Pumunta sa nilalaman

Suliranin ni Elektra

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Suliranin ni Electra)

Sa Neo-Freudianong sikolohiya, ang Suliranin ni Elektra, Problema ni Elektra, Kompleks ni Elektra, Kasalimuotan ni Elektra, Salimuot ni Elektra, Kumplikasyon ni Elektra, o Takot ni Elektra (Ingles: Electra complex), ayon sa mungkahi ni Carl Gustav Jung, ay ang pakikipagkompetensiya o pakikipagtunggali ng isang batang babae sa kanyang ina para sa pag-angkin sa sariling ama ng batang babae. Sa loob ng panahon ng kanyang kaunlarang sikoseksuwal, ang suliranin o kompleks ng batang babae ay ang pormasyon o pagkakaroon ng yugtong pangtiti ng isang hindi lantarang katauhang seksuwal; ang katumbas na karanasang ito sa isang batang lalaki ay ang suliranin ni Edipo. Nangyayari ang suliranin ni Elektra sa pangatlong — yugtong pangtiti (edad 3–6) — ng limang mga yugto ng sikoseksuwal na pag-unlad: (i) ang Pambibig, (ii) ang Pambutas ng puwit, (iii) ang Pangtiti, (iv) ang Kahimbingan, at (v) ang Panghenitalya — kung saan ang pinagmumulang kasiyahan ng libido ay nasa loob ng iba’t ibang mga sonang erohenosa ng katawan ng sanggol o bata.

Sa klasikong teoriyang sikoanalitiko, ang pagkilala ng bata sa magulang na may katulad o kaparehong kasarian ay ang matagumpay na paglampas, pagtugon, paglunas o resolusyon ng suliranin ni Elektra at ng suliranin ni Edipo; ito ang kanyang susing karanasang pangsikolohiya upang umunlad upang magkaroon ng isang hinog na gampaning pangkasarian o gampaning seksuwal at katauhan o pagkakakilanlan. Sa halip, iminungkahi ni Sigmund Freud na ang mga batang babae at mga batang lalaki ay nalulunas ang kanilang mga kompleks o mga suliraning ito sa magkaibang mga pamamaraan — ang batang babae sa pamamagitan ng pagkainggit sa titi, at ang batang lalaki sa pagkatakot na kapunin; na ang hindi matagumpay na paglulunas o pagtugon sa mga suliraning ito ay maaaring humantong sa neurosis, pedopilya, at homoseksuwalidad. Kung kaya, ang kababaihan at kalalakihan na nakatuon o nananatili sa yugtong Elektra at Edipo ng kanilang kaunlarang sikoseksuwal ay maaaring ituring na “nananatiling nakatuon ang pansin sa ama” o “nananatiling nakatuon ang pansin sa ina” na nabubunyag kapag ang kapareha (seksuwal na katalik) ay kahawig ng ama at ng ina.

Bilang isang sikoanalitikong patalinghaga (analohiko o metaporikal) para sa suliranin o kaguluhang pang-isipang ito, hinango ang sulirani ni Elektra magmula sa ika-5 daantaon BK na tauhang si Elektra ng mitolohiyang Griyego, nagtangka ng paghihiganti niya at ng kanyang kapatid na lalaking si Orestes laban sa kanilang inang si Clytemnestra, at laban din sa kanilang ama-amahang si Aegisthus, dahil sa pagpatay nina Clytemnestra at Aegisthus kay Agamemnon, ang tunay na ama nina Elektra at Orestes, (cf. Electra, ni Sophocles).[1][2][3] Nilikha at pinaunlad ni Sigmund Freud ang pambabaeng mga katangian ng teoriya ng kaunlarang seksuwal— na naglalarawn sa kalakarang pangsikolohiya ng isang batang babae na nakikipagsapalaran o nakikipagtunggali (nakikipagkumpetensiya) para sa pag-angkin seksuwal sa ama — bilang kaasalang Edipo ng babae at ang negatibong suliranin ni Edipo;[4] subalit ang kanyang katulungang si Carl Jung ang nag-imbento ng katagang kompleks ni Elektra noong 1913.[5][6][7] Tinanggihan ni Freud ang katawagan o katagang ito ni Jung at tinawag itong hindi tumpak para sa larangan ng sikoanalisis: kung saan sinaad ni Freud na ang kanilang sinabi hinggil sa suliranin ni Edipo ay mahigpit na magagamit o mailalapat lamang at natatanging para sa batang lalaki lang, at tama sila sa pagtanggi sa katagang ‘kompleks ni Elektra’, na naglalayong bigyan ng diin ang analohiya o paghahambing sa asal ng dalawang mga kasarian.[8]

