Pumunta sa nilalaman

Plasma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Plasma (pisika))
Plasma
Ang kidlat at ang mga diklap ng kuryente ay pang-araw-araw na mga halimbawa ng kababalaghan na yari mula sa plasma. Ang mga ilaw na neon ay mas tumpak na matatawag na "ilaw ng plasma", dahil sa ang liwanag ay mula sa plasma na nasa loob nila.

Ang plasma (mula sa Griyegong πλάσμα, "anumang nabuo"[1]), ayon sa agham na likas, ay isa sa mga apat na mga katayuan ng materya (ang iba pa ay ang pagiging solido, likido, at gas). Ang plasma ay paminsan-minsang tinatawag bilang ang pang-apat na katayuan ng materya. Ang plasma ay nalilikha sa pamamagitan ng pagdaragdag ng enerhiya sa isang gas upang ang mga atomo at mga molekula nito ay maghihiwa-hiwalay (tinatawag na ionisasyon) upang maging mga elektron na may kargang negatibo, at mga ionong ang karga ay positibo. Kapag ang hangin o gas ay naging ionisado (nagkaroon ng ion), ang plasma ay nabubuo na mayroong kahalintulad na mga katangiang konduktibo ng mga metal. Ang plasma ang pinakamasaganang anyo ng materya sa uniberso, dahil ang karamihan sa mga bituin ay nasa kalagayang plasma.[2][3] Ang plasma ang bumubuo sa pangunahing mga kalagayan ng Araw.

Hindi katulad ng iba pang mga kalagayan ng materya, ang mga partikulong may karga na sa loob ng isang plasma ay malakas na tutugon sa mga hanay na elektriko (may kuryente) at magnetiko (mga field na magnetiko). Kapag nawalan ng init ang plasma, ang plasma ay babalik sa pagiging gas. Mahigit sa 99% ng materya sa hindi nakikitang uniberso ay pinaniniwalaang plasma. Kapag ang mga atomo na nasa loob ng isang gas ay nabuwag, ang mga piraso ay tinatawag na mga elektron at mga iono. Sapagkat ang mga pirasong ito ay mayroong kargang kuryente (kargang elektriko), ang mga ito ay hinihilang papalapit sa isa't isa o kaya ay itinutulak na papahiwalay sa pamamagitan ng kuryente at mga hanay na magnetiko. Ito ang dahilan kung bakit iba ang reaksiyon ng plasma kaysa sa isang gas. Halimbawa, ang mga hanay na magnetiko ay maaaring gawing panghawak ng isang plasma, subalit hindi upang hawakan ang isang gas. Ang plasma ay isang mas mainam na konduktor ng kuryente kaysa sa tanso.

Ang plasma ay karaniwang napakainit, sapagkat kailangan nito ang napakataas na mga temperatura upang magiba ang mga bigkis na nasa pagitan ng mga elektron at ng nuclei (maramihan ng nukleus) ng mga atomo. Kung minsan, ang mga plasma ay nagkakaroon ng napakataas na presyon, katulad na nasa loob ng mga bituin. Ang mga bituin (kabilang na ang Araw) ay halos binubuo ng plasma. Ang mga plasma ay maaari ring magkaroon ng napaka mababang presyon, katulad ng sa kalawakan.

Sa daigdig, ang kidlat at aurora ay binubuo ng plasma. Ang artipisyal (gawa ng tao) na paggamit ng plasma ay kinabibilangan ng mga bumbilyang fluorescent, mga ilaw na neon, at mga plasma display na ginagamit para sa mga screen ng telebisyon o kompyuter. Ang mga siyentipiko ay nag-eeksperimento ng plasma upang makagawa ng isang bagong lakas na nukleyar, na tinatawag na nuclear fusion, na mas magiging mas mainam at mas ligtas kaysa sa ordinaryong lakas na nukleyar, at makalilikha ng mas kakaunting duming radyoaktibo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. πλάσμα, Henry George Liddell, Robert Scott, A Greek-English Lexicon, sa Perseus
  2. "Ionization and Plasmas". The University of Tennessee, Knoxville Department of Physics and Astronomy.
  3. "How Lightning Works". HowStuffWorks.