Balagtasan

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin
Si Francisco Balagtas, inspirasyon sa paglikha ng balagtasan.

Ang balagtasan ay uri ng pagtatalo ng dalawang magkaibang panig ukol sa isang paksa. Hinango mula sa pangalan ni Francisco Balagtas, inilalahad ang sining na ito ang isang uri ng panitikan na kung saan ipinapahayag ang mga saloobin o pangangatwiran sa pamamagitan ng pananalitang may mga tugma sa huli.

Unang nagsimula ang balagtasan sa Pilipinas noong Abril 6, 1924 na nilikha ng mga pangkat na manunulat para alalahanin ang kapanganakan ni Francisco Balagtas.[1] Ginawa nila ang unang balagtasan na may tatlong hanay ng mga makata na ipinapahayag ng isang naka-iskrip na pagtatanggol. Binatay nila ang anyo sa mas naunang mga uri ng pagtatalo na gumagamit din ng elemento ng tula katulad ng karagatan, huwego de prenda at duplo.

Kadalasan itong binubuo ng tatlong magtatanghal na may dalawang magtatalo na magkasalungat ang pananaw at isang tagapamagitan na tinatawag na lakandiwa (lalaki) o lakambini (babae). Mayroon din mga hurado na siyang maghuhusga kung sino ang mananalo. Inaasahan ang panitikang ito na patalinuhan ng pagpapahayag ng mga patulang argumento ngunit maaari din itong magbigay libangan sa pamamagitan ng katatawanan, anghang ng pang-aasar, pambihirang talas ng isip, at mala-teatrikong at dramatikong pagpapahayag.[2]

Kasaysayan[baguhin]

Noong Marso 28, 1925, limang araw bago ang kaarawan ni Balagtas, nagpulong ang ilang mga nangungunang manunulat sa Instituto de Mujeres, kalye ng Tayuman, Tondo, Maynila, Pilipinas para maghanda sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa Abril 2, 1925.[2] Tanggapan ni Rosa Sevilla, isang kilalang manunulat, ang gusaling iyon. Dito nila nalikha ang konsepto ng balagtasan nang may mga ilang nagmungkahi ng makabagong duplo.

Noong Abril 6, 1925, tatlong magkatambal ang lumahok sa unang balagtasan sa Instituto de Mujeres,ito ay sina Rafael Olay laban kay Tomas de Jesus,Amado V. Hernandez laban kay Guillermo Holandez. [2] Sa mga lumahok, sina Jose Corazon de Jesus (Huseng Batute), at Florentino Collantes(Kuntil Butil), isang rin manunula sa Bulacan ang nakatanggap ng pinakasiglang tugon mula sa madla. "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" ang pamagat ng kanilang paksang kanilang pinagtalunan na sinulat nilang pareho.Ang dalawang ito ang nanomina sa panglawang paghaharap.

Dahil sa matagumpay na pagtanggap ng publiko kina De Jesus at Collantes, naghanda ang nag-organisa ng mga ilang pang mga balagtasan na kinakasangkutan ng dalawa. Dahil sa talino ng dalawa naghanda sila ng balagtasan na walang iskrip noong Oktubre 18, 1925 sa Olimpikong Istadyum sa Maynila upang lalo pa silang masubok.[1] Ang naging paksa nila ay "Ang Dalagang Filipina: Noon at Ngayon." Kinuha ni De Jesus ang panig ng kababaihan noon samantalang pinili ni Collantes naman ang kababaihan ngayon. Sa katapusan ng balagtasan, nanalo si De Jesus at tinanghal na Unang Hari ng Balagtasan.

Pagkatapos ng pagtatanghal nila De Jesus at Collantes noong 1925 hanggang lumipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging sikat ang balagtasan sa Pilipinas at ninanais ng mga manunula ang titulong Hari ng Balagtasan.[1] Dahil sa kasikatan ng ganitong anyo ng panitikan, nagkaroon ng ibang kahintulad na patulang pagtatalo sa ibang wika mula sa Pilipinas katulad ng Ilokano at Kampampangan maging wikang Ingles o Kastila. Naimbento ng mga Ilokano ang bukanegan bilang pagkilala kay Pedro Bukaneg, isang Ilokanong makata. Samantalan, nagkaroon naman ng crisotan ang mga Pampango na hinango nila mula sa manunula at dramatistang si Juan Crisostomo Soto.

Tungkulin ng balagtasan[baguhin]

Maliban sa tagisan ng talino at pagbibigay ng aliw sa mga manonood, nagkaroon ang balagtasan ng isang mas mataas na pampolitika at panlipunang tungkulin.[2] Binibigay ng mga sumasali sa balagtasan ang kanilang saloobin tungkol sa kasalukuyang pangyayari at suliranin katulad ng ginagawa ng mga kolumnista at patnugot ng isang pahayagan.[2] Ilan sa mga balagtasan nina De Jesus at Collantes ang mga pampolitikang paksa katulad ng "Koalisyon at Kontra Koalisyon" na tumutukoy sa masiglang kampanya ng noong Pangulong Manuel Quezon upang pag-isahin ang lahat ng partidong pampolitika sa ilalim ng Partido Nacionalista na siyang partido na pamahalaan noon.

Mga sanggunian[baguhin]