Pumunta sa nilalaman

Si Jose at ang Asawa ni Putifar

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (ipininta ni Philipp Veit).
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (iginuhit ng isang hindi nakikilalang Italyanong pintor noong ika-18 daantaon).
Si Jose ang Asawa ni Putifar (dibuho ni Guido Reni).

Ang Si Jose at ang Asawa ni Putifar[1], Si Jose at ang Asawa ni Potifar[2], o Si Jose at ang Asawa ni Potiphar[3] (ang pangalang Putifar ay binabaybay ding Potipher[4] at may pagkakatulad sa Poti-pherah[5]) ay isang kuwentong nagmula sa Aklat ng Henesis ng Bibliya (Henesis 39: 1-23) na hinggil sa panunukso o panghihikayat ng asawa ni Putifar na magkaroon ng pisikal na relasyon si Jose sa kanya.[6] Bagaman hindi binabanggit sa Bibliya ang pangalan ng asawa ni Putifar, nakilala ang salaysay na ito sa Kuran bilang Yusuf at Zulaikha (nasa Surah 12: 3-34).[7] Sa Ingles, binabaybay ang pamagat ng kuwentong ito bilang Yusuf and Zulaikha, Yusuf and Zalikha, Joseph and Zuleika, at Yusof and Zoleikha.

Mga pangunahing tauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Jose ay isang paboritong anak ng patriyarkang si Jacob. Dahil sa pagiging pinahahalagahang anak ni Jacob (kilala rin bilang Israel)[5][8], kinainggitan si Jose ng kanyang labing-isang kapatid na mga lalaki, partikular na nang bigyan siya ni Jacob ng isang mahabang barong may iba't ibang kulay, na isang kasuotang mahaba at may manggas na "sinusuot ng mga mayaman at mahal na tao," na taliwas sa sinusuot ng pangkaraniwang tao na hanggang tuhod lang at walang manggas, noong mga panahon ni Jose.[5][6] Lalo pa itong kinapootan ng mga kapatid nang isalaysay ni Jose sa mga ito ang kanyang dalawang panaginip kung saan naglalahad na maghahari si Jose sa ibabaw ng kanyang mga kapatid. Sa unang panaginip, habang nagtatali sina Jose at kanyang mga kapatid ng mga sipok sa bukid, tumindig ang mga sipok ni Jose at tumayong matuwid samantalang ang mga sipok ng mga kapatid naman ay napasa palibot at yumukod sa mga sipok ni Jose.[5][6] Sa ikalawang panaginip, ang araw, kasama ang buwan at labing-isang bituin, sa pagsamba kay Jose.[5][6] Dahil sa kanilang pagkagalit kay Jose, itinapon siya ng kanyang mga kapatid sa isang balong walang laman at tuyo,[6] at inasam na mamatay siya sa loob nito.[5] Subalit natagpuan at sinagip si Jose ng mga mangangalakal na Ismaelita (kilala rin bilang mga Madianita; ayon sa paliwanag ni Jose C. Abriol, may mga naniniwalang magkaiba o iisa lamang ang mga taong ito, o maaaring nagpapahiwatig na mga mangangalakal na Arabe).[1] Ipinagbili si Jose ng mga Ismaelita bilang isang alipin sa Ehipto kay Putifar, isang kapitan ng mga bantay ng Paraon.[5]

Si Zulaikha ay ang asawa ni Putifar na kapitan ng mga bantay ng Paraon ayon sa Bibliya o ang punong ministro ng Ehipto ayon sa Kuran. Isa siyang maganda at matalinong babaeng mimanamahal ni Putifar sa kabila ng kawalan ng anak. Hindi maituturing na isang sutil o makapritsong babae si Zulaikha sapagkat, sa kanyang katayuan sa lipunan, makukuha niya ang sinumang lalaking ibigin niya. Umiibig si Zulaikha kay Jose sapagkat araw-araw niyang nakikita, nakakausap, at naririnig ang huli, na naging sanhi ng hindi pagkatulog ni Zulaikha sa loob ng maraming mga gabi.[7]

Buod at mga paliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Bibliya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (inilarawan sa pagpipinta ni Giovanni Biliverti noong 1618). Kilala rin ang dibuhong ito bilang Ang Katimyasan (o Kadalisayan) ni Jose.

