Pumunta sa nilalaman

Toreng Eiffel

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Toreng Eiffel

Ang Toreng Eiffel sa bukang-liwayway, kapag pinagmamasdan mula sa Place du Trocadero.

Kabatiran
Lokasyon Paris, Pransiya
Kalagayan Kumpleto
Binuo 1887 – 1889
Gamit Toreng pangmasid ng mga tanawin
Toreng gamit sa pagsasahimpapawid ng mga palatuntunang pang-radyo
Taas
Antena/Sungay 324 metro (1,063 tal)
Bubungan 300.65 metro (986 tal)
Mga kumpanya
Arkitekto Gustave Eiffel
Inhinyerong
pangkayarian
Gustave Eiffel
Toreng Eiffel

Ang Toreng Eiffel (Ingles: Eiffel Tower, Pranses: Tour Eiffel, /tuʀ ɛfɛl/) ay isang toreng bakal na itinayo sa Champ de Mars sa tabi ng Ilog Sena sa Paris. Naging isang sagisag na pagkakakilanlang pandaigdig ito ng Pransiya at isa sa mga tanyag na gusali sa mundo. Isa rin ito sa mga pinakamataas na tore sa buong mundo. Simbolo ito ng atraksiyong panturista, dayuhan man o mula rin sa Pransiya.

Pagpapakilala

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isa sa mga pinakamatayog na gusali sa Paris ang pook pasyalang ito at isa sa agad-agarang nakikilalang kayarian sa mundo[1] na ipinangalan sa kaniyang manlilikha ng disenyong si Gustave Eiffel, isang inhinyero. May 6,719,200 na mga mamamayang pumasyal dito noong 2006[2] at mahigit sa 500,000,000 magmula pa noong itayo ito.[3] Samakatuwid, ang toreng ito ang pinakapapasyalang bantayog na may-bayad sa mundo.[4] Kabilang ang 24 m (79 talampakan) na mga antena, umaabot ang istruktura sa 325 m (1,063 talampakan) taas (mula pa noong 2000), na katumbas ng mga 81 palapag sa isang pangkaraniwang gusali.

Ang Toreng Eiffel habang tinatanaw mula sa Champ-de-Mars.

Nang makumpleto ang tore noong 1889, napalitan nito ang Bantayog ng Washington bilang pinakamataas na tore sa buong mundo — isang pamagat na inangkin nito hanggang 1930 kung kailan natapos ang pagtatayo ng Gusaling Chrysler ng Lungsod ng New York (319 m — 1,047 talampakang taas).[5] Sa ngayon, ito ang ika-limang pinakamatarik na kayarian sa Pransiya at ang siyang pinakamataas na istruktura sa Paris; pumapangalawang pinakamataas ang Tour Montparnasse (210 m — 689 talampakan), bagaman malalampasan na iyon ng Tour AXA (225.11 m — 738.36 talampakan).

May timbang na 7,300 tonelada ang istruktura ng Toreng Eiffel. Depende sa temperaturang pangkapaligiran, maaaring umiwas mula sa araw ang tuktok ng tore hanggang sa mga 18 sentimetro (7 pulgada) dahil sa paglobo o paglawig bakal sa bandang gilid ng araw. Umuugoy din ang toreng pasunod sa hangin ng may 6-7 sentimetro (2-3 pulgada).[6]

Mapupuntahan ang una at ikalawang palapag sa pamamagitan ng mga hagdan at mga elebeytor. May bilihan ng bilyete sa katimugang paanan ng tore kung saan matatagpuan din ang hagdanang papanik sa tore. Sa unang plataporma, nagpapatuloy ang mga hagdan pataas mula sa silangan ng tore; mararating lamang ang ikatlong palapag sa pamamagitan ng asensor. Kapag narating mo na ang una o ikalawang plataporma, bukas ang mga hagdanan para sa sinumang ibig pumaitaas o pumaibaba, na hindi sinisiyasat kung ang bayad ng turista ay para sa isang tiket na pang-elebeytor o panghagdan. Kabilang sa kabuang bilang ng mga hagdan ang 9 na mga hakbang patungo sa tindahan ng tiket sa paanan ng tore, 328 mga hakbang papunta sa unang palapag, 340 mga hakbang parating sa ikalawang antas at 18 mga hakbang patungo sa plataporma ng elebeytor na nasa ikalawang baitang. Kapag lalabas mula sa elebeytor sa ikatlong antas, may dagdag na 15  pang mga hakbang para makapanik sa pang-itaas na platapormang pangmasid. Palagiang nakaukit ang bilang ng hakbang sa gilid ng mga hagdanan upang makapagulat ng progreso sa taong pumapanik. Walang balakid sa pagtingin sa lokasyon na dagliang nasa ilalim at nasa paligid ng tore ang kabuoang iginugugol na panahon sa pagakyat, maliban na lamang sa mga ilang saglit na panahon kung saan nalulukuban ang mga bahagi ng hagdanan.

Kinabibilangan ang pangangalaga ng tore ng pagpapahid ng mga 50 hanggang 60 toneladang pintura bawat pitong taon upang mapananggalang ito mula sa kalawang. Para mapanatili ang iisang anyo nito para sa mga tumatanaw mula sa lupa, tatlong magkakahiwalay na timpla ng pintura ang ginagamit para sa tore, na ang pinakamadilim na timpla para sa ibaba, at ang pinakamapanglaw para sa itaas. Kung minsan binabago ang kulay ng pintura - sa ngayon pinintahan ito ng kulay na kayumangging-abo.[7] Sa unang palapag, may mga aparatong interaktibo na humihingi ng mga mungkahing boto upang malaman kung ano ang gagamiting kulay para sa mga susunod na panahon ng pagpipinta rito. Kabilang sa mga naglingkod bilang arkitekto ng Toreng Eiffel sina Emile Nouguier, Maurice Koechlin at Stephen Sauvestre.[8]

Ang Toreng Eiffel habang ginagawa noong Hulyo 1888.