Sa pagbuo ng isang lihim na katauhang seksuwal (ang ego) ang karanasan ng pagpapasya para sa isang batang babae ay ang suliranin ni Elektra — ang paglalaban ng anak na babae at ng ina para sa pag-angkin sa ama (ang asawa ng ina).[9] Nasa loob ito ng yugtong pangtiti (edad 3–6), kapag ang mga bata ay namulat na sa kanilang mga katawan, pati na ang mamalayan ang mga katawan ng iba pang mga bata, at ang mga katawan ng kanilang mga magulang, na nakabubusog ng kanilang kuryosidad na pangkatawan sa pamamagitan ng paghuhubo’t hubad at panggagalugad (eksplorasyon) sa kanilang pansariling mga organong pangkasarian at sa mga henitalya na rin ng ibang mga bata at ng kanilang mga magulang — ang sentrong erohenosa— yugtong pangtiti; kaya’t natututunan nila ang pagkakaiba ng katawan sa pagitan ng “lalaki” at “babae” at ng pagkakaiba ng kasarian sa pagitan ng “batang lalaki” at ng “batang babae”. Kapag ang unang seksuwal na pagkakiling o pagtuon ng isang batang babae sa ina ay nagwakas matapos na matuklasan niyang siya ay walang titi, inililipat na niya ang kanyang pang-libidong pagnanais (seksuwal na pagtuon) sa ama at tumataas ang kompetisyong seksuwal na kalaban ang kanyang ina.

Ang suliranin ni Elektra

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang katangiang sikodinamiko ng ugnayan ng anak na babae at ng ina sa kompleks ni Elektra ay nahango mula sa pagkainggit sa titi, na sanhi ng ina, na siya ring nagdulot ng pagkapon; subalit, kapag muling natuon ang kanyang pagkaakit na seksuwal sa ama (heteroseksuwalidad), pinipigilan (represyon) ng batang babae ang pagkakaroon ng isang matinding pakikipagtunggaling pambabae, dahil sa takot na mawala ang pagmamahal sa kanya ng kanyang ina. Ang internalisasyon ng “Ina” ang nagpapaunlad sa super-ego habang ang batang babae ay nagtatatag ng isang lihim na katauhang seksuwal (ang ego). Ang pagkaingit ng batang babae sa titi ay nag-ugat sa katotohanang pambiyolohiya, na kung siya ay walang titi, hindi niya seksuwal na maaangkin ang ina, na hinihingi o hinihiling (pangangailangan) ng id. Bilang resulta, inililipat ng batang babae ang kanyang pagnanais para sa pag-iisa o unyong seksuwal sa ama, kung kaya’t sumusulong sa pemininidad o pagkababaeng heteroseksuwal, na nagtatapos sa pagdadalangtao o pagkakaroon ng isang anak na pumapalit o humahalili sa kawalan ng titi. Bilang karagdagan pa, pagkalipas ng yugtong pangtiti, kasama sa pag-unlad na sikoseksuwal ng batang babae ang paglilipat ng kanyang sonang erohenosa magmula sa pansanggol o pambatang tinggil papunta sa puki ng taong nasa wastong gulang na o adulto. Kaya’t isinaalang-alang ni Freud ang pambabaeng kaasalang Edipo (ang “suliranin ni Elektra”) na mas masidhi ang damdamin kaysa sa suliranin ni Edipo ng isang batang lalaki, na maaaring kalabasan o magresulta sa isang babaeng may katauhan o personalidad na masunurin o hindi gaanong nagtitiwala sa sarili.[10]

