The Rolling Stones
Ang The Rolling Stones ay isang banda ng rock mula sa Inglatera na binuo sa Londres, Inglatera noong 1962. Ang mga kasapi sa banda ay sina Mick Jagger (taga-awit), Keith Richards (gitarista), Brian Jones (gitarista), Bill Wyman (bahista), at Charlie Watts (tagatambol). Naimpluwensiyahan ang banda ng mga musikero ng blues at rock and roll ng Estados Unidos na katulad nina Howlin' Wolf, Chuck Berry, Bo Diddley at Muddy Waters. Sa simula, ang una nilang mga patok na mga tugtugin ay may mga bersyong pantakip ng mga awit ng mga artistang ito. Kasama ng The Beatles, nakatulong sila sa pangunguna sa British Invasion ("Britanikong Paglusob") noong kaagahan at kalagitnaan ng dekada ng 1960.
Mabilis silang naging tanyag noong 1965 dahil sa awit na "The Last Time". Ang kantang "(I Can't Get No) Satisfaction" ay naging patok na tugtugin sa buong mundo. Nasundan ito ng mga awiting "19th Nervous Breakdown" at "Paint It, Black". Noong 1967, sinubukan nila ang isang estilo ng musikang sikedeliko. Subalit noong 1968, bumalik sila sa mas "mabigat" na estilo ng rock na kung tawagin sa Ingles ay hard rock na katulad ng mga kantang "Sympathy for the Devil", "Jumpin' Jack Flash" at "Honky Tonk Women".
Noong 1969, tinanggal si Brian Jones mula sa banda dahil sa kanyang lumalabis na pagkakalulong sa bawal na mga gamot. Ilang linggo pagkaraan, natagpuan si Jones na walang buhay sa kanyang languyan. Pinangalanan si Mick Taylor, isang iginagalang na bata pang gitarista, bilang kapalit ni Jones. Tumugtog si Taylor sa ilang pinaka matatagumpay na mga tugtugin ng banda noong bandang hulihan ng dekada ng 1960 at noong kaagahan ng dekada ng 1970, kasama na ang mga patok na awiting "Brown Sugar", "Tumbling Dice", at "It's Only Rock 'n Roll (But I Like It)". Nilisan ni Taylor ang banda noong 1974. Kinuha ng banda si Ronnie Wood bilang kapalit ni Taylor at nakapiling siya ng banda magmula noon. Nagretiro mula sa banda ang bahistang si Bill Wyman noong 1992.
Nananatiling isang masiglang banda na parating may matagumpay na pagrerekord at paglalakbay ng pagpapalabas sa mga entablado sa kahabaan ng mga dekada ng 1980 at ng 1990 magpahanggang sa dekada ng 2000. Sa kabuoan, nakapagpakawala sila ng 25 mga album mula sa estudyo, 10 "buhay" na mga album, at 92 mga isahan o singgulo.
Noong 1989, iniluklok ang The Rolling Stones sa Rock and Roll Hall of Fame ("Bulwagan ng Katanyagan ng Rock and Roll"). Noong 2004, inihanay sila bilang pang-apat sa talaan ng "100 Greatest Artists of All Time" ("100 Pinakamahusay na mga Artista sa Lahat ng Panahon") ng Rolling Stone Magazine.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao at Musika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.