Pumunta sa nilalaman

Bagel

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Beygel)
Isang bagel.

Ang mga bagel[1] (maisasalinwika bilang beygel ayon sa bigkas sa Ingles) ay isang uri ng makunat na tinapay. Gawa ang mga ito mula sa harina. Kahawig sila ng mga donat sapagkat ang hugis nila ay parang malaking sing-sing. Pinaalsa sila ng pampaalsa o lebadura. Mayroon silang malutong, makintab na balat, at mayroon silang siksik na loob. Naiiba sila mula sa mga donat sapagkat pinapakuluan muna sila bago hurnuhin. Itinuturing ang bagel bilang isang natatanging uri ng pagkaing Hudyo.[2] Malimit silang kinakain bilang isang pagkaing pang-almusal o kaya bilang isang meryenda.

Ang mga bagel ay yari mula sa payak na mga sangkap na panggawa ng mga tinapay. Kasama sa mga sangkap ang harina, lebadura, asin, at matatamis na mga uri ng pampalasa. Nilalagyan din ito ng sangkap na mga itlog, gatas, at mantikilya upang hindi maging masyadong makunat. Sila lamang ang produktong tinapay na pinakukuluan bago isalang sa hurnuhan.

Ang mga bagel ay madala na tinutusta sa pamamagitan ng aparatong pangtusta, at saka tinatambalan ng mga pagkaing katulad ng kremang keso (malambot na kesong medyo may katamisan) at palamang halaya, o kaya ng mantikilya. Maaari rin silang gamitin sa paggawa ng mga sanwits (pinalamanang tinapay, nakapagitna sa dalawang piraso ng tinapay ang palaman), na may karne (halimbawa ang pinausukang salmon), itlog, at keso. Ang mga sanwits na tinapay ay karaniwang kinakain bilang almusal o pangtanghalian.

Ang unang bagel ay nilikha noong 1683, noong ang isang panadero mula sa Vienna, Austriya ay nagkaroon ng utang na loob sa hari ng Polonya dahil sa pagsagip ng hari sa Austriya mula sa mga taong Turko. Binago ng panadero ang katutubong tinapay upang maging kamukha ng estribong pangkabayo ng hari. Ang bagong tinapay ay pinangalanang "beugel", na nagmula sa salitang Aleman para sa estribo: ang bugel.[3] Unang ipinagbila ang mga bagel sa mga tindahan ng groserya noong dekada ng 1950. Ipinakilala ang unang mga bagel na ilado o pinalamig sa loob ng aparatong pampayelo noong 1960.[3] Nang magpunta ang mga Hudyong Austriyano sa Amerika, dinala nila ang kanilang kaalaman sa pagluluto ng bagel. Ang unang mga panaderya ng mga beugel ay itinatag sa Lungsod ng New York noong dekada ng 1920. Sa paglaon, ang pangalan nito ay binago at naging bagel. Ginamit ang mga bagel bilang sagisag ng tuluy-tuloy na ikot ng buhay  – walang simula at walang wakas.[3]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Gaboy, Luciano L. Bagel - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. "bagel (food) -- Britannica Online Encyclopedia". britannica.com. Nakuha noong 1 Mayo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 "Food Facts & Trivia: Bagels". foodreference.com. Nakuha noong 1 Mayo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)