Naganap ang kuwentong Si Jose at ang Asawa ni Putifar noong mga nasa 28 taong gulang na si Jose[5], isang lalaking nasa kanyang kabataan at "may mabikas na katawan at may magandang mukha."[1] Nagkaroon ng pagtingin at umibig kay Jose si Zulaikha, ang asawa ni Putifar ngunit hindi tinanggap ni Jose ang pag-ibig na ito.[5] Ayon kay Abriol, tumanggi si Jose dahil sa tatlong magagandang kadahilanan: (a) pasasalamat ni Jose sa kanyang panginoong si Putifar (ipinagkatiwala ni Putifar kay Jose ang kanyang bahay at mga pag-aari), (b) ang kalagayan ng babaeng si Zulaikha bilang asawa ng kanyang panginoong si Putifar, at (c) ang pagkakaunawa ni Jose na magkakasala siya sa mata ng Diyos kung sakaling magpaubaya siya sa nais ni Zulaikha na sumiping o makipagtalik siya rito[1]; tumalilis paiwas at tumakbong papalayo si Jose mula kay Zulaikha dahil sinabi ng Diyos na ang bawat isang tao ay dapat na umiwas mula sa lahat ng kasalanan o karumihang seksuwal katulad ng bawal o ilegal na pakikipagtalik.[4][7] Subalit dahil sa pagtangging ito ni Jose, nagsagawa at nagsabi si Zulaikha sa kanyang asawang si Putifar ng walang katotohanang mga paratang laban kay Jose.[5] Ginamit ni Zulaikhang katibayan para sa maling paratang ang damit na naiwan ni Jose, kaya't ipinahuli ni Putifar si Jose at ipinakulong sa bilangguan.[5]

Ayon sa Kuran

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pangunahing pangyayari

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (iginuhit ni Lodovico Cardi, kilala rin bilang Ludovico Cigoli), noong 1610.

Ayon sa Kuran o mga paliwanag batay sa Kuran, ang panginoon ni Joseng si Putifar ay isang punong ministro (ang Aziz o Al-Aziz) ng Ehipto na humirang kay Jose bilang isang pangunahing tagapangalaga o personal na tagapaglingkod para sa asawa nitong si Zulaikha, bukod pa sa pagiging katiwala ng kabahayan. Hinggil sa mga katangian ni Jose, nilarawan sa Kuran na si Jose bilang isang masunuring tagapagsilbi, may kaaya-ayang ugali at mabuti ang pakikitungo sa kapwa, may isang kabigha-bighaning mukha na pinag-uusapan ng madla, ngunit isang taong nananatiling mapagkumbaba at magalang sa kabila nito. Bilang dagdag, bukod sa pagiging laman ng usapan ng bayan, nagsulat rin ng mga tula hinggil kay Jose ang mga tao dahil sa kanyang kaakit-akit na kaanyuan. Maraming magagandang mga kadalagahan at mayayamang mga kababaihan ang nagnanais na maangkin o mapasa kanila si Jose.[7]