Binuo ang kayarian ng Eiffel sa pagitan ng 1887 at 1889 bilang isang arkong pasukan para sa Pansandaigdigang Pagtatanghal ng 1889 (Exposition Universelle), isang Peryang Pandaigdig (World's Fair), na sumasagisag sa pagdiriwang na pang-sentenaryo (sentenyal) ng Rebolusyong Pransesa. Unang binalak ni Eiffel ang pagtatayo nito sa Barcelona, para sa Pansandaigdigang Pagtatanghal ng 1888, ngunit inisip ng mga nangangasiwa ng kaganapan, na nasa lungsod ng Barcelona, na isang kakaibang kayarian ang tore na hindi angkop para sa lungsod, at inisip din nilang magastos ang pagpapagawa ng tore. Matapos ang pagtangging ito ng mga tagapangasiwang nasa Barcelon, iniharap ni Eiffel ang kaniyang mungkahi sa mga namamahala ng Pansandaigdigang Pagtatanghal ng Paris, kung saan itatayo niya ang tore makaraan ang isang taon, noong 1889. Pinasinayaan ang tore noong 31 Marso 1889, at nagbukas noong 6 Mayo 1889. Tatlong daang mga manggagawa ang lumahok sa paglalapat ng 18,038 mga piraso ng mga bakal (isang uri ng purong anyo ng bakal na ginagamit sa mga istrukturang katulad ng Eiffel), na ginagamitan ng dalawa't kalahating milyong mga sabat, ayon sa disenyo ni Maurice Koechlin. Malaki ang pagkakataon na magkaroon ng mga aksidente sapagkat, hindi katulad ng mga modernong kayarian, isang nakalantad na balangkas ang tore ni Eiffel na wala ni anumang namamagitang mga palapag maliban na lamang sa dalawang baitang (platapormang tuntungan). Subalit dahil sa gumamit si Eiffel ng mga paniniguro laban sa mga sakuna kabilang na ang mga naigagalaw na mga palapag, mga rehas na bakal, at mga lambat o engkahe, isang tao lamang ang namatay.

Nagkamit ng mga pagtuligsa mula sa publiko ang tore nang mabuo ito, karamihan sa mga ito ang tumatawag na hindi kahalihalina sa mga mata ang tore. Sinasabing araw-araw na kumakain ng pananghalian ang nobelistang si Guy de Maupassant - na umaming kinamumuhian niya ang tore - sa bahay-kainan ng tore. Sa ngayon, itinuturing ito bilang isang kabighabighaning piyesa ng sining na pang-gusali.

Isa sa mga pangunahing kataga sa mga pelikulang pang-Hollywood ang nagsabi na laging kabilang sa tanawin mula sa bintanang Parisyano ang tore. Sa katotohanan, dahil sa mga limitasyong pang-sona para sa mga taas ng mga gusali, halos lahat ng mga gusali sa Paris ay hanggang pitong palapag lamang, kung kaya't ang mga iilan lamang na mga mas mataas sa pitong palapag ang may malinaw na tanawin ng tore.

May permiso si Eiffel para mapanatiling nakatayo ang tore sa loob ng 20 mga taon, na nangangahulugang maaaring buwagin ito pagdating ng 1909, kapag mabalik ang pagmamay-ari nito sa Lungsod ng Paris. Binalak buwagin ito ng Lungsod ng Paris (bilang bahagi ng isang orihinal na patakaran para sa ganitong mga uri ng tore) subalit naging lubhang mahalaga ang tore bilang isang kasangkapan sa pakikipagugnayan, kung kaya't pinayagan itong manatili kahit man lampas na sa taning ng permiso. Ginamit ito ng militar sa paglulunsad ng mga taksing Parisyano patungo sa mga pook na pinangyayarihan ng Unang Labanan ng Marne, kung kaya't naging mahalagang bantayog ito ng tagumpay ng labanang iyon.

Mga himpilang pampalatuntunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Palatuntunan Frequency ERP
France Inter
Regional 90,35 MHz 3 kW
France Culture 93,35 MHz 3 kW
France Musique 97,6 MHz 3 kW
Palatuntunan Takdang bilang sa pihitan (channel) Frequency ERP
Canal+
6
182,25 MHz 100 kW
France 2
22
479,25 MHz 500 kW
TF1
25
503,25 MHz 500 kW
France 3
28
527,25 MHz 500 kW
France 5
30
543,25 MHz 100 kW
M6
33
567,25 MHz 100 kW

Ibang istruktura na dinadala ang pangalang Toreng Eiffel

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga mungkahing babasahin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Ang Toreng Eiffel bilang Pandaigdigang bantayog
  2. Ilang mga estadistika
  3. Bilang ng mga bisita mula pa noong 1889
  4. LeMonde.fr : Tour Eiffel et souvenirs de Paris[patay na link]
  5. "Artikulo ng Toreng Eiffel mula sa ThinkQuest". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-28. Nakuha noong 2008-03-24.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Ilang estadistika
  7. Pagpipinta ng Toreng Eiffel
  8. Pagbubungang-diwa at disenyo ng Toreng Eiffel
  9. SkyscraperPage.com

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sinundan:
Monumentong Washington
Pinakamatataas na mga istruktura sa mundo
1889—1931
300.24m
Susunod:
Gusaling Chrysler