Pumunta sa nilalaman

Aklat ni Jonas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Aklat ni Jonás)
Mga Aklat ng Bibliya

Ang Aklat ni Jonas[1] o Aklat ni Jonah[2] ay isang aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Inakdaan ito ng propetang si Jonas, na pinaniniwalaang siyang nabanggit sa 2 Hari: 14: 25.[3] Ang Aklat ni Jonas ay isinulat pagkatapos ng pagpapatapon sa Babilonya ng mga mamamayan ng Kaharian ng Juda sa Lungsod ng Babilonya.

May-akda at panahon ng pagkasulat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang anak Amitai si Jonas, at taga-Gat Jefer. Namuhay siya noong panahon ng pamumuno ni Jeroboam II, ang hari noon ng Israel, noong mga 783 BCE hanggang 743 BCE.[3] Pinaniniwalaang isinulat ang aklat pagkatapos ng Pagpapatapon sa Babilonya ng mga mamamayan ng Kaharian ng Juda ng Imperyong Neo-Babilonya noong mga ika-6 daantaon BCE. Subalit may mga nagsasabing namuhay at nangaral din si Jonas noong mga may dalawang-daan taon pa sa nakaraan mula sa petsang nabanggit (mula sa ika-6 daantaon pabalik pa sa nakaraan).[4]

Sa pamamagitan ng aklat ng ito, ipinakikilala sa mambabasa na mga "anak ng Diyos" ang sangkatauhang karapatdapat na tumanggap ng awa mula sa Diyos kapag nagsagawa ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagkukulang.[3] Ipinakikita rin dito ang "lubos na kapangyarihan ng Diyos" sa ibabaw ng kabuoan ng kaniyang sangnilikha. Ngunit bagaman may ganitong katangian ang Diyos, pinapatunghayan na ang Diyos ay isang "Diyos ng pag-ibig at awa" at nakahandang magpataw ng kapatawaran at maggawad ng kaligtasan sa mga "kaaway ng kaniyang bayan."[1] Bilang karagdagan, itinuturo pa rin ng Aklat ni Jonas na hindi lamang nakalaan ang pagmamahal, awa at pagkalinga ng Diyos sa Israel lamang, bagkus kabilang dito ang mga mamamayan ng isang dayuhang lungsod, ang Ninive, isang pook na kinamumuhian ng mga Israelita. Dahil dito, ipinamumukha ng aklat na pandaigdigan ang Diyos sapagkat para siya sa mga Hudyo at maging para sa mga hentil; at may tungkulin ang Israel na ipahayag ang katotohanang ito sa iba pang mga bansa.[4]

Si Jonas, habang iniluluwa ng dambuhalang isda.

Sinasabing naiiba ang Aklat ni Jonas kung ihahambing sa ibang mga aklat ng isinulat ng mga propeta ng Bibliya sapagkat isa itong sulatin tungkol sa isang propetang nagtangkang suwayin ang kautusan ng Diyos na si Yahweh. Tumanggi si Jonas nang atasan siya ng Diyos upang pumunta sa Nineveh, ang kabisera ng Imperyong Neo-Asirya(na wumasak sa Kaharian ng Israel (Samaria) at ipinatapon ang mga mamamayan nito sa Asirya noong ca. 722 BCE). Hindi naniwala si Jonas na gagawin ng Diyos ang banta nitong pagwasak sa lungsod ng Nineveh. Sa kaniyang pakikipagsapalarang ito bilang propeta, pinilit na iwasan ni Jonas ang mahirap na kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbalak na pumunta sa Tarsis, subalit inabutan lamang ng isang malakas na unos ang kinalululanan niyang sasakyang dagat. Nagpalabunutuan at nabatid ng kaniyang mga kasama sa sasakyan na siya ang dahilan ng pagbagyo, kaya't itinapon ng mga ito si Jonas sa tubig. Nang nasa tubig na ng dagat, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda sa loob ng 3 araw at 3 gabi. Si Jonas ay nanalangin at inutos ni Yahweh na iluwa si Jonas ng isda.[3] Pagkaraan ng kaganapang ito, tumuloy si Jonas sa Nineveh, at may pagbabantulot niyang sinunod ang utos sa kaniya ng Diyos. Nagsisisi ang hari ng Asirya at mga mamamayan at hindi itinuloy ni Yahweh ang pagwasak ng Nineveh, Nagkaroon siya ng paghihinanakit sa Diyos dahil hindi nga natupad ang pangwawasak sa nasabing lungsod.[1]

Kaugnayan sa Bagong Tipan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Bagong Tipan ng Bibliya, nabanggit ni Hesus sa kaniyang mga pangangaral ang hinggil sa kasaysayan ni Jonas at ang dambuhalang isda, sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 12: 39-41).[3] Sa mga ebanghelyo ng Bibliya, tinukoy pa rin ni Hesus ang "sagisag ni Jonas" nang maraming ulit, na itinuturing sa Ebanghelyo ni Mateo bilang isang hula hinggil sa muling pagkabuhay ni Hesus.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 "Aklat ni Jonas". Ang Biblia/Bagong Magandang Balita Biblia (Lumang Tipan, Deuterocanonico at Bagong Tipan). Philippine Bible Society, Lungsod ng Batangas, Pilipinas. 2008.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Long, Dolores; Long, Richard (1905). "Aklat ni Jonah". Ang Dating Biblia (Ang Biblia/Ang Biblia Tagalog), wika: Tagalog/Pambansang Wika ng Pilipinas, nasa dominyong publiko. Online Bible, Byblos.com.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 Abriol, Jose C. (2000). "Jonas". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 Reader's Digest (1995). "Jonah". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]