Pumunta sa nilalaman

Ang Kubà ng Notre-Dame

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya


Ang Kubà ng Notre-Dame
Pahina ng pamagat mula sa unang edisyon ng Ang Kubà ng Notre-Dame (Notre-Dame de Paris) noong 1831
May-akdaVictor Hugo
Orihinal na pamagatNotre-Dame de Paris
BansaPransiya
WikaPranses (orihinal)
Dyanraromantisismo, piksyong Gothic
TagapaglathalaGosselin
Petsa ng paglathala
16 Marso 1831
Uri ng midyaHardback
Mga pahina940 (3 bolyum)

Ang Kubà ng Notre-Dame (Ingles: The Hunchback of Notre-Dame; Pranses: Notre-Dame de Paris, "Birhen ng Paris") ay isang nobela sa wikang Pranses ni Victor Hugo na inilathala noong taong 2022.

Pamagat ng akda

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang orihinal na pamagat ng nobela na Notre-Dame de Paris ay tumutukoy sa pangunahing tagpuan nito, ang Katedral ng Notre-Dame. Ang mas tanyag na pamagat nito sa wikang Ingles na The Hunchback of Notre Dame ay nagmula sa pamagat ng salinwika ni Frederic Shoberl noong 1833 at tumutukoy sa pangunahing tauhan ng nobela na si Quasimodo.

Buod ng banghay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1482 sa lungsod ng Paris, sa panahon ng paghahari ni Louis XI sa Pransiya, ang hitánang si Esmeralda ay tanyag sa mga kalalakihan dahil sa kanyang angking kagandahan. Kabilang sa mga kalalakihang ito ay ang kubàng si Quasimodo (ang tagatugtog ng kampana ng Katedral ng Notre-Dame), ang ama-amahan ni Quasimodo na si Claude Frollo (Arkidiyakono ng Notre-Dame), ang makisig na kapitan ng mga kawal ng Hari na si Phoebus de Chateaupers, at ang makatang si Pierre Gringoire.

Natitigatig si Arkidiyakono Frollo dahil sa nararamdaman niyang pagkalibog kay Esmeralda kahit na siya ay isang pari, at inutusan niya si Quasimodo upang dukutin ang hitána. Nang isinasagawa na ang pagdukot sa gitna ng gabi, saktong dumating si Kapitan Phoebus upang iligtas si Esmeralda at arestuhin si Quasimodo. Si Gringoire, na nagtangkang iligtas si Esmeralda pero nagulpi ni Quasimodo, ay nadakip ng mga pulubi at dinala sa "Hukuman ng mga Himala" (Cour des miracles) upang bitayin, ngunit nailigtas siya ni Esmeralda sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kanya. Sa basbas ni Clopin Trouillefou, ang pinuno ng Hukuman, si Gringoire ay idineklara bilang asawa ni Esmeralda sa loob ng apat na taon. Kinabukasan, hinatulan si Quasimodo ng parusang paghagupit sa harapan ng madla. Nang siya ay nauuhaw at humihingi ng maiinom, nilapitan siya ni Esmeralda at binigyan ng tubig. Dito naantig ang puso ni Quasimodo kay Esmeralda.

Ang pagligtas ni Quasimodo kay Esmeralda at ang kanyang pagsigaw ng "Santuwaryo!" (likhang-sining ni Nicolas Eustache Maurin)

Samantala, si Esmeralda ay nahuhumaling kay Kapitan Phoebus na, lingid sa kanyang kaalaman, ay ikakasal na sa mayamang dalagang si Fleur-de-Lys de Gondelaurier. Nagkatipan ang dalawa sa isang bahay-panuluyan at habang hinahalik-halikan ng Kapitan ang hitána, lihim silang pinagmamasadan ni Arkidiyakono Frollo na puno ng galit at pagseselos. Lumabas si Frollo mula sa kinatataguan nito at tinangkang patayin sa saksak ang Kapitan. Dahil agad na nakatakas si Frollo, si Esmeralda ang nadakip at ang naakusahan sa krimen. Siya ay hinatulan ng parusang kamatayan. Nang inihahanda na si Esmeralda sa bitayan upang patayin, nagpadausdos si Quasimodo sa lubid ng kampana mula sa taas ng Notre-Dame at dagling dinala si Esmeralda patungo sa katedral upang maprotektahan siya sa ilalim ng batas ng santuwaryo⁠—hindi maaaring dakpin ang sinumang nasa loob ng Notre-Dame.