Ayon sa mga dalubhasa sa Kuran tinukso ni Zulaikha si Jose, at maaaring nagnais lamang halikan siya ni Jose. Napigilan ni Jose ang pagkakadarang sa tukso. Sa pagtakbo ni Jose patungong pintuan upang tumakas, hinabol ni Zulaikha si Jose. Nahawakan ni Zulaikha ang kasuotan ni Jose at napunit. Nanatili sa kamay ni Zulaikha ang pirasong ito ng damit ni Jose. Nang magkasabay na sapitin nila ang pintuan, biglang na lamang bumukas ang pinto, kung saan bumantad sa kanila si Putifar at isang pinsang lalaki ni Zulaikha. Dagliang nagbago ang tono ng tinig ni Zulaikha, na naging may galit. Ipinakita ni Zulaikha sa kanyang asawang si Putifar ang piraso ng damit na napunit mula sa pang-itaas na kasuotan ni Jose. Pinaratang ni Zulaikha si Jose ng pangmomolestiya, pinalabas na inosente ang sarili, at biktima ng pagnanasang seksuwal ni Jose. Ipinagkaila ni Jose ang paratang at nagsabing si Zulaikha ang nagtangkang manukso kay Jose.[7]

Pagsisiyasat at katibayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Makaraang magsiyasat at tanungin ni Putifar ang asawa at ang aliping si Jose, kinunsulta nito ang pinsang lalaki ni Zulaikha hinggil sa pagpapatibay sa naganap na pangyayari. Bilang isang marunong at mapagpatotoong tao, sinabi ng pinsan ni Zulaikha na nasa damit ni Jose ang katibayan: na kung may punit ang kasuotan sa harap, nangangahulugang si Jose ang nanukso kay Zulaikha, at napunit ang damit dahil sa pagtatanggol sa sarili ni Zulaikha; subalit kung ang punit ay nasa likuran ng damit ni Jose, nangangahulugang si Zulaikha ang nang-akit kay Jose. Napatunayang nasa likuran ang punit ng kasuotan ni Jose na nagpakitang si Zulaikha ang may kasalanan. Nagsasabi ng totoo si Jose sa harap ng kanyang panginoong si Putifar.[7]

Pagsagip ni Zulaikha sa sariling dangal

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (iginuhit at ipininta ni Carlo Cignani) noong 1680.

Naging usap-usapan ng mga katulong sa kabahayan ang pangyayari at kumalat. Nakadama ng kahihiyan si Zulaikha, kaya’t hinangad niyang patunayan ang kahirapang dinanas niya sa pag-iwas na gustuhin si Jose sa pamamagitan ng paglalantad ng ibang mga kababaihan sa tuksong pinagdaanan niya. Inanyayahan ni Zulaikha ang mga kababaihan sa isang handaan. Binigyan niya ang mga babaeng ito ng tig-iisang panghiwa ng mga prutas. Mismong si Zulaikha ang nagbukas ng usapin hinggil kay Jose kung kailan inamin niya ang pagiging kaakit-akit ni Jose at hindi tinangging minamahal niya ang huli sa loob ng matagal nang panahon. Tinawag ni Zulaikha si Jose. Nabantad sa mga panauhing babae ang mistulang anghel na kakisigan ni Jose kaya’t, habang nagpapatuloy silang naghihiwa ng mga prutas ay hindi nila namalayang nahiwa nila ang sari-sariling mga palad. Dahil ito sa paghanga at pagkamangha nila sa mukha ni Jose. Sa pagkakataong ito, tumayo si Zulaikha at nagsabing ang lalaking pinagmamasdan ng mga babaeng panauhin ay si Jose na naging sanhi ng paninisi at panlilibak sa kanya. Idinagdag pa ni Zulaikha na hindi niya ipinagkakailang ibinulid niya sa tukso si Jose. Subalit idinugtong niya ang pagpapatunay na dahil sa pagkakagayuma ng mga kababaihang panauhan kay Jose, hindi nila napansing nasugatan ng mga ito ang kani-kanilang mga kamay. Inulit niyang tinuksong nga niya si Jose, at kung hindi susunod si Jose sa kanyang ibig ay ipakukulong niya ito at ipapahiya.[7]

