Pumunta sa nilalaman

Soolohiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang soolohiya ay ang siyentipikong pag-aaral ng mga hayop. Saklaw ng mga pag-aaral nito ang estruktura, embriyolohiya, klasipikasyon, mga gawi, at distribusyon ng lahat ng hayop, buhay man o patay na, pati na rin kung paano sila nakikipag-ugnayan sa kanilang mga s. Ang soolohiya ay isa sa pangunahing sangay ng biyolohiya. Ang terminong ito ay hango sa Sinaunang Griyego na ζῷον, zōion (‘hayop’), at λόγος, logos (‘kaalaman’, ‘pag-aaral’).[1]

Bagaman palaging interesado ang mga tao sa likas na kasaysayan ng mga hayop na nakapaligid sa kanila at ginamit ang kaalamang ito upang gawing domestiko ang ilang espesye, masasabi na nagsimula ang pormal na pag-aaral ng soolohiya kay Aristoteles. Tiningnan niya ang mga hayop bilang mga buhay na organismo, pinag-aralan ang kanilang estruktura at pag-unlad, at isinasaalang-alang ang kanilang mga adaptasyon sa kapaligiran at ang tungkulin ng bawat bahagi ng kanilang katawan. Nag-ugat ang modernong soolohiya noong Panahon ng Renasimiyento at maagang modernong panahon, kasama sina Carl Linnaeus, Antonie van Leeuwenhoek, Robert Hooke, Charles Darwin, Gregor Mendel, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, ang pag-aaral ng mga hayop ay nakatuon na sa anyo at tungkulin, mga adaptasyon, ugnayan sa pagitan ng mga grupo, kilos o asal, at ekolohiya. Ang soolohiya ay lalong nahahati sa iba't ibang disiplina gaya ng klasipikasyon, pisyolohiya, biyokimika, at ebolusyon. Sa pagkakatuklas ng estruktura ng DNA nina Francis Crick at James Watson noong 1953, nabuksan ang larangan ng molekular na biyolohiya, na nagdulot ng mga pag-unlad sa biyolohiya ng selula, biyolohiya ng pag-unlad, at molekular na henetika.

Sinaunang panahon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nang maging alaga ng tao ang mga hayop, nagkaroon ng importansya ang pag-aaral nito. Ang mga naunang tala ng pag-aaral ng hayop ay nagmula sa Sinaunang Gresya, partikular kay Aristoteles. Ayon sa mga gawa ng pilosopo, ang kalikasan ay may orden na sinusunod at hindi ito basta-basta nababago.[2]

Sa panahon ng Sinaunang Roma, si Plinio na Nakakatanda ay ginawa ang kanyang tratado na "Historia naturalis". Ang gawang ito ay punong-puno ng mga pag-aaral (katotohanan man o piksyon) ukol sa heograpiya, kalawakang mga bagay, halaman, at hayop. Ang bolyum ng gawang ito na bolyum VII hanggang XI, ay tumutuon sa pag-aaral ng soolohiya.[2]

Apat na raang taon pagkatapos noon, inaral ng manggagamot na Romano na si Galen ang mga hayop sa pamamagitan ng diseksiyon upang pag-aralan ang kanilang anatomiya at ang tungkulin ng iba't ibang bahagi, dahil ipinagbabawal noon ang pag-disekta ng mga bangkay ng tao.[3] Nagdulot ito ng ilang maling konklusyon, subalit sa maraming dantaon, itinuturing na heretiko ang pagsalungat sa alinman sa kanyang mga pananaw, kaya’t napabagal ang pag-unlad ng pag-aaral ng anatomiya.[4]

Renasimiyento hanggang makabagong panahon

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Conrad Gessner (1516–1565). Tinuturing ang kanyang Historiae animalium na simula ng makabagong soolohiya.

Sa Europa, nanatiling halos walang kapantay at hindi kinuwestiyon ang mga gawain ni Galen sa anatomiya hanggang ika-16 na dantaon.[5][6] Si Conrad Gessner, na ang malawak na 4,500-pahinang ensiklopedya ng mga hayop na Historia animalium, na inilathala sa apat na tomo noong 1551 hanggang 1558, ay itinuturing na simula ng modernong soolohiya.[7] Sa panahon ng Renasimiyento at maagang modernong panahon, nagkaroon ng rebolusyon sa pag-iisip ng soolohiya sa Europa dahil sa muling interes sa empirisismo at sa pagkakatuklas ng maraming bagong organismo. Nangunguna sa kilusang ito sina Andreas Vesalius at William Harvey, na gumamit ng eksperimento at maingat na obserbasyon sa pisyolohiya, at mga naturalista tulad nina Carl Linnaeus, Jean-Baptiste Lamarck, at Buffon na nagsimulang iklasipika ang pagkakaiba-iba ng buhay at tala ng mga posil, pati na rin pag-aralan ang pag-unlad at asal ng mga organismo. Nagsagawa ng makabagong gawain sa mikroskopyo si Antonie van Leeuwenhoek at ipinakita ang dati nang hindi kilalang mundo ng mga mikroorganismo, na naglatag ng pundasyon para sa teorya ng selula.[8] Sinang-ayunan ni Robert Hooke ang mga obserbasyon ni van Leeuwenhoek; lahat ng buhay na organismo ay binubuo ng isa o higit pang selula at hindi maaaring malikha nang kusa. Nagbigay ang teorya ng selula ng bagong pananaw sa pangunahing batayan ng buhay.[9]