Sa loob ng Notre-Dame, hinandugan ni Quasimodo si Esmeralda ng damit, pagkain, at kutson na mahihigaan. Nakaramdam ng awa si Esmeralda nang inilahad ni Quasimodo ang dahilan ng kanyang pagligtas sa kanya: ito ay bilang kabayaran sa kabutihang-loob na ipinamalas ng hitána sa kanya noong siya ay hinagupit sa harap ng madla. Sinabihan ni Quasimodo si Esmeralda na manatili sa loob ng katedral upang manatili siyang ligtas. Binigyan din niya si Esmeralda ng isang bakal na píto na maaaring gamitin ng hitána upang tawagin siya. Nang malaman ni Frollo na nasa Notre-Dame si Esmeralda, pinasok niya ang silid ng hitána at tinangka niyang halayin siya habang pinakikiusapan niya siyang tanggapin ang kanyang pagmamahal. Dagling hinipan ni Esmeralda ang bakal na píto, at agad na dumating si Quasimodo at pingilan si Frollo. Nang mamukhaan ni Quasimodo ang kanyang ama-amahan, napuno siya ng takot at inihandog niya ang kanyang punyal kay Frollo upang siya ay parusahan, ngunit agad na inagaw ni Esmeralda ang punyal at itinutok kay Frollo na umalis na galit kay Quasimodo.

Pagkadaka'y ipinaalam ni Frollo kay Gringoire na nagkasundo na ang parlyamento ng Pransiya na bawiin ang karapatan ni Esmeralda na mabigyan ng santwaryo upang hindi na siya maprotektahan ng Notre-Dame at maituloy ang parusang bitay sa kanya. Ipinabatid naman ni Gringoire ang balitang ito kay Trouillefou. Upang mailigtas si Esmeralda, tinipon ni Trouillefou ang lahat ng mga pulubi at hitáno ng Hukuman upang lusubin ang Notre-Dame at pigilin ang nakaambang pagdakip kay Esmeralda.

Sina Frollo, Esmeralda at Gudule sa huling mga tagpo ng Kubà ng Notre-Dame (likhang-sining ni Louis Boulanger)

Nagtipon ang mga taga-Hukuman sa harap ng Notre-Dame. Sa pag-aakalang sasaktan nila si Esmeralda, sinubukan ni Quasimodo na itaboy sila palayo ng katedral. Nang magsidatingan ang mga kawal ng hari upang dakpin si Esmeralda, nag-akala naman siyang nariyan sila upang iligtas si Esmeralda. Habang nagkakagulo sa labas ng Notre-Dame, dumating si Gringoire upang ipuslit si Esmeralda palabas ng katedral, kasama ang isang "kaibigan" na hindi mamukhaan ni Esmeralda. Nang sila'y nakalayo na, nauna sa paglalakbay si Gringoire at naiwang mag-isa si Esmeralda kasama ang di-kilalang "kaibigan" na inalis ang takip sa mukha. Napuno ng takot at galit si Esmeralda nang mamukhaan niyang si Arkidyakono Frollo pala ang kanyang kasama.

Sa huling pagkakataon, nakiusap si Frollo kay Esmeralda na tanggapin ang kanyang pagmamahal. Nang tinanggihan niya ang Arkidiyakono, dinala si Esmeralda ni Frollo kay Gudule, isang matandang babaeng galit sa mga hitáno dahil diumanong dinukot at kinain nila ang kanyang nawawalang sanggol na anak na babae. Habang ipinagkakánulô ni Frollo si Esmeralda sa mga kawal ng Hari, nalaman ni Gudule na si Esmeralda pala ang nawawala niyang anak, na ang tunay na pangalan ay Agnes. Nagsidatingan ang mga kawal upang dakpin si Esmeralda at, sa pagtatangkang pigilan sila, si Gudule ay napatay ng mga kawal.

Nang makitang wala na si Esmeralda sa kanyang silid, nabalisa si Quasimodo at nilibot ang buong Notre-Dame upang hanapin siya. Nang marating niya ang pinakamataas na bahagi ng katedral, kanyang nakita si Frollo na pinanonood ang isang babaeng dinadala ng berdugo sa bitayan. Namukhaan ni Quasimodo ang dalaga, na walang iba kundi si Esmeralda. Isinagawa ng berdugo ang pagbitay kay Esmeralda, at namalas nina Quasimodo at Frollo ang kamatayan ng hitána. Nang kanyang namasdan ang paghalakhak ni Frollo habang pinanonood ang bangkay nang Esmeralda, buong galit niyang tinulak ang Arkidiyakono na nahulog mula sa tuktok ng Notre-Dame sa kanyang kamatayan. Puno ng paghihinagpis, ipinagluksa ni Quasimodo ang kamatayan nina Esmeralda at Frollo sa kanyang himutok, "Ah, [wala na] ang lahat ng aking minahal!" ("Oh! tout ce que j'ai aimé!") Kinalauna'y naglaho si Quasimodo at hindi na nakitang muli.

Sa pagtatapos ng nobela, ikinuwento kung paanong nakita ng ilang mga tao ang isang kakaibang tanawin sa isang tambakan ng mga bangkay: isang kalansay ng kubà ang nakayakap sa isang tila kalansay ng babae. Nang sinubukan nilang paghiwalayin ang dalawa, nadurog ang kalansay ng kubà at naging abo.

Pangunahing tauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang kabutihang-loob ni Esmeralda sa pinarurusahang Quasimodo (likhang-sining ni Luc-Olivier Merson)
  • Esmeralda (ipinanganak bilang Agnes)
isang 16 na taong gulang na hitána, na siyang sentro ng mga kaganapan sa nobela. Siya ay maganda at mahabagin sa kapwa, at siya ay makikitang inaaliw ang madla sa kanyang pagsasayaw. Sa katunayan, si Esmeralda ay hindi pinanganak na hitána; noong siya ay isang sanggol pa lamag, dinukot siya ng mga hitáno bilang kapalit sa pangit na sanggol na lalaking sa kalaunan ay lumaking si Quasimodo, ang kubà. Upang magkatagpo muli sina Esmeralda at ang kanyang ina, ibinigay sa kanya ng kanyang mga hitánong tagapangalaga ang kanyang pambatang sapatos na ang pares ay nasa tunay niyang ina.
  • Quasimodo
ang 20 taong gulang na tagatugtog ng mga kampana ng Katedral ng Notre-Dame. Siya ay isang pangit na kubà na iniwan ng kanyang hitánang ina at kinupkop ni Arkidiyakono Claude Frollo. Siya ay naging bingi dahil sa kanyang trabaho bilang tagatugtog ng mga kampana. Dahil kinasusuklaman ng madla ang kanyang panlabas na katangian, bihira lamang lumabas si Quasimodo mula sa katedral. Nahulog ang kanyang loob sa hitánang Esmeralda noong nagpamalas ito ng kabutihang-loob sa kanya noong siya ay hinagupit at ipinahiya sa madla.
Si Arkidiyakono Claude Frollo
  • Claude Frollo
ang Arkidiyakono ng Katedral ng Notre-Dame na nalibog kay Esmeralda at naging dahilan ng mga kasawian niya. Naulila siya at ang kanyang bulakbol na nakababatang kapatid na si Jehan Frollo mula pagkabata noong nasawi sa salot ang kanilang mga magulang. Siya ang nagkukop at nagpalaki sa pinabayaang Quasimodo at kinalaunan ay naging ama-amahan siya nito. Bagaman siya ay isang pari, punung-puno ng kahalayan ang kanyang puso kay Esmeralda. Siya ang nag-utos kay Quasimodo upang dakpin siya at ang nagtangkang pumatay kay Kapitan Phoebus na kanyang kinaseselosan na kinalaunan ay siyang naging dahilan ng kamatayan ni Esmeralda.
  • Pierre Gringoire
isang makata na naging asawa ni Esmeralda sa loob ng apat na buwan. Nagkataong napadpad si Gringoire sa "Hukuman ng mga Himala" (Cour des miracles), isang tagòng pook sa Paris kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng mga pulubi, hitáno, at iba pang mga taong dukha. Upang manatiling lihim ang Hukuman, kailangang patayin si Gringoire o ikasal sa isang hitána. Bagaman hindi siya mahal ni Esmeralda, kinaawaan siya nito at pinakasalan siya.
  • Phoebus de Chateaupers
ang Kapitan ng mga kawal ng Hari. Bagaman ay nakatakda siyang ikasal sa mayamang dalagang si Fleur-de-Lys de Gondelaurier, sinubukan niyang akitin si Esmeralda noong mahulog ang loob niya makaraang iligtas niya ang hitána sa kamay ni Quasimodo.

Ibang mga tauhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Clopin Trouillefou - pinuno ng Hukuman ng mga Himala
  • Jehan Frollo - 16 na taong gulang na nakababatang kapatid ni Arkidiyakono Frollo
  • Fleur-de-Lys de Gondelaurier - nobya ni Kapitan Phoebus
  • Madame Aloïse de Gondelaurier - ina ni Fleur-de-Lys
  • Gudule (tunay na pangalan: Paquette Guybertaut la Chantefleurie) - ina ni Esmeralda na nag-akalang kinain ng mga hitáno ang kanyang anak noong musmos pa ito
  • Djali - ang alagang kambing ni Esmeralda
  • Louis XI - Hari ng Pransiya
  • Tristan l'Hermite - kaibigan ni Haring Louis XI na namuno sa pagdakip kay Esmeralda
  • Henriet Cousin - ang berdugong nagsagawa ng parusang bitay kay Esmeralda
  • Florian Barbedienne - ang huwes na nagsentensiya ng parusang paghagupit kay Quasimodo
  • Jacques Charmolue - kaibigan ni Arkidiyakono Frollo na tagabantay ng mga bilanggo
  • Pierrat Torterue - ang nagsagawa ng parusang paghagupit kay Quasimodo at ng pagpapahirap kay Esmeralda upang umako sa salang pagpatay kay Kapitan Phoebus
  • Isang mahistrado - ang humatol ng parusang kamatayan kay Esmeralda