Pagkabilanggo ni Jose

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong gabi rin iyon pagkatapos ng handaan, nakumbinsi ni Zulaikha si Putifar na ibilanggo si Jose sapagkat ito lamang ang paraan upang masagip ang karangalan ng pangalan ni Zulaikha. Ito rin lamang, ayon kay Zulaikha, ang paraan upang maiwasan ang damdamin niya kay Jose, at daan upang mapag-ingatan ni Putifar ang sariling niyang reputasyon. Nalalaman ni Putifar na talagang walang kasalanan at matapat na lingkod si Jose, ngunit napilitan pa rin si Putifar na ilagak sa kulungan si Jose. Idinahilan niya sa sariling mas mapag-iingat din ang dangal ni Jose kung mawawala sa pananaw ni Zulaikha ang binata. Hiniling din ni Jose ang pagkabilanggo ng sarili upang makaiwas sa pagtatangka ng iba pang mga kababaihan.[7]

Pagpapatunay sa kawalan ng sala ni Jose

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (iginuhit at kinulayan ni Giovanni Francesco Barbieri, isang pintor na mas kilala bilang Guercino o Il Guercino, noong 1649).

Ayon sa Kuran, katulad ng nasasaad din sa Bibliya, habang nakapiit si Jose sa bilangguan, natuklasan ang kanyang kakayahang magpaliwanag ng mga panaginip. Nagkatotoo ang mga paliwanag niya hinggil sa mga panaginip ng nakulong rin na punong katiwala ng kopa ng hari at ng punong panadero ng hari[5]: nabalik sa katungkulan ang katiwala ng kopa ng hari (ang may katungkulang magharap ng kopa ng inumin sa hari), samantalang bagaman napakawalan ang punong panadero ay binitay naman ito pagdaka. Hiniling ni Jose sa punong katiwala ng kopa ng hari na huwag siyang kalimutan nito sa pamamagitan ng pagbanggit ng pangalan ni Jose sa hari, upang matanggal siya mula sa kulungan. Sa kasawian palad, nalimutan ng punong katiwala ng kopa ang kasunduang ito, at naaalala lamang – pagkaraan ng dalawang taon[1] – nang mabatid niya ang balita hinggil sa panaginip o bangungot ng hari na hindi maipaliwanag ng mga manghuhula, matatalinong tao, mga pari, mga lalaking mangkukulam, at mga ministro. Binanggit ng katiwalan ng kopa sa hari ang hinggil sa kakayahan ni Joseng magpaliwanag ng mga panaginip. Ipinasundo at pinalaya ng hari mula sa piitan si Jose. Noong una, tumanggi si Joseng lisanin ang kulungan hangga’t hindi napapatunayan ang kawalan niya ng kasalanang may kaugnayan sa hindi sinasadyang paghiwa ng mga kababaihan sa kanilang mga palad noong magsagawa ng isang handaan si Zulaikha, dalawang taon na ang nakalilipas. Naunawaan ng hari na hindi karapat-dapat ang pagpapakulong kay Jose bagaman hindi niya batid kung paano ito naganap. Ipinatawag ng hari si Zulaikha at iba pang mga asawa ng mga ministro. Sinabi ng mga kababaihan na walang kasalanan si Jose at bumaling ang lahat kay Zulaikha. Ipinagtapat ni Zulaikha sa hari na tinukso niya si Jose, ngunit tumanggi nga ito sa kanyang nais mangyari.[1][7]

Dahil dito, at sa pagpapaliwanag hinggil sa dalawang naging panaginip ng hari (ang tungkol sa paglamon ng pitong payat na baka sa pitong matatabang baka; at tungkol din sa paglunok ng pitong payat at tuyong butil ng trigo sa pitong mabibintog at magagandang butil ng trigo: mga panaginip na kapwa nangangahulugang magkakaroon ng pitong taon ng kasaganaan na masusundan ng pitong taong taggutom), napawalang sala si Jose at binigyan ng mataas na katungkulan bilang gobernador na tagapamahala ng buong Ehipto. Muli siyang pinangalan ng hari ng Ehipto bilang Zafnat Paneaj, na nangangahulugang "tagapagligtas ng daigdig" ayon kay San Jeronimo, o "nagsalita ang Diyos: nabubuhay siya."[1][5][7]

Kinahinatnan ni Zulaikha

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Jose at ang Asawa ni Putifar (isang larawang inukit ni Hans Sebald Beham, isang Aleman, noong 1544).

