Pumunta sa nilalaman

Tren

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang tren ng Pambansang Daang-bakal ng Pilipinas sa Estasyon ng Tutuban

Ang isang tren (mula sa Lumang Pranses na trahiner, na mula sa Latin na trahere, "hilain, kaladkarin"[1]) ay isang serye ng mga konektadong sasakyan na tumatakbo sa kahabaan ng riles ng tren at nagdadala ng mga tao o kargamento. Karaniwang hinihila o itinutulak ang mga tren ng mga lokomotibo (kadalasang kilala bilang "mga makina"), kahit na sariling-tinutulak ang ilan, gaya ng maraming yunit o karwahe. Dinadala ang mga pasahero at kargamento sa mga bagon o karawahe ng tren. Idinesenyo ang mga tren sa isang tiyak na sukat, o distansya sa pagitan ng mga riles. Tumatakbo ang karamihan sa mga tren sa mga riles na bakal na may mga gulong na bakal, na ang mababang pagkiskis ay ginagawang mas mahusay ang mga ito kaysa sa iba pang mga paraan ng transportasyon.

Mababakas ang pinagmulan ng mga tren sa mga daang bagon (o wagonways), na gumamit ng mga riles ng tren at pinapatakbo ng mga kabayo o hinila ng mga kable. Kasunod ng pag-imbento ng steam locomotive (o lokomotibong pinapaandar ng singaw) sa Reyno Unido noong 1802, mabilis na kumalat ang mga tren sa buong mundo, na nagpapahintulot sa mga kargamento at mga pasahero na maglakbay sa kalupaan nang mas mabilis at mas mura kaysa sa dati. Unang itinayo ang mga metro at trambiya noong huling bahagi ng dekada 1800 upang maghatid ng malaking bilang ng mga tao sa loob at paligid ng mga lungsod. Simula noong dekada 1920, at pabilis pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinalitan lokomotibong diesel at de kuryente ang makinang singaw bilang paraan ng lakas motibo. Kasunod ng pagbuo ng mga kotse, trak, at malawak na magkakadugtong na mga lansangang-bayan na nag-aalok ng higit na kadaliang kumilos, pati na rin ang mas mabilis na mga eroplano, bumaba ang kahalagahan at bahagi sa merkado ng mga tren, at maraming linya ng tren ang inabandona. Humantong ang paglaganap ng mga bus sa pagsasara ng maraming mabilis na sistemang metro at tram sa panahong ito.

Mula noong dekada 1970, ang mga pamahalaan, mga makakalikasan, at mga tagapagtaguyod ng tren ay nagsulong ng mas mataas na paggamit ng mga tren dahil sa kanilang mas mahusay na paggamit ng gas (o fuel efficiency) at mas mababang emisyon ng gas na greenhouse kumpara sa iba pang mga paraan ng transportasyong kalupaan. Ang mataas na bilis na riles (o high-speed rail), na unang ginawa noong dekada 1960, ay napatunayang mapagkumpitensya sa mga kotse at eroplano sa maikli hanggang katamtamang distansya. Lumago ang kahalagahan ng riles pang-komyuter noong dekada 1970 bilang isang alternatibo sa masikip na mga lansangang-bayan at isang paraan upang isulong ang pag-unlad, tulad ng magaan na riles sa ika-21 siglo. Ang mga tren ng kargamento ay nananatiling mahalaga para sa transportasyon ng maramihang mga kalakal tulad ng uling at butil, gayundin bilang isang paraan ng pagbabawas ng pagsisikip ng trapiko sa kalsada ng mga trak ng kargamento.

Habang ang tumatakbo ang kumbensyunal na tren sa medyo patag na mga riles na dalawahan, mayroong ilang mga espesyal na tren na may malaking pagkakaiba sa kanilang paraan ng pagpapatakbo. Gumagana ang mga monorail sa iisang riles, habang ang mga funicular at rack railway ay natatanging idinisenyo upang tumawid sa mga matarik na dalisdis. Ang mga eksperimental na tren gaya ng mga mataas na bilis na maglev, na gumagamit ng magnetikong paglutang para lumutang sa itaas ng isang daang-gabay, ay ginagawa na simula noong dekada 1970 at nag-aalok ng mas mataas na bilis kaysa sa pinakamabilis na tradisyonal na tren. Ang mga tren na gumagamit ng mga alternatibong panggatong tulad ng natural na gas at hidroheno ay isang kaunlaran ng ika-21 dantaon.

Terminolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang terminolohiyang pangriles na ginagamit upang ilarawan ang isang tren ay nag-iiba-iba sa pagitan ng mga bansa. Ang International Union of Railways (Internasyunal na Unyon ng mga Daambakal) ay naglalayong magbigay ng pamantayang terminolohiya sa mga wika.[2] Ang Association of American Railroads (Asosasyon ng mga Amerikanong Riles ng Tren) ay nagbibigay ng terminolohiya para sa Hilagang Amerika.[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Definition of train (noun) in Compact OED". AskOxford.com (sa wikang Ingles). Oxford University Press. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Mayo 2005. Nakuha noong 18 Marso 2008.
  2. "Terminology". International Union of Railways (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-07-18.
  3. "MANUAL OF STANDARDS AND RECOMMENDED PRACTICES SECTION A-I" (PDF). Association of American Railroads (sa wikang Ingles). Nakuha noong 18 Hulyo 2024.