Audrey Hepburn

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Audrey Hepburn
Kapanganakan Audrey Kathleen Ruston
4 Mayo 1929(1929-05-04)
Ixelles, Belgium
Kamatayan 20 Enero 1993 (edad 63)
Tolochenaz, Vaud, Switzerland
Sanhi ng kamatayan Kanser sa apendiks
Libingan Sementeryo ng Tolochenaz, Tolochenaz, Vaud, Suwitserlandiya
Nasyonalidad Britanika
Iba pang pangalan
  • Edda van Heemstra
  • Audrey Kathleen Hepburn-Ruston
Hanapbuhay Aktres, humanitaryana
Mga taon ng kasiglahan 1948–1992
Asawa
Katambal
Anak
  • Sean Hepburn Ferrer
  • Luca Dotti
Mga magulang
  • Joseph Victor Anthony Ruston (namatay na)
  • Ella van Heemstra (namatay na)
Mga parangal Tala ng mga gantimpala at parangal
Lagda
Website
.com

Si Audrey Hepburn, na ipinanganak bilang Audrey Kathleen Ruston (4 Mayo 1929 – 20 Enero 1993), ay isang Britanikang aktres at humanitaryana na ipinanganak sa Belhika na hinahangaan dahil sa kanyang karisma at pagkaelegante. Bagaman mayumi sa kanyang kakayahan sa pag-arte, nananatili si Hepburn bilang isa sa pinaka tanyag na mga aktres sa lahat ng kapanahunan, na naaalala bilang isang ikono sa pelikula at sa moda ng ika-21 daantaon. Sa muling pagbibigay ng bagong kahulugan sa salitang kahalihalina o mapang-akit, sa diwa ng glamor o glamour sa Ingles, na mayroon mga tampok na katangiang maliliit o tila parang sa duwende[1] at isang pigurang gamina o mapaglaro at maharot na bata at tila palaboy na nakapagbigay ng inspirasyon sa mga disenyo ni Hubert de Givenchy, pinasinayahan siya sa Bulwagan ng Katanyagan ng Internasyunal na Tala ng mga Pinaka Mahusay Magdamit, at inihanay, ng Instituto ng Pelikulang Amerikano, bilang ikatlo sa pinaka dakilang babaeng alamat ng puting tabing sa kasaysayan ng Sinemang Amerikano.

Ipinanganak sa Ixelles, isang distrito ng Bruselas, ginugol niya ang kanyang kabataan sa pagitan ng Belhika, Inglatera, at Nederlandiya, kabilang ang Arnhem na inuokupahan ng mga Aleman noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Magmula 1939, nag-aral siya ng baley sa Arnhem at pagkalipas ng digmaaan, nag-aral siya sa ilalim ng pagtuturo ni Sonia Gaskell sa Amsterdam. Noong 1948, lumipat siya sa London kung saan nagpatuloy siya ng pagbabaley at nagtanghal bilang isang pangkorong batang babae sa sari-saring mga produksiyon ng teatrong musikal sa West End. Pagkaraang lumitaw sa ilang mga pelikulang Britaniko at naging bida sa dulang pang-Broadway noong 1951 na may pamagat na Gigi, si Hepburn ay kaagad na nagkamit ng kabituinan sa Hollywood dahil sa pagganap sa pangunahing papel sa Roman Holiday (1953), isang dulang nagwagi ng Gantimpala ng Akademya. Sa pagdaka ay gumanap siya ng mga papel sa Sabrina (1954), The Nun's Story (1959), Breakfast at Tiffany's (1961), Charade (1963), My Fair Lady (1964) at Wait Until Dark (1967), si Hepburn ay naging isa sa pinaka dakilang mga aktres ng pinilakang tabing o ng pelikula noong Ginintuang Panahon ng Hollywood na nakatanggap ng Gantimpala ng Akademya, Gantimpala ng Ginintuang Globo, at mga nominasyon ng BAFTA, at nakapagdagdag ng isang Gantimpalang Tony dahil sa kanyang pagtatanghal sa dula sa Broadway na Ondine noong 1954. Nananatili si Hepburn na isa sa mangilan-ngilang mga tagapag-aliw na nakapagwagi ng mga gantimpala mula sa Akademya, Emmy, Grammy, at Tony.

Sa pagdaka, sa pagpapatuloy ng kanyang buhay, kumaunti ang mga pelikulang nilahukan niya, at iniukol niya ang kanyang lumaong buhay sa UNICEF. Ang kanyang mga pakikibaka noong panahon ng digmaan ang nagbigay ng inspirasyon sa kanyang pagkahumaling sa gawaing pangkawanggawa o humanitaryano at, bagaman si Hepburn ay nag-ambag sa organisasyon mula noong dekada ng 1950, nagtrabaho siya sa ilang pinaka masisidhing mararalitang mga pamayanan sa Aprika, Timog Amerika, at Asya noong kahulihan ng dekada ng 1980 at kaagahan ng dekada ng 1990. Noong 1992, si Hepburn ay ginantimpalaan ng Medalya ng Kalayaan ng Pangulo bilang pagkilala sa kanyang gawain bilang isang Embahador ng Mabuting Hangarin ng UNICEF subalit namatay dahil sa kanser sa apendiks habang nasa kanyang tahanan sa Suwitserlandiya, sa edad na 63, noong 1993.[2][3][4] Noong 2011, napangalanan siya bilang isa sa "100 Hottest Women of All-Time" (100 Pinaka Maiinit na mga Babae sa Lahat ng Panahon) ng Men's Health.[5]

Mga sanggunian[baguhin]

  1. Weiler, A. W. (28 Agosto 1953). "'Roman Holiday' at Music Hall Is Modern Fairy Tale Starring Peck and Audrey Hepburn". The New York Times. http://movies.nytimes.com/movie/review?res=940DE6DA153EE53BBC4051DFBE668388649EDE. Hinango noong 14 January 2008. 
  2. de Givenchy, Hubert (2007). Audrey Hepburn. London: Pavilion. p. 19. ISBN 978-1-86205-775-3. 
  3. Ferrer, Sean (2005). Audrey Hepburn, an Elegant Spirit. New York: Atria. p. 148. ISBN 978-0-671-02479-6. 
  4. Paris, Barry (2001). Audrey Hepburn. City: Berkley Trade. p. 361. ISBN 978-0-425-18212-3. 
  5. "The 100 Hottest Women of All-Time". Men's Health. 2011. http://www.menshealth.com/sex-women/hottest-women-all-time. Hinango noong Marso 31, 2012. 


ArtistaPelikulaBritanya Ang lathalaing ito na tungkol sa Artista, Pelikula at Britanya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.