Walang nang nabanggit ang Kuran ukol sa naging buhay ni Zulaikha pagkaraan magsabi siya ng totoo sa harap ng hari o Paraon ng Ehipto. Subalit ayon sa Witness-Pioneer.org, tiniyak ni Zulaikha ang kawalan ng kasalanan ni Jose sapagkat nasa isipan pa rin niya si Jose habang ito ay nasa bilangguan, at hindi dahil sa takot niya sa hari o iba pang mga kababaihan. Nagpapahiwatig ang mga taludtod ng Kuran na bumaling si Zulaikha sa relihiyong monoteyismo o pananampalatayang may iisang Diyos ni Jose dahil naging isang mahalagang kaganapan sa buhay ni Zulaikha ang pagkakapiit ni Jose. Nagkaroon ng mga alamat hinggil kay Zulaikha, katulad ng naging asawa siya ni Jose (sa Bibliya, ipinakasal si Jose ng hari ng Ehipto kay Asenet[1] o Asenath[5], na anak na babae ng isang pari sa lungsod ng On na nagngangalan ding Putifar; nagkaroon ng dalawang anak na lalaki si Jose kay Asenet: sina Manases o Manasseh at Efraim o Ephraim).[1][5], na siya ay isang birhen, na matanda na ang kanyang dating asawang si Putifar na hindi nagkaroon ng relasyong pisikal sa sinumang babae, na nabulag si Zulaikha dahil sa pagluha para kay Jose, at nilisan niya ang palasyo at naging palaboy sa mga lansangan ng lungsod ng Ehipto. Sukat na nawala na lamang si Zulaikha sa salaysay ng Kuran noong panahon ng kaigtingan ng kanyang hilahil o suliranin sa buhay.[7]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 1.8 Abriol, Jose C. (2000). "Si Jose at ang Asawa ni Putifar". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 62-70.
  2. "Si Jose at ang Asawa ni Potifar". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Long, Dolores; Long, Richard (1905). "Si Jose at ang Asawa ni Potiphar". Ang Dating Biblia (Ang Biblia/Ang Biblia Tagalog), wika: Tagalog/Pambansang Wika ng Pilipinas, nasa dominyong publiko. Online Bible, Byblos.com.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 "Just as Joseph ran from Potipher's wife, God tells every person to keep away from all sexual impurity". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 198.
  5. 5.00 5.01 5.02 5.03 5.04 5.05 5.06 5.07 5.08 5.09 5.10 5.11 5.12 5.13 5.14 "Joseph". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 140
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 Reader's Digest (1995). "Joseph in Egypt; his temptation by Potiphar's wife". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 50.
  7. 7.00 7.01 7.02 7.03 7.04 7.05 7.06 7.07 7.08 7.09 7.10 Prophet Yusuf (Joseph) - PBUH: Summary of Joseph's Story, Joseph's Master, Zulaikha's Feelings for Joseph, Joseph's Feelings for Zulaikha, Zulaikha's False Accusation, Zulaikha is Ridiculed by the People, Zulaikha's Plan to Regain Her Reputation, The Women's Reaction to Joseph, The Women's Reaction - Qur'anic, Joseph's Decision to Go to Jail, Joseph's Time in Prison, Joseph's Time in Prison - Qur'anic, Joseph's Innocence Proved, at Zulaikha's Life Afterwards, Witness-Pioneer.org, WPOnline.org, 2002.
  8. Abriol, Jose C. (2000). "Ang mga Panaginip ni Jose, Ipinagbili si Jose, Ang Kasaysayan ni Jose". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 62-63

Panlabas na mga kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Wikisource
Wikisource
Ang Wikisource ay may orihinal na tekstong kaugnay ng lathalaing ito: