Portada:Agham/Itinatampok na Artikulo/1
Ang alkimiya ay isang sinaunang mala-agham na may elemento ng kimika, pisika, astrolohiya, sining, semiotika, metalurhiya, medisina, mistisismo, at relihiyon. Tatlo ang pangunahing layunin ng maraming alkimiko. Isa sa pinakakilala rito ay ang layuning makagawa ng ginto o ng pilak mula sa ano mang karaniwang metal sa pamamagitan ng transmutasyon (pagbabagong-anyo). Sinubukan din nilang gumawa ng isang tanging gamot na makapagpapagaling sa lahat ng sakit at magpapahaba ng buhay. Isa rito ay ang paggamit ng bato ng pilosopo. Ang maalamat na batong ito, na maaaring ring pulbos o likido, ay may katangian daw gawin ang dalawang nasabi. Ang paglalang ng buhay ng tao ang ikatlong layunin nito. Sinasabing ang alkimiya ang siyang pinagmulan ng makabagong agham ng kimika bago ang pormulasasyon ng makaagham na pamamaraan.
Ang karaniwang paniniwala na mga huwad na siyentipiko ang mga alkimiko na nagsikap makagawa ng ginto mula sa tingga, at naniwalang ang lahat ng bagay ay binubuo ng apat na elemento: lupa, hangin, apoy at tubig, at ang kanilang gawa ay nasasamahan ng mistisismo at salamangka. Sa kasalukuyang paningin, ang kanilang mga gawa at paniniwala ay maliit sa katotohanan; ngunit kung may matuwid tayo, ating hatulan sila sa mga pangyayari noong kapanahunan nila. Sila ang mga naunang sumubok na manaliksik sa kalikasan bago pa man dumating ang mga kagamitan at panuntunan pang-agham. Sa halip, sila'y sumunod sa mga karaniwang tuntunin, kaugalian, obserbasyon at mistisismo upang maipaliwanag ang mga bagay sa paligid nila.