Pumunta sa nilalaman

Bangus

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Chanos chanos)

Bangus
Klasipikasyong pang-agham
Kaharian:
Orden:
Pamilya:
Chanidae
Subpamilya:
Chaninae
Sari:
Chanos

Espesye:
C. chanos
Pangalang binomial
Chanos chanos
(Forsskål, 1775)
Isdang bangus na hawak ng isang tao

Ang bangus (milkfish), bangos, o Chanos chanos ay isang uri ng isdang matinik o mabuto subalit nakakain.[1] Isang mahalagang pagkaing isda ang mga ito, na nagmula sa Timog-Silangang Asya. Ito ang kaisa-isang nabubuhay na uri na nasa pamilyang Chanidae. Sinasabing may pitong mga uri na kabilang sa limang karagdagang sari ang nawala na sa mundo.

Pangkaraniwang magkatulad ang magkabilang gilid at may hugis na naangkop sa mabilisang paglangoy ang pangangatawan ng bangus. Mayroon din itong pinalikpikang buntot na may dalawang sanga at sapat na laki. Lumalaki ang mga ito hanggang sa 1.7 metro at pangkaraniwang nasa 1 metro ang haba. Wala silang mga ngipin at kadalasang kumakain lamang ng alga at mga imbertebrado. Ang lasa ng bangus ay katulad ng sa Coregonus (whitefish).[2]

Saan matatagpuan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Namumuhay sila sa Karagatang Indiya at sa kahabaan ng Karagatang Pasipiko, na nagkukumpul-kumpol sa paligid ng mga dalampasigan at mga mabato at mabuhanging anyo ng tubig na malapit sa mga kapuluan. Nabubuhay ang mga punla o semilya (maliliit na isda) sa dagat sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, at pagkatapos ay nangingibang pook patungo sa mga latian na may mga bakawan, sa mga bukana ng mga kailugan (estuwaryo), at kung minsan sa mga laguna din. Nagbabalik sila sa karagatan para tuluyang magsilaki at magkaroon ng kakayahang magparami ng lahi.

Kinakalap ang mga maliliit na bangus mula sa mga ilog at pinalalaki sa mga lawa (palaisdaan) kung saan mabilisan silang lumalaki at pagkatapos ipinagbibiling sariwa, pinalamig, nakadelata, o pinausukan.

Tinatawag na sabalo o lulukso[3] ang mga babaeng bangus na nangingitlog at nagkakalat ng kanilang mga itlog na magiging mga bagong bagus matapos mapertilisahan ng lalaking bangus.

Pambansang sagisag ng Pilipinas ang mga bangus. Sapagkat mabagsik sa pagiging matinik ang mga ito kung ihahambing sa ibang mga pagkaing isda ng Pilipinas, naging tanyag ang pagbili ng mga naalisan ng tinik na mga bangus mula sa mga tindahan at pamilihan. Ang MF Sandoval Trading (Bahay-Kalakal na MF Sandoval) ang nagpasimula ng pagbebenta ng mga naalisan ng tinik na mga bangus sa Lungsod ng Dagupan, Pangasinan. Ginamit ng kompanyang MF Sandoval ang katawagang “bangus na walang tinik” (boneless bangus) upang maging mas mabili at kaaya-aya ang produkto.

Noong 1 Setyembre 2007, ipinagutos ng alkalde ng Dagupan, na tatakan ng “Dagupan bangus” ang katutubong produktong bangus (bonuan bangus) ng Dagupan, upang makilala at hindi maipagkamali ng mga mamimili ang mga ito mula sa ibang mga dayuhang produktong bangus na may mabahong amoy at lasang gilik o putik. Kilala ang Dagupan bilang Ulung-bayang Pamilihan ng Bangus ng Mundo.[4]

Tuwing may kapistahan o ibang okasyon sa Pilipinas, palagiang inihahanda ang relyenong bangus. Pinipili ng tagapaghanda ang pinakamalaking bangus na umaabot sa dalawang paa ang haba.[5]

Mga talabanggitan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. English, Leo James. Diksyunaryong Tagalog-Ingles, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971910550X
  2. Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas (1977). "Bangus". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. English, Leo James (1977). "Sabalo, lulukso". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Abs-Cbn Interactive, Dagupan bangus now labeled (May palatandaan na ang bangus ng Dagupan)[patay na link]
  5. Alexandra Petilla; Rafia Q. Shah; Jyothi Setti; Jose C. Magboo; Amaryllis Garupa Selk; Gita Bantwal; Suzanne Olipane; Madge Kho; Ruchira Handa; Chris Santos-Brosnihan; Jumuna B. Vittal; Roosebelt Balboa; Antoinette G. Angeles; Dr. S. Jayasankar; Sivagama Sundhari Sikamani; Socorro M. Bannister; Blanca G. Calanog; Carmencita Q. Fulgado; Rosario E. Gaddi; Salvador Portugal; Marivic L. Gaddi; Jerry P. Valmoja; Peter Nepomuceno; Carmelita Lavayna; Atonia A. Suller; JoAnn C. Gayomali; Florence T. Chua; Theresa Gatwood; Mama Sita; Century Park Hotel-Manila; The Peninsula Hotel-Manila; Holiday Inn-Manila (1998). Recipe Book of Filipino Cuisine. Pittsburg, Pennsylvania: Naresh Dewan.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • "Chanos chanos". Integrated Taxonomic Information System. Nakuha noong Marso 11, 2006.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • "Chanidae". FishBase. Ed. Ranier Froese at Daniel Pauly. Mayo 2006 bersyon. N.p.: FishBase, 2006.
  • "Chanos". FishBase. Ed. Ranier Froese and Daniel Pauly. Mayo 2006 version. N.p.: FishBase, 2006.
  • "Chanos chanos". FishBase. Ed. Ranier Froese and Daniel Pauly. Mayo 2006 version. N.p.: FishBase, 2006.
  • Francisco José Poyato-Ariza, Isang pagbabago sa isdang ostariophysan ng pamilyang Chanidae, na may natatanging pagtukoy sa kaanyuhang Mesozoic (Verlag Dr. Friedrich Pfeil, 1996)

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]