Pumunta sa nilalaman

Wireless

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang radyong pang-marino na handheld o nahahawakan ng kamay.

Ang wireless o kawalan ng kawad ay isang uri ng komunikasyon na hindi gumagamit ng mga kawad o kable upang magpadala ng mga impormasyon. Ang komunikasyong wireless ay terminong ginagamit sa telekomunikasyon kung saan ang dalawa o marami pang mga makina o mga aparato ay nakakapag-usap sa isa't-isa kahit magkakalayo at walang pisikal na koneksiyon sa bawat isa. Ito ay maaaring pagpapadala ng mga impormasyon sa magkakalapit na bagay tulad ng bluetooth sa cellphone o kaya ay sa sobrang magkakalayong mga lugar tulad ng pagpapadala ng signal sa mga satellite sa labas ng ating mundo.

Ang komunikasyon wireless ay gumagamit ng mga enerhiya sa anyo ng frequency ng radyo, akustika, optikal at iba pa. Sa pamamagitan ng mga signal na galing sa bawat anyo ng enerhiyang ito ay nagagawang magpadala ng mga aparato ng mga mensahe o impomasyon sa pamamagitan ng pagsasakay ng impormasyon o ang paghuhulma sa mga enerhiyang ito sa paraang maiintindihan ng kausap na makina ng nagpadala.

Nagkaroon ng wayrles komunikasyon dahil sa pagkakaroon ng limitasyon ng komunikasyong may kawad o wired. Habang mas nagiging magkakalayo ang mga makina at aparatong kinakailangang konektado sa isa't-isa ay mas nagiging mahirap ang paggamit ng mga kable at kawad dahil sa pisikal na limitasyon nito. Bukod pa dito ay mas lumalala ang ingay na nasasagap o nadudulot ng mga kable mismo na nakakaapekto sa impormasyon o mensaheng ipinapadala. Ang pinakapopular na gamit o kasangkapan na gumagamit ng komunikasyong wireless ay ang cellphone na gamit ng halos lahat ng tao sa mundo para makipag-usap sa pamamagitan ng pagtawag o pagtetext sa mga kakilala na malayo sa piling. Ilan pa sa mga makina o aparatong gumagamit ng komunikasyong wireless ay ang mga radio, telebisyon, wirrless na mouse, keyboard at headset at iba pang mga parapernalya ng kompyuter at iba pa. Habang tumatagal ay mas nagiging popular ang paggamit ng mga teknolohiyang wireless dahil sa mas malaya itong nagagamit at hindi nalilimitahan ang mga gumagamit nito sa paggalaw.