sa pag-unawa ng proseso ng pagkakamit ng wika, natatangi na ang proseso ng pagkatuto ng mga bata, na nagsasalita ng isang wika na hindi nalalaman ang kayariang pormal nito. Ang katagang "pagkatutong organiko" ay inilapat sa kababalaghang (penomena) ito. Para rito, pinag-aralan niya ang proseso ng pagkatuto ng mga pangkat na binubuo ng mga bata, mga adulto, at mga adultong multilingguwal (may alam na maraming mga wika). Ang resulta ng pananaliksik na ito ay ang sistema ng pagkatuto ng wika ni Pimsleur. Ang marami niyang mga aklat at mga artikulo ay nagkaroon ng isang malaking epekto sa mga teoriya ng pagkatuto at pagtuturo ng wika.[2]

Sa loob ng panahon magmula 1958 hanggang 1966, muling sinuri ni Pimsleur ang dati nang nalathalang mga pag-aaral hinggil sa mga bagay na pangwika at pangsikolohiya na kasangkot sa pagkatuto ng wika. Nagsagawa rin siya ng ilang sariling mga pag-aaral. Humantong ito sa paglalathala noong 1963 ng isang monograpong inakdaan niya at ng iba pang mga tao, na pinamagatang Underachievement in Foreign Language Learning (Kakapusan sa Pagkatuto ng Wikang Dayuhan), na inilathala ng Asosasyon na Pangmodernong Wika ng Amerika.

Sa pamamagitan ng kaniyang pananaliksik, nakilala niya ang tatlong mga bagay na maaaring sukatin upang tuusin ang kakayahang pangwika: katalinuhang sa pagsasalita, kakayahan sa pandinig, at motibasyon. Napaunlad ni Pimsleur at ng kaniyang mga kasamahan ang Pimsleur Language Aptitude Battery (PLAB, Baterya ng Kakayahang Pangwika ni Pimsleur) batay sa tatlong mga bagay na makapagtitimbang ng kakayahang pangwika. Isa siya sa unang mga edukador ng wikang dayuhan na nakapagpakita ng pagtuon sa mga estudyante na mayroong kahirapan sa pagkatuto ng isang wikang dayuhan habang mainam naman ang gawain sa iba pang mga paksa. Sa kasalukuyan, ang PLAB ay ginagamit upang alamin ang kakayahan ng pagkatuto ng wika o kahit na ang isang kapansanan o suliranin sa pagkatuto ng wika sa piling ng mga estudyanteng nasa paaralang sekundarya.

Sa hindi inaasahan, namatay si Pimsleur dahil sa atake sa puso habang dumadalaw sa Pransiya noong 1976.[1]

Magmula nang likhain ito noong 1977, ang pangalan ni Pimsleur ay nasa taunang gantimpalang The ACTFL-MLJ Paul Pimsleur Award for Research in Foreign Language Education (Ang Gantimpalang Paul Pimsleur para sa Pananaliksik sa Edukasyon na Pangwikang Dayuhan ng ACTFL-MLJ).[3]

Nagpatuloy ang kasama ni Pimsleur sa negosyo na si Charles Heinle sa pagpapaunlad ng mga kurso ni Pimsleur hanggang sa ipagbili niya ang kompanya sa Simon & Schuster Audio noong 1997.[kailangan ng sanggunian]

Noong 2006, ipinagpatuloy ng anak na babae ni Pimsleur na si Julia Pimsleur ang serye ng pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng isang DVD ng wikang dayuhan para sa mga bata na pinamagatang "Little Pim" (Munting Pim).[4]

Ilang mga akda

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Pimsleur, Paul; Quinn, Terence (editors). The psychology of second language learning: papers from the Second International Congress of Applied Linguistics, Cambridge, 8-12 Setyembre 1969. London, Cambridge University Press, 1971. ISBN 0521082366
  • Poems make pictures; pictures make poems. Poems by Giose Rimanelli and Paul Pimsleur. New York : Pantheon Books. 1972. ISBN 0394923871
  • Pimsleur, Paul. Encounters; a basic reader. [simplified by] Paul Pimsleur [and] Donald Berger. New York, Harcourt Brace Jovanovich. 1974. ISBN 0155226857
  • Pimsleur, Paul. How to learn a foreign language. Boston, Mass. : Heinle & Heinle Publishers, 1980.

Mga dagdag na mababasa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Hommage à Paul Pimsleur / mise en œuvre, Robert Galisson. Paris : Didier, 1977. (French)

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 "PAUL PIMSLEUR, 48, DIES IN FRANCE", The New York Times, New York, New York, p. 34, 1976-06-29{{citation}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Lingualgamers.com "Why Pismsleur"
  3. ACTFL (2012). "The ACTFL-MLJ Paul Pimsleur Award for Research in Foreign Language Education". American Council on the Teaching of Foreign Languages. Nakuha magmula sa http://www.actfl.org/i4a/pages/index.cfm?pageID=5332[patay na link].
  4. Alfandary, Adam (2011-09). Julia Pimsleur Levine. Little Pim, Setyembre 2011. Nakuha magmula sa http://www.littlepim.com/about/about-julia-pimsleur/ Naka-arkibo 2012-10-01 sa Wayback Machine..