Sa kapwa mga kasarian, ang mga mekanismong pangdepensa ay nagbibigay ng mga resolusyong transitoryo para sa mga suliranin sa pagitan ng mga pangangailangan o kagustuhan ng Id at ng mga pangangailangan ng Ego. Ang unang mekanismong pangsanggalang ay ang represyon, paghaharang o paghahadlang sa mga alaala o memorya, mga impulsong pangdamdamin, at mga ideya mula sa isipang may kamalayan o mulat; subalit hindi nito nalulunasan ang pagtutunggali o suliranin ng Id at Ego. Ang pangalawang mekanismong pangdepensa ay identipikasyon, kung saan inihahalo o isinasanib ng bata, sa kanyang ego, ang mga katangiang pampersonalidad o pangkatauhan ng magulang na may katulad na kasarian; sa pagkasanay o pakikibagay na ganito, napapadali o napapaginhawa ang pagkakakilala o pagtukoy ng batang babae sa ina, dahil nauunawaan niya na, sa pagiging mga babae, sila ay talagang kapwa walang titi, kaya’t hindi sila dapat maging magkaaway o magkalaban.[11] Kung ang tagisang seksuwal para sa magulang na may ibang kasarian ay hindi nalunasan, maaaring magkaroon ng nasa yugtong pangtiti na pananatili, na nagpapahantong sa isang batang babae upang maging isang adultong babaeng patuloy na nakikipagsapalaran upang mapangibabawan ang mga lalaki (ang pagpapatuloy ng pagseselos sa titi), na maaaring bilang isang hindi pangkaraniwang babaeng mapanghalina o seduktibo (may mataas na pagtitiwala sa sarili) o bilang isang babaeng masunurin o mababa ang tingin sa sarili (mababa o walang tiwala sa sarili). Sa isang batang lalaki, ang piksasyon o pananatili na nasa yugtong pangtiti ay maaaring magdala sa kanya upang maging isang napakaambisyoso ngunit walang pag-asang adultong lalaki. Kung kaya’t, ang katanggap-tanggap na paghawak o pangangasiwa at paglulunas ng magulang sa kumplikasyong Elektra ay ang pinakamahalaga sa pagpapaunlad ng pambatang super-ego, dahil sa pagkilala sa isang magulang, ang batang babae ay nakapagpapaloob sa kanyang sarili ng Moralidad, kaya’t pinipili niya ang pagsunod sa mga panuntunan na panlipunan, sa halip na kusa lamang na napapasunod na sumunod, dahil sa takot na maparusahan.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Murphy, Bruce (1996). Benét’s Reader’s Encyclopedia Fourth edition, HarperCollins Publishers:New York p. 310
  2. Bell, Robert E. (1991) Women of Classical Mythology: A Biographical Dictionary Oxford University Press:California pp.177–78
  3. Hornblower, S., Spawforth, A. (1998) The Oxford Companion to Classical Civilization pp. 254–55
  4. Freud, Sigmund (1956). On Sexuality. Penguin Books Ltd.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Jung, Carl (1913). The Theory of Psychoanalysis.
  6. Scott, Jill (2005) Electra after Freud: Myth and Culture Cornell University Press p. 8.
  7. Jung, Carl (1970). Psychoanalysis and Neurosis. Princeton University Press.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link).
  8. Sigmund Freud, On Sexuality (London 1991) p. 375
  9. “Sigmund Freud 1856–1939” (2000) na ipinasok sa Encyclopaedia of German Literature Routledge:London, nakuha noong 2 Setyembre 2009:
  10. Bullock, A., Trombley, S. (1999) The New Fontana Dictionary of Modern Thought Harper Collins:London pp. 259, 705
  11. Bullock, A., Trombley, S. (1999) The New Fontana Dictionary of Modern Thought Harper Collins:London pp. 205, 107
  • Breuer, J & Freud, S. (1909) Studies on Hysteria (1909). Basic Books
  • DeBeauvoir, S. (1952) The Second Sex Vintage Books:New York
  • Freud, S. (1905) Dora: Fragment of an Analysis of a Case of Hysteria W.W. Norton & Company:New York
  • Freud, S. (1920) “A Case of Homosexuality in a Woman” The Complete Psychological Works of Sigmund Freud Hogarth Press:New York
  • Lauzen, G. (1965) Sigmund Freud: The Man and his Theories Paul S. Eriksson, Inc.:New York
  • Lerman, H. (1986) A Mote in Freud’s Eye Springer Publishing Company:New York
  • Mitchell, J. (1974) Psychoanalysis and Feminism Vintage Books:New York
  • Tobin, B. (1988) Reverse Oedipal Complex Analysis Random House Publishing Company:New York