Roseller T. Lim
Roseller T. Lim | |
---|---|
Senador ng Pilipinas | |
Nasa puwesto 30 Disyembre 1955 – 30 Disyembre 1963 | |
Kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas mula sa Solong Distrito ng Zamboanga del Sur | |
Nasa puwesto 30 Disyembre 1953 – 30 Disyembre 1955 | |
Sinundan ni | Canuto S.M. Enerio |
Kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas mula sa Solong Distrito ng Zamboanga | |
Nasa puwesto 30 Disyembre 1949 – 30 Disyembre 1953 | |
Nakaraang sinundan | Juan S. Alano |
Personal na detalye | |
Isinilang | 9 Pebrero 1915 Zamboanga, Zamboanga |
Yumao | 5 Hulyo 1976 | (edad 61)
Kabansaan | Pilipino |
Partidong pampolitika | Partido Nacionalista |
Asawa | Amy Schuck |
Alma mater | Silliman University |
Si Roseller Tarroza Lim (9 Pebrero 1915 — 5 Hulyo 1976) ay isang Pilipinong politiko na nanungkulan bilang miyembro ng Senado ng Pilipinas at Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1963. Siya rin ay nagsilbing hukom sa Hukuman ng Apelasyon mula nang siya'y maitalaga noong 1973 hanggang sa kanyang pagpanaw. Nakilala si Lim sa Pilipinas bilang "Dakilang Pilibustero," matapos niyang magpilibustero ng mahigit sa 18 oras[1] upang mapigilan ang paghalal kay Ferdinand Marcos bilang Pangulo ng Senado.[2]
Personal na buhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak si Roseller Lim kay Antonio Lim at Mercedes Tarroza. Nagtapos siya ng abogasya mula sa Silliman University noong 1940, at pumasa ng bar noong taong din iyon. Napangasawa niya si Amy Schuck ng Jolo, Sulu at nagkaroon sila ng limang anak — sina Rosamy, Mercibel, Victoria, Roseller Jr. at Amy.[3]
Buhay politiko
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kasapi ng Partido Nacionalista si Lim at unang nahalal bilang kinatawan ng tanging distrito ng Zamboanga noong 1949. Sa kanyang unang panunungkulan, inakda niya ang batas na naghati sa lalawigan ng Zamboanga sa Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur.[1] Nanalo siya muli ng isa pang termino noong 1953, bilang kinatawan na ng tanging distrito ng Zamboanga del Sur. Sa kalagitnaan ng kanyang panunungkulan, tumakbo at nanalo siya bilang senador noong 1955, upang punan ang natitirang dalawang taong termino ni Carlos P. Garcia, na nahalal bilang Pangalawang Pangulo noong 1953. Malaki ang naitulong ni Lim sa pagkahalal ng Pilipinas sa pamunuan International Labor Organization noong 1957.[3] Noong 1957 nahalal na si Lim para sa isang buong anim-na-taong termino sa Senado, ngunit nabigo siyang manungkulan muli sa Senado ng siya'y matalo sa halalan ng 1963. Si Lim rin ang may-akda ng Barrio Charter, na naging batayan ng ngayo'y pamahalaang pambarangay.
Dakilang Pilibustero
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong Abril 1963, tinangkang agawin ng senador ng Partido Liberal na si Ferdinand Marcos ang panguluhan ng Senado mula sa matagal nang nakaupong (10 taon) Pangulo ng Senado na si Eulogio Rodriguez na isang Nacionalista. Binubuo ang Senado ng 12 Liberal, 10 Nacionalista at dalawang independiyente na kaalyado naman ng mga Nacionalista. Ilang sandali bago matapos ang sesyon ng Senado noong 5 Abril, tumayo si Lim para manalumpati, upang hintayin na rin ang parating mula Estados Unidos ang kapwa-Nacionalistang si Senador Alejandro Almendras.
Kinailangan niyang tumayo sa kabuoan ng kaniyang talumpati at humapay lamang nang makailang-ulit sa talumpatian. Tanging tubig lamang sa kaniyang tabi ang kaniyang naging pagkain. Dahil na rin 'di siya pinayagang pumunta sa palikuran, umihi na lamang siya sa kanyang suot-suot na pantalon. Nang malaman niya ang pagdating ni Almendras sa bulwagan ng Senado, tinapos ni Lim ang kanyang pagpipilibustero makalipas ang 18 oras at 30 minuto. Makaraan niyang makaboto para kay Rodriguez, dali-daling siyang inilabas sa bulwagan lulan ng stretcher bunsod ng kaniyang pagkahapo. Napag-alaman na lamang niyang bumoto pala para kay Marcos si Almendras.[2]
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 "Mayor leads Dia de Roseller T. Lim." Naka-arkibo 2012-02-29 sa Wayback Machine. Zamboanga City Public Information Office. (Hinango noong 22 Pebrero 2010). (sa Ingles)
- ↑ 2.0 2.1 Mustafa, Noralyn (18 Hunyo 2004). "Roseller T. Lim – He filibustered for 18 hours to stop Marcos but..." Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Nakuha noong 8 Nobyembre 2018.
- ↑ 3.0 3.1 "City honors Roseller Lim Friday." Naka-arkibo 2011-06-09 sa Wayback Machine. Sun Star Zamboanga. 9 Pebrero 2007. (Hinango noong 22 Pebrero 2010). (sa Ingles)