Noong una;y nasasakupan lamang ng mga ginoong naturalista, sa ika-18, ika-19, at ika-20 dantaon, ang soolohiya ay unti-unting naging propesyonal na agham. Siniyasat ng mga eksplorador-naturalista tulad ni Alexander von Humboldt ang ugnayan ng mga organismo sa kanilang kapaligiran, at kung paano nakadepende ang relasyong ito sa heograpiya, na naglatag ng pundasyon para sa biyoheograpiya, ekolohiya, at etolohiya. Nagsimulang tanggihan ng mga naturalista ang esensyalismo at isaalang-alang ang kahalagahan ng pagkalipol at pagbabago ng mga espesye.[10]

Ang mga pag-unlad na ito, pati na rin ang mga resulta mula sa embriyolohiya at paleontolohiya, ay pinagsama sa publikasyon noong 1859 ng teorya ni Charles Darwin ng ebolusyon sa pamamagitan ng natural na pagpili; dito inilagay ni Darwin ang teorya ng organikong ebolusyon sa bagong batayan, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga proseso kung paano ito nagaganap, at pagbibigay ng ebidensiyang obserbasyonal na ito ay tunay na naganap.[11] Mabilis na tinanggap ng pamayanan ng agham ang teorya ni Darwin at naging pangunahing axiom o pangunahing prinsipyo sa mabilis na umuunlad na agham ng biyolohiya. Nagsimula ang batayan para sa modernong henetika sa gawain ni Gregor Mendel sa mga gisantes noong 1865, bagaman hindi noon natanto ang kahalagahan ng kanyang gawain.[12]

Mahalaga ang papel ng soolohiya sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon sa kapaligiran, kabilang ang pagbabago ng klima, pagkasira ng tirahan, at pagkalipol ng mga espesye. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng pagkakaiba-iba ng mga hayop at ng kanilang ugnayan sa ekosistema, nagbibigay ng impormasyon ang mga soologista para sa mga estratehiya sa konserbasyon at pagsasaayos ng ekosistema.[13] Halimbawa, ang pananaliksik sa asal ng mga espesye, henetika, at pangangailangan sa tirahan ay direktang nakatulong sa proteksyon ng mga nanganganib na populasyon at sa pagdisenyo ng mga daan ng ligaw na hayop.

Ang ornitolohiya ay ang tawag para sa sangay ng soolohiyang tumatalakay ukol sa mga ibon. Kilala rin ito bilang palaibunan at dalubibunan.[14][15]

Ang oolohiya ay ang tawag sa sangay ng ornitolohiyang tumatalakay ukol sa mga itlog ng mga ibon.[16]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "zoology". Online Etymology Dictionary (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-03-08. Nakuha noong 2013-05-24.
  2. 2.0 2.1 "Zoology | Definition, History, Examples, Importance, & Facts | Britannica". www.britannica.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-08-25.
  3. Claudii Galeni Pergameni (1992). Odysseas Hatzopoulos (pat.). "That the best physician is also a philosopher" with a Modern Greek Translation (sa wikang Ingles). Athens, Greece: Odysseas Hatzopoulos & Company: Kaktos Editions.
  4. Friedman, Meyer; Friedland, Gerald W. (1998). Medecine's 10 Greatest Discoveries (sa wikang Ingles). Yale University Press. p. 2. ISBN 0-300-07598-7.
  5. Agutter, Paul S.; Wheatley, Denys N. (2008). Thinking about Life: The History and Philosophy of Biology and Other Sciences (sa wikang Ingles). Springer. p. 43. ISBN 978-1-4020-8865-0.
  6. Saint Albertus Magnus (1999). On Animals: A Medieval Summa Zoologica (sa wikang Ingles). Johns Hopkins University Press. ISBN 0-8018-4823-7.
  7. Scott, Michon (26 Marso 2017). "Conrad Gesner". Strange Science: The rocky road to modern paleontology and biology (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-06-16. Nakuha noong 27 Setyembre 2017.
  8. Magner, Lois N. (2002). A History of the Life Sciences, Revised and Expanded (sa wikang Ingles). CRC Press. pp. 133–144. ISBN 0-8247-0824-5.
  9. Jan Sapp (2003). "Chapter 7". Genesis: The Evolution of Biology (sa wikang Ingles). Oxford University Press. ISBN 0-19-515619-6.
  10. William Coleman (1978). "Chapter 2". Biology in the Nineteenth Century (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. ISBN 0-521-29293-X.
  11. Coyne, Jerry A. (2009). Why Evolution is True (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. p. 17. ISBN 978-0-19-923084-6.
  12. Henig, Robin Marantz (2009). The Monk in the Garden: The Lost and Found Genius of Gregor Mendel, the Father of Modern Genetics (sa wikang Ingles). Houghton Mifflin. ISBN 978-0-395-97765-1.
  13. Pathak, Dr Charudatta; Adikane, Neha (2024-03-27). "Zoology: Exploring the Wonders of Animals". Science and Technology Magazine to Explore Your Passion (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-07-22.
  14. Gaboy, Luciano L. Ornithology - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  15. Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino, 1969.
  16. Gaboy, Luciano L. Oology - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.